Gaano katagal kang nananatili sa loob ng iyong bahay? Ayon sa pananaliksik, 90% ng mga tao ay nananatili sa loob ng kanilang bahay sa loob ng average na 22 oras sa isang araw. Dahil dito, naging mas mahalaga ang pagsunod sa mga paraan upang mapabuti ang kalidad ng hangin sa loob ng bahay. Ito ay dahil maaaring may mga positibong epekto ito sa ating kalusugan at kapakanan. Subalit ano ang solusyon sa polusyon sa hangin sa loob ng bahay? Alamin sa artikulong ito.
Ano Ang Indoor Air Quality?
Ang Indoor Air Quality (IAQ) ay ang sukat kung gaano kalinis ang hangin sa lugar kung saan tayo nakatira, nagtatrabaho, o naglalaro. Maraming bagay ang maaaring makaimpluwensya sa IAQ, kabilang na ang mga sumusunod:
- Ang sistema ng bentilasyon o kung paano gumagalaw ang hangin sa loob at labas ng gusali
- Kakayahang mabuksan ang mga bintana
- Mga kagamitan at muwebles na maaaring maglabas ng mga kemikal na pollutant, gaya ng formaldehyde
- Mga kemikal na mula sa mga aktibidad na ginagawa sa loob ng bahay
- Pollutants na pumapasok sa bahay o gusali
- Iba pang mga materyales tulad ng mga kagamitan sa paglilinis at mga kagamitang pansining na ginagamit sa loob ng bahay
At dahil batid natin ang kahalagahan ng pagpapanatili ng malinis ang hangin sa bahay (lalo na kapag may mga bata), madalas tayong nagsasagawa ng mga solusyon sa polusyon sa hangin sa bahay.
Halimbawa, maraming tao ngayon ang kinagigiliwan ang paggamit ng diffusers para “langhapin ang mga benepisyo” ng essential oils. Pinipili naman ng iba ang magsindi ng mga mababangong kandila para makapag-relax.
Siyempre, may mga pagkakataon ding gumagamit tayo ng mga pabango at disinfectant sprays para maalis ang masamang amoy sa loob ng bahay.
Ngunit alam mo bang ang mga aktibidad na ito ay posibleng mas mapanganib kaysa makabuti?
Mga Karaniwang Bagay Na Maaaring Magdulot Ng Panganib Sa Indoor Air Quality
Kung hindi ito gagamitin nang tama, ang mga sumusunod na materyales ay maaaring humantong sa mga problema sa kalusugan na may iba’t ibang antas.
Halimbawa ng mga alalahanin sa kalusugan ay ang asthma attacks, pagkahilo, panunuyo ng mga mata, pagiging barado ng ilong, pagduduwal, at pagkapagod.
Narito ang mga kaalaman kung paano nakaaapekto ang mga materyales na ito sa ating kalusugan at ang tips na maaari nating gawin bilang solusyon sa polusyon sa hangin sa bahay.
Disinfectant Sprays
Dahil sa kakayahan ng mga ito na “pumatay ng viruses at bakterya”, marami ang gumagamit ng disinfectant sprays sa labis na paraan.
Gayunpaman, mahalagang tandaang ang disinfectant sprays at iba pang aerosol na produkto (tulad ng insect killer sprays) ay naglalabas ng “volatile organic compounds (VOC)”.
Ayon sa mga ulat, ang mga VOC ay nagiging sanhi ng pagkakaroon ng mga malulubhang problema sa respiratory, allergy, at pananakit ng ulo.
Tips Sa Paggamit Ng Disinfectant Sprays (At Iba Pang Mga Aerosol)
- Sundin ang mga tagubilin ng manufacturer. Sa lalagyan o bote ng mga ito, ang sprays ay kadalasang may kasamang mga direksyon tulad ng tamang distansya sa pagitan ng nozzle at ng bagay o ang tagal ng oras (karaniwan ay ilang segundo).
- Mag-spray lamang kung kinakailangan. Kung ang gamit ay hindi kailangang linisin, huwag gamitin ang spray, para lamang ito ay maging “mabango”.
- Tandaang ang pagiging malinis ay hindi lamang tungkol sa amoy ng gamit o ng hangin. Hangga’t maaari, huwag gumamit ng mga mabangong produkto. Ang air fresheners, halimbawa, ay “concentrated sources” ng pollutants ng hangin.
- Maliban kung iba ang nakalagay sa panuto, buksan ang ilang mga bintana habang nag-iispray.
