Ang influenza (flu) o trangkaso ay isang karaniwang viral infection ng ating respiratory system. Bagama’t aminado ang mga eksperto na nawawala ito mag-isa, nakakatulong pa rin ang pag-inom ng trangkaso treatment. Ano nga ba ang dapat mong malaman tungkol sa mga gamot na ito?
Trangkaso Treatment: Mga Karaniwang OTC Medicines
Ang mga pangkaraniwang OTC medicines, o over-the-counter na trangkaso treatment ay ginawa upang makatulong sa sintomas nito.
Kadalasan, hindi umiinom ng gamot ang mga tao hangga’t makaranas sila ng baradong ilong, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, at lagnat.
Para makadagdag ginhawa sa sintomas ng trangkaso, nakakatulong ang mga gamot na ito:
Antipyretic at Analgesics
Kung mayroon kang trangkaso at lagnat, pati na rin pananakit ng katawan, puwede kang sumubok ng antipyretic (kontra lagnat) at analgesic (kontra pananakit) na gamot.
Hindi mo rin kinakailangan pang uminom ng dalawang magkaibang gamot. Ito ay dahil madalas pinagsasama na ng mga manufacturer ang dalawang uri ng gamot na ito.
Heto ang ilang halimbawa:
- Paracetamol (acetaminophen)
- Naproxen
- Ibuprofen – Huwag uminom nito kapag ikaw ay buntis, at huwag ibigay sa batang 6 na buwang gulang pababa.
Isang Dapat Tandaan Ukol sa Paracetamol:
Maraming gamot sa sipon at ubo ang mayroong paracetamol. Iwasang uminom ng maraming gamot na mayroong paracetamol. Ito ay dahil kung mapasobra ka sa pag-inom nito, posible itong makasama sa atay.
Ang maximum dose sa paracetamol ay 4 grams sa isang araw. Kaya’t kung buong araw ka iinom ng paracetamol, kailangan mo maghintay ng 4 na oras kada inom ng gamot.
Kung ikaw naman ay may sakit sa atay, hindi dapat lalagpas ng 2 grams ang iyong maximum dose sa isang araw.
Paano ang Aspirin?
Ang aspirin ay nakakatulong magpababa ng lagnat at makabawas ng sakit ng katawan.
Ngunit nagbabala ang mga doktor sa paggamit nito dahil posible itong magdulot ng Reye’s syndrome – isang kondisyon na nakakasama sa katawan, lalo na ang utak at atay.
Bihira ang sakit na ito, pero mula bata hanggang matanda ay posibleng magkaron nito. Madalas pa nga nangyayari ito sa mga bata at teenagers na nagkaroon ng viral infection tulad ng bulutong at trangkaso.
Antihistamines
Ang antihistamines ay nakakabawas ng sintomas ng allergies tulad ng tumutulong sipon, nagtutubig na mata, at pagbahing.
Pero dahil lumalabas rin ang mga sintomas na ito kapag ikaw ay mayroong flu, posible ring gamiting trangkaso treatment ang antihistamines.
Heto ang ilang karaniwang ginagamit na antihistamine:
- Diphenhydramine – Nakakapagpaantok ito, kaya’t iwasang uminom kung ikaw ay magmamaneho o gagamit ng heavy equipment.
- Loratadine – Hindi ito nakakaantok, pero hindi kasing-bisa ng diphenhydramine.
- Cetirizine – Hindi rin ito nakakaantok, pero marami ang nagsasabi na inaantok pa rin sila matapos inumin ito.
Decongestants
Posibleng hindi tumutulo ang sipon o nagtutubig ang mata ng isang taong may trangkaso, pero barado naman ang kanilang ilong.
Para makabawas sa sintomas ng trangkaso, nakakatulong ang mga decongestant medicines.
Ang pangkaraniwang decongenstant na mabibili sa Pilipinas ay phenylpropanolamine HCL at phenylephrine HCL.
Expectorants at Mucolytics
Para naman sa makapal at madikit na plema, nakakatulong ang expectorants at mucolytics.
Nakakatulong itong panipisin ang plema, upang mas madali itong mailabas.
Ang pangkaraniwang expectorant dito sa Pilipinas ay guaifenesin, habang ang ambroxol naman sa mucolytic.
Antitussives
Posible ring magdulot ng walang tigil na pag-ubo ang trangkaso na pagtagal ay masakit sa dibdib at lalamunan.
Upang mapawi ang sintomas na ito, ang mainam na trangkaso treatment ay ang antitussive medicine. Ang antitussives ay gamot na nakakatulong magpabawas sa ubo.
Pero tandaan na kung ang iyong ubo ay mayroong plema, hindi nirerekomenda ng mga doktor ang antitussives.
Ito ay dahil sa halip na mailabas ang plema, ay lalo pa itong mananatili dahil hindi mo ito nauubo.
Ang antitussives ay mas nakakatulong sa dry cough na nakakaapekto na sa pagpapahinga at pagtulog.
Isang halimbawa nito ay ang dextromethorphan.
Ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Anti-flu Medicines
Bukod sa mga trangkaso treatment na nakalista sa taas, posibleng magbigay rin ng reseta ang iyong doktor ng anti-flu medicine kung kinakailangan.
Ginagamit ito kung mayroon kang Influenza A o B at posibleng magdulot ng komplikasyon.
Home Remedies for Flu
Ipinapayo ng maraming doktor na gumagaling ang flu kahit hindi ka uminom ng gamot.
At upang makatulong sa paggaling, heto ang mga puwedeng gawin:
- Magpahinga. Nakakatulong ang pahinga upang manumbalik ang lakas ng iyong katawan. Nakakatulong rin ito sa paglaban ng sakit dahil nagkakaroon ng oras na magpalakas ang iyong katawan.
- Uminom ng maraming tubig. Ang tubig ay nakakapagpababa ng lagnat, at nakakatulong rin na mabawasan ang plema.
- Magmumog ng maalat na tubig. Ang pagmumumog ng maalat na tubig ay nakakatulong rin sa mga sintomas ng trangkaso.
- Mag-shower na mainit. Mainam ang mainit na shower para makabawas sa baradong ilong at sipon.
- Matulog na mayroong unan. Hindi man ito trangkaso treatment, pero nakakatulong ang unan upang makaposisyon ka ng komportable sa pagtulog, at para na rin makaiwas sa sakit ng ulo.
Karagdagang Kaalaman
Huwag kalimutan na ang mga trangkaso treatment na nakalista sa taas ay hindi eksaktong nakakagamot sa flu. Sa halip, nakakatulong sila na makabawas ng mga sintomas. Mahalagang kumonsulta sa doktor bago uminom ng anumang gamot.
Siguraduhing magpahinga, at uminom ng maraming tubig kapag mayroong flu. Para rin makaiwas sa paghawa sa iba, maghugas palagi ng kamay, at magsuot ng mask kung ikaw ay kinakailangang lumabas.
Alamin ang tungkol sa Influenza dito.