Nagkakaroon ng reaksyon ang katawan sa malalang sipon at nagdudulot ito ng pinsala sa katawan. Bukod sa karaniwang pananakit ng kalamnan, mararamdaman mong nawawala rin pati ang iyong pang-amoy at panlasa na maaaring maging dahilan para mawalan ka rin ng gana sa hindi katagalan. Makatutulong sa iyo ang pag-alam kung paano maibabalik ang panlasa at pang-amoy para makabalik sa malusog na pangangatawan.
Mga Dahilan ng Pagkawala ng Pang-amoy
Sipon ang isa sa maaaring dahilan kung bakit nawawalan ng pang-amoy o panlasa ang mga tao. Tinatawag na anosmia ang pagkawala ng pang-amoy ng tao, habang hyposmia naman ang tawag kapag mas humihina ang iyong pang-amoy. Ginagamit ang mga terminong ito para ilarawan ang kasalukuyang nararanasan ng isang tao dahil subjective ang nararamdaman ng bawat tao.
May iba pang mga dahilan kung bakit nawawala ang pang-amoy bukod sa karaniwang sipon. Mabibigyan ka ng mga sumusunod ng kaunting kaalaman tungkol sa kung paano maibabalik ang panlasa at pang-amoy.
Katandaan
Posibleng mawala ang pang-amoy at panlasa pagdating sa edad na 60. Maaaring mawala ang ilan sa nerve endings at mas kaunti rin ang mucus na lumalabas kumpara noon. Nakatutulong ang mga ito para makilala ng ilong ang isang amoy. Gayundin, may mga sakit na nauugnay sa katandaan na nakakaapekto sa pang-amoy, tulad ng Alzheimer o Parkinson disease.
Adaptasyon
Maaari din maapektuhan ng adaptation ang iyong pang-amoy. Nangyayari ito tuwing patuloy kang nakakaamoy ng malalakas na amoy na kung minsan hindi mo na napapansin.
Isang halimbawa nito ang pangangailangan mong gumamit ng iba-ibang kemikal at amoy sa trabaho kaya sa katagalan nagiging pangkaraniwan na ito sa iyo kumpara sa iba.
Mga Sakit
Maraming sakit ang maaaring magdulot ng pagkawala ng pang-amoy o paghina nito. Tinatawag na nasal congestion ang isa sa mga sintomas ng mga sakit na maaaring makaapekto sa pang-amoy. Kabilang dito ang karaniwang sipon, trangkaso, allergic rhinitis, at kung minsan pati rin paninigarilyo.
Isa pang sintomas ang abnormal na paglaki o nasal polyps na nakakaapekto sa mga ugat sa loob ng ilong kaya humihina ang sariling pang-amoy. Nakasalalay ang pagbalik ng iyong pang-amoy sa tamang pagpapagaling mula sa mga sakit.
Trauma
Maaari din makaapekto sa pang-amoy ang mga pinsala sa ulo na nakakaapekto sa ilong. Tulad ng mga sakit, posibleng masira dahil sa trauma ang mga ugat nagpapadala ng signal sa utak.
Mahalagang malaman na nakakaapekto rin ang pagkawala ng pang-amoy sa sariling panlasa. Nasa ibaba lamang ng ilong ang iyong bibig, at tinutulungan nila ang isa’t isa. Bukod sa lasa ng pagkain na pinoproseso ng iyong dila, nagiging mas katakam-takam ang pagkain dahil sa amoy nito. Posibleng maging matabang ang lasa ng pagkain dahil sa sipon o baradong ilong.
Ageusia ang tawag sa pagkawala ng panlasa.
Paano Maibabalik ang Pang-amoy
Depende sa sanhi ng anosmia o hyposmia, may kaukulang hakbang para maibalik ang pang-amoy. Para sa mild na sipon at allergy, malulunasan ang mga sakit na ito sa pamamagitan ng pananatiling hydrated, pagpapagaling sa mga sintomas gamit ang mga over-the-counter na gamot, pag-iwas sa mga allergen, at pagpapahinga. Kapag naalis na ang mga ito, maibabalik din ang pang-amoy.
Nagbibigay ng mga nasal spray o drops ang ilang doktor para gamutin ang mga nasal blockage at polyp. Pinakamainam na uminom ng gamot na inireseta ng iyong doktor, lalo na kapag gumagamit ng antibiotics.
Gumagaling at bumabalik din ang iyong nasal nerves paglipas ng panahon kaya hindi rin nagtatagal ang karamihan sa mga sanhi ng pagkawala ng pang-amoy at panlasa. Kapag nagpatuloy pa rin ito pagkatapos mabigyan ng gamot at treatment, komunsulta sa doktor o medical practitioner para malaman ang problema sa iyong kondisyon. Maaari itong mangailangan ng ilang test at humantong sa operasyon ayon sa kanilang diagnosis.
Key Takeaways
Posibleng mas magiging madali kung paano maibabalik ang panlasa at pang-amoy ng isang tao kapag komunsulta sa doktor. May iba-ibang dahilan ng anosmia at hyposmia, at maaaring magkakaiba rin ang paraan ng paggamot sa kanila. Kung may ipinag-aalala tungkol sa kung paano nakakaamoy at nakakalasa, komunsulta sa doktor para matulungan kang maibalik ito sa normal.
Tignan ang iba pang Pangkalahatang Kaalaman sa Kalusugan dito.