Umaasa tayo sa ating immune system o resistensya, na protektahan tayo laban sa mga karamdaman, sipon, at iba pang mga kondisyon tulad ng kanser. Ang minsanang pagkakaroon ng sipon ay hindi nakamamatay, ngunit nakaaapekto sa ating katawan. Naapektuhan nito ang ating mood at mga pisikal na kakayahan. Kung gayon, mahalaga na malaman paano palakasin ang resistensya laban sa sipon.
Ano ang ginagawa ng Immune System?
Ayon sa United States National Institute of Allergy and Infectious Diseases, ang immune system ay network ng mga cells at tissue sa katawan at ito ay nagtutulungan upang maiwasan o malimitahan ang impeksyon. Ang immune system ay komplikado at ang network nito ay nagpo-protekta sa buong katawan, mula sa balat hanggang “utak” ng buto 0 bone marrow.
Ang iba’t ibang tissues na bumubuo sa immune system ay mayroong kanya-kanyang tungkulin. Sumasala ang immune system sa mga abnormal na mga cells.
Nakikipag-ugnayan ang mga tissues na ito sa iba pang tissue upang tugunan ang mga sakit. Maraming pag-aaral pa ang ginawa upang mas maunawaan paano ang trabaho ng immune system at kung paano ito mapalalakas, upang maiwasan ang sipon at iba pang sakit.
Ang malusog bang pamumuhay ay nakapagpapalakas ng Immune System?
Habang ang malusog na pamumuhay ay napatunayang nagreresulta ng positibong medikal na benepisyo, inaalam pa rin ng mga pag-aaral kung ito ba ay nakapagpapalakas ng immune system. Bagaman nalaman na wala pang malinaw na ugnayan, walang masama kung mamumuhay sa malusog na pamamaraan.
Pinaka karaniwang sakit na nararanasan ng tao ay sipon. Tinataya ng United States, The Center for Disease Control na ang matatanda ay nagkakaroon ng sipon tatlong beses kada taon. Ang mga bata naman ay mas maraming beses makaranas ng sipon.
Bagaman ito ay tinuturing na hindi nakamamatay, ang mga sintomas nito ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng maayos na pahinga. Ang sipon ay maaaring may malalang epekto sa mga bata, matatanda, buntis, at sa mga may iba pang kondisyong medikal.
Maliban sa pagkakaroon ng maayos na hygiene at pag-iwas sa mga tao na maaaring may sakit, ang pagkakaroon ng matibay na immune system ay makatutulong sa paglaban sa mga sakit at mabilis na paggaling.
Paano Palakasin ang Immune System upang Maiwasan ang Sipon?
Ang maayos na kalusugan at mga malusog na gawi ay hindi nagagawa sa magdamag. Upang makamit ang malusog na pamumuhay, maaari kang mag-umpisa sa pagsasagawa ng maliliit na pagbabago. Narito ang ilang mga pwedeng gawin upang mapalakas ang immune system upang labanan ang sipon at iba pang mga sakit.
1. Kumain ng maraming prutas at gulay
Nakatutulong na mapalakas ang immune system at maiwasan ang sipon sa pagkain ng mga pagkaing may Vitamin C sa prutas at mga antioxidant sa gulay, nilalabanan nito ang mga maaaring makasira sa immune system.
Maaari kang makakuha ng vitamin C sa pagdadagdag ng mga kinakain na prutas at gulay na mayaman sa sustansya tulad ng strawberries, red and green peppers, at broccoli.
2. Maging aktibo
Isa pang epektibong pwedeng gawin upang mapalakas ang immune system laban sa sipon ang ang paglalaan ng 30 minuto na regular na ehersisyo sa loob ng tatlong beses kada linggo.
Ang regular na pag-eehersisyo ay nakatutulong sa maayos na sirkulasyon ng dugo, nagbibigay-daan sa mga cells at substances sa katawan na mas lalong kumilos. Ang mga simpleng ehersisyo tulad ng paglalakad, yoga, pagsayaw, pag-bike, swimming, at iba pang aktibidad ay inirerekomenda.
3. Huwag manigarilyo o Iwasan na ang Pagsisigarilyo.
Madalas nating makita ang babalang: smoking kills. Hindi lamang dahil sa napatunayan itong direktang nagsasanhi ng cancer, napahihina rin nito ang immune system. Ang taong naninigarilyo ay mas madaling kapitan ng sipon at mga sakit.
Sinisira ng paninigarilyo ang baga at mas napadadali nito ang pagkakaroon ng bronchitis at pneumonia.
4. Panatilihin ang Malusog na timbang
Ang sobrang taba sa katawan ay nagkokompormiso sa immune system na maaaring mauwi sa sakit sa puso at iba pang sakit. Nagti-trigger din ng inflammation, partikular sa tiyan, ang sobrang taba sa katawan.
Maaaring mauwi ang malalang pamamaga sa pagkakaroon ng malalang karamdaman. Panatilihin ang malusog na timbang sa pamamagitan ng pagkain ng masustansyang pagkain at regular na pag-eehersisyo.
5. Sapat na pahinga
Ang hindi pagkakaroon ng sapat na tulog ay magdudulot sa tao ng mas madaling pagkakaroon ng sakit.
Ang matatanda ay kailangan ng walo hanggang siyam na oras na tulog bawat gabi. Para sa mas maayos na pagtulog, iwasan ang pagkain o inumin na may caffeine bago matulog at siguruhing madilim at tahimik ang kwarto para sa malalim at kalidad na pagtulog.
6. Bawasan ang stress
Pinakikita ng mga pag-aaral na ang pag-manage sa malalang stress ay makatutulong upang labanan ng ating katawan ang mga sakit. Kapag tayo ay stressed, ang ating katawan ay naglalabas ng cortisol, isang hormone na tumutulong sa katawan na lumaban sa mga nakakai-stress na mga sitwasyon.
Upang mabawasan ang stress, humanap ng nakapagpapakalma na gawain na makapagpapasaya sa’yo tulad ng paghahalaman, pagbabasa ng libro, panonood ng pelikula, pagluluto, pakikinig sa musika at meditating.
7. Uminom ng mga supplement na makapagpapalakas sa immune system.
Bagaman ang mga supplement at vitamins ay hindi nakapipigil sa sakit, maaari naman nitong palakasin ang immunity upang maiwasan ang sipon at ibang sakit. Ang vitamin D ay fat soluble na nakapagpapalakas ng immune system, at nakababawas din ng pamamaga.
Ang vitamin C at Zinc ay nakatutulong din sa pamamaga. Maging maingat sa pag-inom ng mga supplement at kumunsulta sa iyong doktor.
Paano palakasin ang immune system laban sa sipon? Ang ugnayan ng malusog na pamumuhay at malakas na immune system ay hindi pa malinaw na napatutunayan. Ngunit ito ay kinikilala ng medikal na komunidad na maaaring gawin upang mapanatili ang tamang timbang, kumain ng tamang diet, at magkaroon ng aktibong pamumuhay upang sa kalaunan ay palakasin ang immune system laban sa sipon.
Mapabubuti ang kabuuang kalusugan sa pagsasagawa ng mga nasaad sa itaas at mababawasan ang pagiging madaling kapitan sa sakit.
Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.