backup og meta

Maling Paniniwala Sa Trangkaso, Anu-Ano Nga Ba?

Maling Paniniwala Sa Trangkaso, Anu-Ano Nga Ba?

Maraming mga maling paniniwala tungkol sa trangkaso. Sa Pilipinas, ang gamot sa sakit na ito ay batay sa karaniwan at matagal ng mga paniniwala na hindi lubhang napatunayan. Mahalagang malaman ang pagkakaiba ng mga katotohanan at maling paniniwala tungkol sa trangkaso upang masigurong maisagawa ang tamang gamutan at pag-iingat.

Basahin ang artikulong ito upang malaman ang ilan sa mga pagkakaiba ng mga katotohanan at maling paniniwala sa trangkaso.

Pagkakaiba ng mga katotohanan at maling paniniwala tungkol sa trangkaso

Ang trangkaso ay maaaring magdulot ng sintomas ng matinding sipon subalit ito ay lubhang iba mula sa common colds. Ang dalawang sakit na ito ay may magkatulad na mga sintomas at kadalasang ginagamot sa parehas na paraan. Ito ang dahilan kung bakit nakalilito ang mga ito. Bagama’t ang sipon ay hindi gaanong matindi at mas nagtatagal, ang trangkaso ay mas mapanganib.

Ang mga sumusunod ay mga sintomas ng trangkaso:

  • Lagnat na 102°F o mas mataas pa
  • Panginginig at pagpapawis
  • Pananakit ng muscles at ulo
  • Pananakit ng dibdib
  • Ubo
  • Baradong ilong
  • Kawalan ng ganang kumain

Kung mas lumubha pa ang mga sintomas at tumagal nang mas mahaba pa sa pito hanggang sampung araw, agad na magpakonsulta sa doktor.

Maling paniniwala sa trangkaso #1: Ang trangkaso ay laging may kasamang gastrointestinal symptoms

Isa sa mga mahahalagang katotohanan tungkol sa trangkaso na dapat tandaan ay bagamat marami itong sintomas, ang digestive distress ay bihirang kabilang sa mga ito.

Maaaring mapagkamalan ng mga tao na ang “stomach flu” ay katulad ng trangkaso, subalit ito ay lubhang iba. Ang stomach flu ay tumutukoy sa grupo ng mga virus na pangunahing sanhi ng pagsusuka at pagtatae.

Hindi ito dahil sa influenza virus. Ang trangkaso ay maaaring humantong sa ilang gastrointestinal issues, subalit kung lumubha ang mga ito, agad na magpakonsulta sa doktor.

Maling paniniwala sa trangkaso #2: Hindi ka mamamatay dahil sa trangkaso

Ang trangkaso ay maaaring mabilis na maging malubhang kondisyon, tulad ng pneumonia, partikular na sa ibang tao na may iba pang kondisyon sa kalusugan. Sa ilang mga kaso, ang trangkaso ay maaaring nakamamatay.

Ang mga taong may high-risk ay ang mga sumusunod:

  • Mga sanggol o mga bata hanggang 4 taong gulang
  • Mga taong nasa edad 65 o pataas
  • Mga kababaihang nagpapasuso
  • Mga taong may mababa o compromised immunity
  • Mga buntis
  • Mga kababaihang sumusubok mabuntis
  • Mga taong may chronic health condition
  • Mga taong nabubuhay sa long-term care center

Mahalaga para sa mga taong kabilang sa vulnerable populations ang taunang pagpapabakuna ng flu vaccine upang maiwasan ang malulubhang sitwasyon o problemang kaugnay ng trangkaso.

Maling paniniwala sa trangkaso #3: Hindi ka magkakatrangkaso kung umiinom ka ng vitamin C

May ilang naniniwala na ang pag-inom ng vitamin C ay nakatutulong upang makaiwas mula sa sipon at trangkaso. Subalit hindi napipigilan ng mga bitamina ang pagkakaroon ng trangkaso. Ang pag-inom ng mga bitamina at vitamin C ay makapagpapalakas ng iyong resistensya, subalit maaari ka pa ring magkatrangkaso.

Maling paniniwala sa trangkaso #4: Huwag magpabakuna ng flu vaccine kung ikaw ay mga sakit o nagkaroon ng trangkaso

Ang pagbabakuna ng flu vaccine ay ligtas kahit na may lagnat o may hindi gaanong malubhang sakit. Subalit maaaring imungkahi ng doktor na hintayin munang ikaw ay gumaling bago magpabakuna. At maaari ka pa ring magpabakuna kahit na nagkaroon ka ng trangkaso. Ang flu vaccine ay nagbibigay ng proteksyon laban sa maraming uri ng virus.