- Matapos mag-spray sa mga ibabaw, punasan ang mga ito ng basang tela upang “tanggalin” ang particles na maaaring lumutang sa hangin.
- Suriin ang mga produktong naglalaman ng pine, o citrus at lemon-scented. Ang mga partikular na produktong ito ay may terpenes. Ito’y maaaring magprodyus ng formaldehyde kung nagkaroon ng reaksyon ang mga ito sa smog.
Diffuser Na May Essential Oils
Kasalukuyang sikat ang paggamit ng essential oils sa Pilipinas. Ngunit ano-ano ang mga epekto nito sa indoor air quality?
Sa isang pag-aaral na pinamagatang, “The effects of evaporating essential oils on indoor air quality,” ginamit ng mga mananaliksik ang tatlo sa pinakasikat na essential oils: tea tree, lavender, at eucalyptus.
Habang nag-eevaporate ang essential oils, sinukat ng mga mananaliksik ang mga lebel ng mga sumusunod na compound:
- Panloob na Carbon monoxide
- Carbon dioxide
- Total volatile organic compounds (TVOCs)
- Particulate matters
- Actibidad na antimicrobial sa airborne microbes
Makikita sa mga resulta na:
- Nagkaroon ng pagtaas sa mga lebel ng panloob na carbon monoxide, carbon dioxide, at TVOCs.
- Ang aktibidad na antimicrobial laban sa airborne microbes ay napansin lamang sa unang 30 hanggang 60 minuto ng pag-evaporate ng essential oils.
- May “mataas na emisyon” ng iba’t ibang mga kemikal sa terpene family.
Tips Sa Paggamit ng Essential Oils
- Tandaang ang bawat essential oils ay magkakaiba at ang ilang 100% EOs ay maaaring magresulta sa respiratory symptoms. Ito’y lalo na sa mga pasyenteng may hika at allergy.
- Gumawa ng mga hakbang upang linisin at ingatan ang diffuser, lalo na ang tubig ay maaaring magkaroon ng mga mikrobyo.
- Huwag sunud-sunurin ang pag-diffuse ng essential oils sa loob ng ilang oras. Maraming mga eksperto ang nagsasabing kailangang nagkaroon ng regular na breaks sa pagitan ng bawat paggamit. Ang bawat diffusion ay tumatagal lamang 30 minuto na pinakamatagal.
- Mag-diffuse lang ng oils sa lugar na may magandang bentilasyon.
Mababangong Kandila
At, siyempre, mayroon ding gumagamit ng mga mababangong kandila. Ito ay isang simple at murang paraan upang makapag-relax o gumanda ang pakiramdam. Ngunit paano pagandahin ang hangin sa bahay gamit ang mga ito?
Sa Denmark, kung saan ang pagsisindi ng kandila ay isang karaniwang gawain sa bahay, gustong malaman ng mga mananaliksik kung ang usok ng kandila ay maaaring negatibong makaapekto sa kalusugan ng isang tao.
Natutuklasan nilang 60% ng mga ultra-fine particle sa mga tahanan ng Danish ay nagmumula sa pagsisindi ng mga kandila sa loob lamang ng 2 oras sa isang araw.
Ang ultra-final particles (UFPs) ay nanoparticles na napakaliit kaya’t pumapasok ang mga ito sa mga baga. Bagama’t kailangan pa ng mga karagdagang pag-aaral upang tiyak na makumpirma kung paano nakaaapekto ang nanoparticles na ito sa ating kalusugan, iminumungkahing ng ilang mga pananaliksik na ito ay “epektibo sa pag-iirita sa mga panlaban ng katawan”.
Pinakamainam na iwasan ang pagsisindi ng mga mababangong kandila, hanggang sa malaman ang higit pa tungkol sa epekto nito sa kalusugan.
Tips sa Pagsisindi ng Mga Mabangong Kandila
- Mahinay-hinay sa paggamit ng mga mabangong kandila
- Palaging magsindi ng kandila sa lugar na may magandang bentilasyon.
- Piliin ang mga kandilang gawa sa soy o beeswax. Ang mga ito ay natuklasang nagpoprodyus ng mas kaunting mga pollutant sa loob ng bahay kaysa sa mga kandilang gawa sa paraffin wax.
Muli, tandaan: Ang mabangong hangin ay hindi nangangahulugang malinis na hangin. Ang pinakamahusay na solusyon sa polusyon sa hangin sa bahay ay panatilihing malinis ang ating mga tahanan, mag-alaga ng ilang mga halaman, at hayaang pumasok ang sariwang hangin.
Matuto pa tungkol sa Respiratory Health dito.