Ang mga bato sa apdo o gallstones ay maliliit na “bato” na nabubuo sa gallbladder na maaaring magdulot ng pananakit at pamamaga. Karaniwan, ang treatment sa bato sa apdo ay alinman sa operasyon o gamot upang malusaw ang mga bato. Pero, mayroon bang natural na paraan na gamot sa bato sa apdo na maaaring mag-alis ng gallstones nang natural sa loob ng 24 na oras?
Mga medikal na paggamot para sa bato sa apdo
Kadalasang hindi nagpapakita ng anumang sintomas o nagiging sanhi ng anumang problema ang bato sa apdo. Gayunpaman, kung ang gallstones ng isang tao ay nagiging masyadong malaki, lubos na dumami o humaharang sa ducts ng gallbladder, maaaring maranasan ang matinding pananakit.
Narito ang ilang karaniwang paraan ng paggamot ng mga doktor sa gallstones:
Gamot sa bato sa apdo: Operasyon
Operasyon ang kadalasang inirerekomendang paraan para sa paggamot ng gallstones. Sa operasyon, ang gallbladder ay tinatanggal upang ganap na maalis ang problema.
Ang dahilan dito ay ang gallstones ay may posibilidad na bumalik. Kaya kahit na ginagamot ang mga bato sa apdo sa pamamagitan ng ibang paraan, posibleng bumalik ang mga ito pagkaraan ng ilang panahon.
Bukod pa rito, hindi lubusang kailangan ng ating katawan ang gallbladder upang matunaw ang pagkain. Kahit na ang gallbladder ay talagang nakakatulong sa panunaw, pwedeng mamuhay parin ng malusog kahit na wala ang organ na ito. Ito ang dahilan kung bakit karaniwang pinipili ng mga doktor ang operasyon upang alisin ang gallbladder kung ang isang tao ay may mga bato sa apdo.
Cholecystectomy ang tawag sa procedure na ito. Isa itong routine surgical procedure na ginagawa sa maraming ospital. Nakapakaunti ng side effects nito. At kung pipiliin ng pasyente na sumailalim sa laparoscopic cholecystectomy, kadalasan ay maaari silang umuwi ilang oras pagkatapos ng operasyon.
Pagkatapos ng operasyon, maaaring makaranas ng pagtatae, paninigas ng dumi, o gas pains. Ngunit ang mga ito ay panandalian lamang at nawawala rin.
Gamot
Ang ilang uri ng gamot ay maaaring makatulong na matunaw o mapira-piraso ang mga gallstones sa gallbladder. Maaaring magreseta ang iyong doktor ng ursodiol, gamot na tumutulong sa pagtunaw ng mga bato sa apdo.
Kapag nabasag na ang mga bato, mas madali na itong dumaan sa bile duct at maaaring ilabas ng katawan. Gayunpaman, ang isa sa mga problema sa paggamit ng gamot ay may posibilidad na bumalik ang gallstones.
Lithotripsy
Ang lithotripsy ay isang pamamaraan na ginagamit upang mapiraso ang mga bato sa pamamagitan ng partikular na intsrumento sa labas ng katawan. Ito ay kadalasang ginagamit upang mapira-piraso ang mga bato sa bato, ngunit maaari rin itong gamitin para sa mga bato sa apdo.
Ang nangyayari ay gumagamit ang doktor ng high-frequency shock wave para ma-target at mabiyak ang mga bato sa gallbladder. Dahil dito, madaling makakaraan ang mga bato sa bile duct upang mailabas ng katawan nang walang anumang problema.
Ang lithotripsy ay maaari ding gamitin kasabay ng ursodiol, upang mapababa ang panganib na ang mga bato sa apdo ay bumalik. Gayunpaman, hindi ito sigurado, kaya may tyansa pa rin na bumalik ang gallstones sa kabila ng pag-inom ng lithotripsy at ursodiol.
Mga Natural na Gamot sa Bato sa Apdo
Mayroon ding ilang napaulat na mabisang natural na paggamot para sa gallstones. Ang ilan ay nagsasabing nakakapag-alis ng gallstones nang natural sa loob ng 24 na oras. Ngunit posible ba ito?
Paglilinis ng Gallbladder
Ang isa sa mga pinakakaraniwang natural na paraan ng paggamot sa mga bato sa apdo ay tinatawag na paglilinis ng gallbladder. Ito ay diet na kung saan ang pasyente ay iinom ng olive oil, fruit juice, at mga espesyal na herbs.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng pamamaraang ito, ang kombinasyong ito ay makakatulong na mapira-piraso ang gallstones, upang natural na mailabas ng katawan ang mga ito
Gayunpaman, higit pang pag-aaral at pananaliksik ang kailangan upang suportahan ang pagiging epektibo nito. Ang ilan ay nakakaranas pa ng pagtatae, pagsusuka, at pananakit ng tiyan habang sumasailalim sa proseso ng paglilinis ng gallbladder. Kung nais mong subukan, pinakamahusay na kumunsulta sa iyong doktor tungkol dito.
Iba pang Uri ng Paggamot
Inirerekomenda din ng iba ang pag-inom ng apple cider vinegar, o pag-inom ng mga halamang gamot tulad ng milk thistle, dandelion, o maging ang pag-inom ng castor oil. Ang ilan ay nagsasabi na ang natural remedies na ito ay makakatulong sa pag basag ng mga gallstones sa gallbladder.
Gayunpaman, ipinakita ng scientific findings na ang mga pamamaraang ito ay hindi talagang epektibo pagdating sa gallstones. Inirerekomenda pa rin ng mga doktor na sumailalim sa operasyon, uminom ng gamot, o lithotripsy upang makatulong para sa paggamot sa bato sa apdo.
[embed-health-tool-bmi]