Maling paniniwala sa trangkaso #5: Kung ikaw ay nagpabakuna, maaari kang magkatrangkaso

Ang flu vaccine ay mula sa inactivated virus, na hindi nakapagpapakalat ng impeksyon. Matapos magpabakuna, kinakailangan ng isa hanggang dalawang linggo bago ito maging epektibo. Mahalagang tandaan na ang mga taong nagkasakit matapos magpabakuna ng flu vaccine ay papunta na sa pagkakaroon ng sakit.

Maling paniniwala sa trangkaso #6: Ang mga buntis ay hindi maaaring magpabakuna

Ang pagbubuntis ay nagdudulot ng pagbabago sa resistensya, puso, at baga na dahilan upang tumaas ang tyansa ng pagkakaroon ng malubhang trangkaso. Ang flu vaccine ay ligtas sa mga buntis, at napabababa nito ang tyansa ng pagkakaroon ng mataas na lagnat at malubhang impeksyon na maaaring humantong sa komplikasyon sa pagbubuntis.

Mabuti na lamang na habang ang antibodies laban sa trangkaso ay nadedebelop sa ina, ang parehas na proteksyong ito ay naipapasa sa sanggol sa pamamagitan gatas ng ina. Nakapagbibigay ito ng resistensya sa kanilang mga unang buwan.

Maling paniniwala sa trangkaso #7: Hindi kinakailangang magpabakuna ng mga tao

Sinuman, mula sa mga may malulubhang karamdaman hanggang sa mga malulusog, ay maaaring makinabang sa flu vaccine.

Bagama’t ang mga taong malulusog ay maaaring makaranas ng hindi magandang pakiramdam dahil sa trangkaso, maaaring madali nilang maipasa ang virus sa mas vulnerable na miyembro ng populasyon, kabilang ang mga miyembro ng pamilya na may iba pang mga kondisyon sa kalusugan.

Maling paniniwala sa trangkaso #8: Hindi ka magkakatrangkaso kung ikaw ay nagpabakuna ng flu vaccine

Ang flu vaccine ay nakatutulong sa pagbibigay-proteksyon laban sa mga pangunahing uri ng influenza. Subalit maaari ka pa ring magkatrangkaso. Maaaring nauna ang pagkakaroon ng impeksyon bago ang pagpapabakuna.

Posible rin ito sa ibang uri ng trangkaso na hindi saklaw ng bakuna. Subalit ang bakuna ay maaari pa ring makapagbigay ng ilang proteksyon, at maaari kang magkaroon ng hindi gaanong malubhang trangkaso.

Maling paniniwala sa trangkaso #9: Hindi kailangan ng taunang pagpapabakuna ng flu vaccine

Ang influenza virus ay maaaring magbago sa bawat taon. Ibinibigay ang flu vaccine bilang proteksyon laban sa mga pangunahing uri ng trangkaso. Kaya mahalagang magpabakuna ng flu vaccine kada taon bago magsimula ang flu season.

Maling paniniwala sa trangkaso #10: Maaari kang magkatrangkaso sa pamamagitan ng pagtulog nang basa ang buhok

Ilang beses mo nang narinig mula sa mga nakatatanda na hindi ka dapat matulog nang basa ang iyong buhok dahil maaari kang magkaroon ng sipon o trangkaso?

Subalit ang tanging paraan upang magkaroon ng trangkaso ay ang pagiging lantad sa influenza virus. Dagdag pa kapag malamig, subalit ito ay dahil ang flu season ay sabay ng malamig na panahon.

Madalas na iugnay ng mga tao ang trangkaso sa sipon, sa malamig na paligid. Subalit walang tiyak na kaugnayan ang dalawang ito.

Maling paniniwala sa trangkaso #11: Kumain nang marami kung may sipon, kumain nang kaunti kung may lagnat

Kung ikaw ay may trangkaso (o sipon) at lagnat, kailangan mo ng maraming fluids. Bagama’t wala kang ganang kumain, ang enerhiya mula sa mga masusustansyang pagkain at ang pag-inom ng maraming tubig ay makapagbibigay ng ginhawa at makatutulong sa paglaban sa virus.

Maling paniniwala sa trangkaso #12: Ang lugaw ay ang gamot sa trangkaso

Sa tuwing nagkakaroon ng trangkaso, ang karaniwang gamot na laging inihahanda sa bahay ay ang lugaw.

Bagamat ang mainit na sabaw ay nakatutulong sa namamagang lalamunan at nagbibigay ng kailangang fluids, ang lugaw ay walang tiyak na sangkap upang labanan ang trangkaso.

Maling paniniwala sa trangkaso #13: Kung mayroon kang malubhang trangkaso at mataas na lagnat na hindi nawawala, maaaring kailanganin ang antibiotics

Iniisip ng karamihan na ang antibiotics ay kailangan upang gumaling mula sa trangkaso. Bagama’t mainam itong panlaban sa bacteria, hindi ito epektibo sa viral infection tulad ng trangkaso. Subalit ang mga tao ay maaaring magkaroon ng bacterial infection bilang komplikasyon ng trangkaso. Kung lumubha ang sintomas, magpakonsulta sa doktor.

Kailangan dapat magpakonsulta sa doktor?

Bukod sa pag-alam sa pagkakaiba ng mga katotohanan at maling paniniwala tungkol sa trangkaso, mahalaga ring malaman kung kailan dapat kumonsulta sa doktor.

Sa karamihan ng mga kaso, ang trangkaso ay maaaring magamot sa bahay at ang sintomas ay mawawala nang kusa. Mahalagang manitiling hydrated at magpahinga kung may trangkaso.

Ang ilang mga gamot na walang reseta ay maaaring inumin upang mabawasan ang sakit.

Subalit kung magpatuloy ang mga sintomas, lumubha, o ikaw ay high risk, mahalagang magpakonsulta sa doktor. Narito ang ilang mga senyales ng lumulubhang trangkaso:

  • Matagal, mataas na lagnat
  • Nahihirapang huminga
  • Nagiging kulay bughaw ang kulay ng mga balat (para sa mga sanggol)
  • Hindi nawawalang pananakit ng dibdib o pressure sa dibdib
  • Panghihina
  • Hindi makapag-isip nang mabuti
  • Hindi gumigising
  • Tuloy-tuloy na pagsusuka
  • Matinding pananakit ng sinus
  • Namamagang glands sa leeg o panga
  • Pananakit o pagbabara ng tainga

Key Takeaways

Ang paggamot sa trangkaso batay sa mga tradisyunal na paniniwala ay maaaring makaapekto sa kalusugan ng isang tao. Maaaring sa pamamagitan nito ay hindi maibigay ang wastong gamot at pag-aalaga. Siguraduhing alamin ang mga katotohanan tungkol sa trangkaso. Gumawa ng mga hakbang upang manatiling malusog.
Alamin ang pagkakaiba ng katotohanan at maling paniniwala upang maiwasan ang pagkakaroon ng virus. Sa pamamagitan din nito ay maiiwasan ang pagkalat ng trangkaso sa inyong pamilya at sa iba pa na maaaring kabilang sa high risk groups at makaranas ng matinding komplikasyon mula sa trangkaso.

Matuto pa tungkol sa Influenza dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

FamilyDoctor. 2017. Flu Myths. https://familydoctor.org/flu-myths/ Accessed July 12, 2020

Harvard Health Publishing. 2018. 10 Flu Myths. https://www.health.harvard.edu/diseases-and-conditions/10-flu-myths Accessed July 12, 2020

US News. 2015. 10 Cold and Flu Myths Debunked. https://health.usnews.com/health-news/health-wellness/slideshows/10-cold-and-flu-myths-debunked Accessed July 12, 2020

Flu https://medlineplus.gov/flu.html Accessed July 12, 2020

How to prevent infections https://www.health.harvard.edu/staying-healthy/how-to-prevent-infections Accessed July 12, 2020

Learn about Flu https://www.lung.org/lung-health-diseases/lung-disease-lookup/influenza/learn-about-influenza Accessed July 12, 2020

Flu Shot in Pregnancy: Is it Safe? https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/pregnancy-week-by-week/expert-answers/influenza/faq-20058522 Accessed July 12, 2020

Kasalukuyang Version

09/01/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Sintomas Ng Trangkaso: Tandaan Ang Mga Sintomas Na Ito

Paano palakasin ang resistensya sa trangkaso? Subukan ang mga ito


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement