.Ang pagkakaroon ng ubo sa gabi ay isang discomfort na iniiwasan natin dahil mahalaga ang pagtulog upang makabawi ng lakas ang ating katawan. Ngunit paano tayo makakakuha ng magandang kalidad ng pagtulog kung inuubo tayo at hindi natin ito makontrol? Basahin at alamin mo sa artikulong ito kung paano ihinto ang hindi mapigilang pag-ubo sa gabi at kung bakit nagaganap ito.
Ano Ang Mga Dahilan Ng Hindi Mapigilang Ubo Sa Gabi?
Totoong sobrang nakakaabala para sa atin ang hindi makontrol na pag-ubo lalo na kapag paulit-ulit itong nangyayari. Dahil maaaring magresulta ito ng mga negatibong epekto sa iyong kalusugan na pwede mong ikapahamak.
Ayon sa mga doktor, ang pag-ubo ay isang paraan upang maalis ang foreign particles, irritant, at fluids mula sa’yong respiratory system.
Maraming mga isyu sa kalusugan at kapaligiran ang maaaring mag-trigger ng iyong pag-ubo at narito ang ilan sa mga dapat mong malaman:
- Mga allergy — Ang allergies ay isa sa karaniwang sanhi ng ubo ng tao at madalas nakukuha ang allergy sa iba’t ibang anyo, mula sa hay fever hanggang sa allergic reactions sa alikabok.
- Runny nose — Ang runny nose ay mula sa komon na sipon, sinusitis, at trangkaso kung saan pwedeng humantong ito sa sa uhog na nangingiliti sa iyong lalamunan kaya ka nauubo.
- Hika — Pwedeng magpasikip ng air tubes sa baga ang hika na kinalaunan ay maaaring humantong sa pag-build up ng uhog at maging sanhi para mahirapan ka sa paghinga.
- GERD — Ang acid mula sa gastroesophageal reflux disease (GERD) o heartburn ay maaaring makaapekto sa iyong passage mula sa tiyan patungo sa bibig.
- Paninigarilyo — Maraming toxin ang pwedeng makuha ng ating baga dahil sa paninigarilyo at upang maialis ito lumilikha ang katawan ng pag-ubo para matanggal ang mga dumi sa daanan ng hangin.
- Pag-inom ng gamot para sa blood pressure — Kung gumagamit ka ng ilang mga gamot para makontrol ang presyon ng dugo maaaring humantong ito sa patuloy na pagkakaroon ng tuyong ubo.
Ang pag-ubo ay isang normal at tipikal na tugon ng ating katawan para maalis ang mga dumi sa atin. Ngunit, mayroong mga pagkakataon na nagiging problema ito dahil sa discomfort at sakit na dulot ng pag-ubo sa gabi. Maaaring makagambala ito sa iyong pagtulog at humantong sa maraming health complication.
Paano Ihinto Ang Hindi Mapigilang Ubo Sa Gabi
Ang hindi mo makontrol na pag-ubo ay pwedeng magdulot ng iritasyon. At sa ilang malalang kaso maaaring makagambala ito pang-araw-araw na paggana mo.
Ipagpatuloy mo ang pagbabasa sa artikulong ito para sa tips na pwede mong subukan para mabawasan ang iyong ubo sa gabi.
1. Gumamit ng mga humidifier o vaporizer
Kapag ang humidity level ng isang silid ay bumaba sa 30% pwedeng magresulta ito sa tuyong hangin. Ang tuyong hangin mula sa air conditioning o heating system ay maaaring magpalala ng iyong ubo sa gabi. Para labanan ito magsaksak ka ng cool-mist humidifier o steam vaporizer para mapataas ang moisture level sa’yong kuwarto. Maaari kang magdagdag ng essentials oils upang magkaroon ng aromatherapy at makatulong sa pagpawi ng iyong ubo.
Ipinakita ng iba’t ibang pag-aaral na ang eucalyptus, cinnamon, rosemary, nutmeg, cypress, thyme, geranium, peppermint, at lavender ay maaaring makatulong sa ilang mga problema sa paghinga, kabilang ang pag-ubo.
Lumilikha ang mga humidifier ng mist mula sa malamig o room-temperature water. Ang vaporizers naman ay nagpapainit ng tubig at inilalabas ito bilang singaw. Ang mga humidifier ay mas mahusay para sa mga tahanan na mayroong mga bata at matatandang magulang dahil ang matinding init ng vaporizer ay pwedeng magdulot ng mga aksidente.
Ngunit mahalagang tandaan mo pa rin na ang sobrang kahalumigmigan ay maaari ring maging dahilan ng pagkakaroon ng amag sa paligid at mga bagay. Ang amag ay isang allergen na pwedeng mag-trigger ng pagkakaroon mo ng allergic reactions at pag-ubo.