backup og meta

Alamin: Mahalagang impormasyon tungkol sa tuberculosis

Alamin: Mahalagang impormasyon tungkol sa tuberculosis

Ang tuberculosis na kilala bilang TB, ay isang bacterial infection na pwedeng kumalat sa pamamagitan ng mga lymph node at daluyan ng dugo sa anumang organ sa iyong katawan. Ang TB ay kadalasang matatagpuan sa baga, habang ang isang tao ay nahawahan ng TB. Ito ay dahil sa paglanghap ng aerosol droplets na naglalaman ng mycobacteria. Narito ang kaalaman tungkol sa tuberculosis. 

Ang TB ay kumakalat mula sa isang tao papunta sa isang tao sa pamamagitan ng maliliit na droplets na inilalabas sa hangin sa tulad  ng pag-ubo o pagbahing. Ang close contact sa bahay sa isang taong may TB ay pinakamahalagang kadahilanan sa pagkalat ng TB. 

Maaari ring umatake ang bakterya sa anumang bahagi ng katawan, kasama ang utak, bituka, buto, at glands habang pumapasok ito sa dugo sa pamamagitan ng mga baga.

Ang ilan na na-expose sa TB ay hindi nagkaroon ng mga sintomas dahil ang bakterya ay maaaring mabuhay sa katawan ngunit hindi aktibo. Ito ay tinatawag na latent infection. Ngunit kung humina ang immune system, gaya ng kadalasang nangyayari sa mga taong may immunosuppressive conditions tulad ng HIV infection at AIDS, end stage kidney disease, diabetes mellitus, at cigarette smoking, ang TB bacteria ay maaaring maging aktibo muli (ang kondisyon ay tinatawag na reactivation TB ).

Sa kanilang re-activated state, ang TB bacteria ay nagdudulot ng pagkamatay ng tissue sa mga organ na kanilang nahawahan. Ang muling pag-activate ng sakit na TB ay maaaring nakamamatay kung hindi ginagamot.

Nabubuhay ka man sa ganitong kondisyon o gusto mong bawasan ang iyong panganib, ang kailangan mo ay impormasyon.

Narito ang ilan sa mga mahahalagang tanong at sagot tungkol sa tuberculosis.

Ano ang mga Sintomas ng Tuberculosis?

Bukod sa kaalaman tungkol sa tuberculosis at pagsagot sa “paano kumalat ang tuberculosis?” nakakatulong din ito upang malaman kung paano makita ang mga palatandaan nito.

Karaniwang dahan-dahang nabubuo ang TB. Sa karamihan ng mga kaso, pagkatapos ng primary TB infection (ibig sabihin, pagpasok ng TB sa iyong mga baga), 90% ng mga taong may intact immunity ang kumokontrol sa pagkalat ng bakterya at pumasok sa hindi aktibong yugto.

Ang impeksyon ay hindi nagdudulot ng anumang sintomas, at ito ay kilala na latent TB. Ang tao ay nananatiling asymptomatic, ngunit ang latent disease na ito ay maaaring maging aktibo anumang oras. Tinatayang 2 bilyong tao ang may latent TB at kahit saan mula 5 hanggang 15 porsyento ng mga taong ito ay magdurusa mula sa reactivation ng TB sa kanilang buhay.

Kapag nagpakita ka ng mga sintomas, ito ay tinatawag na Active TB.

Latent TB

Sa kondisyong ito, mayroon kang impeksyon sa TB, ngunit ang bakterya ay nananatili sa iyong katawan sa hindi aktibong estado. Hindi ito nagiging sanhi ng mga sintomas. Ang latent TB, na tinatawag ding inactive TB o TB infection, ay hindi nakakahawa. Gayunpaman, maaari itong maging aktibong TB, kaya mahalaga ang paggamot upang makatulong na makontrol ang pagkalat ng TB.

Active TB

Ang kondisyong ito ay nagdudulot ng sakit at maaaring kumalat sa iba. Ito ay maaaring mangyari sa unang ilang linggo pagkatapos ng impeksyon sa TB bacteria, o maaaring mangyari ito pagkaraan ng ilang taon.

Ang mga palatandaan at sintomas ng aktibong TB ay:

  • Pag-ubo na tumatagal ng tatlong linggo o higit pa.
  • Umuubo ng dugo
  • Pananakit ng dibdib, o pananakit ng paghinga o pag-ubo
  • Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
  • Pagkapagod
  • Lagnat – karamihan ay walang lagnat sa umaga, ngunit tumataas ang temperatura sa gabi, na nagreresulta ng pagpapawis sa gabi
  • Walang gana kumain

Ang tuberculosis ay kadalasang nakakaapekto sa iyong mga baga, ngunit maaari rin itong makaapekto sa iba pang bahagi ng katawan, tulad ng gulugod, mga bato o utak.

Ano ang Dapat Kong Gawin Kung May TB ang Kakilala Ko?

Kung sa tingin mo ay na-expose ka sa isang taong may TB, makipag-ugnayan sa iyong doktor o local health department. Ito ay para makapag-sagawa ng skin test o special blood test. Huwag kalimutang ipaalam sa iyong doktor kapag may nakasalamuha kang taong may sakit na TB.

Gayundin, dapat magsuot ng N95 mask ang mga taong bumibisita sa mga pasyente na kilalang may TB o pinaghihinalaang aktibong TB.

Kailan Ako Dapat Humingi ng Medical Care?

Dapat kang makipag-ugnayan sa iyong doktor kung mayroon kang lagnat, hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang, pagpapawis sa gabi o patuloy na pag-ubo. Madalas itong mga palatandaan ng TB, ngunit maaaring sintomas din ng ibang mga problemang medikal. Ang iyong doktor ay maaaring magsagawa ng mga pagsusuri upang makatulong na matukoy ang sanhi.

Paano Ko Maiiwasan ang TB?

Bukod sa kaalaman tungkol sa tuberculosis, nakakatulong din na alam mo ang iyong gagawin kung ikaw ay nahawaan.

Upang maiwasan ang TB, dapat kang:

Magpabakuna

Sa mga bansa na mas karaniwan ang tuberculosis, ang mga sanggol ay madalas na binabakunahan ng bacillus Calmette-Guerin (BCG). Ito ay dahil maaari itong maiwasan ang matinding tuberculosis sa mga bata. Gayunpaman, ang BCG ay hindi inirerekomenda para sa pangkalahatang paggamit dahil hindi ito masyadong epektibo sa adults. Dose-dosenang mga bagong bakuna sa TB ang nasa iba’t ibang stage ng development at testing.

Iwasang ma-expose sa sinumang may aktibong TB

HUWAG gumugol ng mahabang oras sa sinumang may aktibong TB hanggang sa magamot ang taong iyon nang hindi bababa sa dalawang linggo.

Gumamit ng protective equipment

Kung kailangan mong makipag-ugnayan sa isang taong may aktibong TB, pinakamahusay na gumamit ng protective equipment tulad ng N95 face mask at guwantes. Kung nagtatrabaho ka sa isang pasilidad na nangangalaga sa mga taong may hindi nagamot na TB, kailangan ang personal protective equipment.

Padaliin ang paggamot

Kung kasama mo sa bahay ang isang taong may aktibong TB, tulungan at hikayatin siya na sundin ang mga tagubilin sa paggamot.

Paano Mapipigilan na Magkaroon ng Tuberculosis?

Kung may active TB ka, kailangan mong ihiwalay ang iyong sarili, inumin ang iyong mga gamot, at tiyaking hindi mahahawa ang iba. Karaniwang tumatagal ng ilang linggo ng paggamot na may mga gamot sa TB bago ka hindi na nakakahawa. Sundin ang mga tip na ito para makatulong na hindi magkasakit ang mga kaibigan at pamilya mo:

Sundin ang iyong buong kurso ng gamot

Ito ang pinakamahalagang hakbang. Kung ihihinto mo ang paggamot nang maaga o hindi inumin ang mga gamot, ang bakterya ng TB ay may tyansang mag-mutate at maka-survive sa pinakamabisang gamot sa TB. Ang mga resulting drug-resistant strains ay higit na nakamamatay at mahirap gamutin. 

Manatili sa bahay

Huwag pumasok sa trabaho o paaralan hanggang sa ikaw ay magaling na sa TB, o hindi bababa na makumpleto ang ilang linggong paggamot. Huwag matulog sa silid kasama ng ibang tao sa unang ilang linggo ng paggamot para sa active tuberculosis.

I-ventilate ang silid

Kaalaman tungkol sa tuberculosis: Paano kumakalat ang tuberculosis?

Ang mga mikrobyo ng tuberculosis ay mas madaling kumalat sa maliliit, saradong mga lugar kung saan ang hangin ay hindi gumagalaw. Kung hindi masyadong malamig sa labas, buksan ang mga bintana at gumamit ng bentilador para mapalabas ang hangin sa loob.

Takpan ang bibig at ilong kapag umuubo o bumabahing

Gumamit ng tissue upang takpan ang iyong bibig anumang oras na ikaw ay tumawa, bumahing o uubo. Ilagay ang maruming tissue sa isang bag, isara ito at itapon.

Magsuot ng mask

Ang pagsusuot ng surgical mask kapag kasama mo ang ibang tao sa unang tatlong linggo ng paggamot ay maaaring makatulong na bawasan ang panganib ng pagkalat.

[embed-health-tool-bmr]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Understanding Tuberculosis – the Basics. http://www.webmd.com/lung/understanding-tuberculosis-basics. Accessed August 20, 2016.

Tuberculosis – Symptoms and Causes http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/tuberculosis/symptoms-causes/dxc-20188557. Accessed August 20, 2016.

Understanding Tuberculosis – Diagnosis and Treatment. http://www.webmd.com/lung/understanding-tuberculosis-treatment. Accessed August 20, 2016.

Kasalukuyang Version

10/31/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Mayroon bang Herbal Medicine para sa Tuberculosis?

TB Prevention Strategies:Tips sa Pag-iwas sa TB


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement