Kung tinawag kang “carbon copy” ng isa sa mga magulang mo, alam mo na kung gaano kalakas ang hereditary traits. Mabuti man o masama, ang family history at genetics natin ay may malaking papel sa itsura natin at kung anong sakit ang pwedeng magkaroon tayo. Alam ng marami na ang obesity, diabetes, at hypertension ay nasa pamilya. Kung may asthma ka, maaaring nag-aalala kang maipasa ito sa iyong mga anak. Namamana ba ang asthma? Maiiwasan ba natin ito? Basahin ang sagot sa artikulong ito.
Namamana ba ang Asthma?
Tulad ng maraming sakit, ang asthma ay may malakas na genetic component. Walang isang gene na responsable sa hika pero ang ilan ay naimbestigahan na. Ang genes na ito ay partially responsible sa immune response ng katawan sa mga nagti-trigger at remodeling ng daanan ng hangin sa hika. Ang maraming produksyon ng mucus at pagiging sensitibo sa allergens ay dalawa lamang sa kahihinatnan ng genes na ito.
Predisposing factors ng asthma
- Pagkakaroon ng magulang o kapatid na may hika
- History ng mga allergy (hal. allergy sa pagkain, rhinitis) o atopy (hal. dermatitis, eczema)
- Respiratory infections sa panahon ng pagkabata (hal. RSV, pneumonia, COVID-19)
- Exposure sa polusyon
- Paninigarilyo o pagkakalantad sa secondhand smoke
- Pagkalantad sa trabaho/lugar ng trabaho (hal. alikabok, mga kemikal)
- Obesity
Maiiwasan ba Natin ang Asthma?
Ngayong alam na natin na ang astma ay maaaring namamana, ibig sabihin ba nito ay hindi maiiwasan kung mayroon ka ng family history ng asthma? Hindi, ito ay hindi ganap na totoo. Kahit na may pag-unlad sa teknolohiya at pag-aaral ng genes, imposibleng mahulaan ang hinaharap. Maaaring may mataas na tyansa kang magka-asthma dahil sa direct family member (magulang o kapatid) hindi ito kailanman isang garantiya.
Iwasan ang allergens
Nakakaimpluwensya rin ang paligid sa pagkakaroon ng asthma, lalo na sa mga taong may history ng hika o atopy sa pamilya. Ang pagkakaroon ng allergy sa pagkain, alikabok, o balahibo ng alagang hayop ay maaaring mag-udyok sa iyo na magkaroon ng hika.
Ang paninigarilyo ng tabako ay hindi lamang nagpapataas ng tyansa mong magkaroon ng cancer sa baga, kundi pati na rin ang panganib ng hika at COPD. Nagdadala din ng panganib na ito ang secondhand smoke. Samakatuwid, iwasan ang mga allergens o trigger na ito kung maaari.
Maging up-to-date sa mga bakuna mo
Bukod pa rito, ang pagpapabakuna laban sa mga maiiwasang sakit ay maaaring makabawas sa panganib ng asthma pagtagal. Ang ilan sa pinakamahalagang bakuna para sa mga potensyal na asthmatics ay ang mga bakunang flu, pneumococcal, varicella, at DTaP o Tdap. Dahil ang mga taong may hika ay mas nanganganib na magkaroon ng mas matinding impeksyon sa COVID, inirerekomenda din ang bakuna sa COVID.
Maghanda sa panahon ng pagbubuntis
Ngayong alam mo na kung namamana ba ang asthma, alamin ang dapat gawin kapag nagbubuntis? Ang mga buntis ay maaaring makaimpluwensya sa panganib ng kanilang sanggol na magkaroon o maiwasan ang hika. Ayon sa pinakahuling ulat ng GINA, ang mga ina na kumain ng pagkain na karaniwang nagti-trigger ng mga allergy tulad ng mani at gatas sa panahon ng pagbubuntis ay talagang nakabawas ng panganib ng allergy at asthma sa kanilang mga anak. Gayunpaman, ang mga doktor ay hindi pa nagrerekomenda ng specific diet para sa mga buntis upang maiwasan ang allergies at asthma.
Sa kabilang banda, ang paninigarilyo o pagkakalantad ng secondhand smoke sa panahon ng pagbubuntis ay nagdaragdag ng panganib na magkaroon ng hika ang bata pagtagal.
Uminom lamang ng mga gamot kung kinakailangan
Ang mga gamot tulad ng paracetamol at NSAID ay kapaki-pakinabang at karaniwang ligtas para mabawasan ang pananakit at lagnat. Gayunpaman, ayon sa mga pag-aaral na ang madalas na pag-inom ay maaaring magpataas ng panganib na magkaroon ng asthma o mag-trigger ng atake.
Ito ay dahil ang ilang mga NSAID tulad ng aspirin at ibuprofen ay maaaring magpataas ng produksyon ng mga leukotrienes. Ang leukotrienes ay mga kemikal na nagpapalitaw ng pamamaga, mucus at paninikip ng daanan ng hangin. Ang lahat ng mga sintomas na ito ay nararanasan din sa oras ng pag-atake ng hika.
Key Takeaways
Namamana ba ang asthma? Ang asthma ay hereditary at environmental. Ang taong may history ng asthma o atopy sa pamilya kasama ang maraming exposure sa kapaligiran ay may mas malaking tyansang magkaroon ng asthma kaysa sa isa lamang sa mga dahilan na ito. Ilan sa mga paraan upang maiwasan ang asthma ay wastong nutrisyon, regular na pagbabakuna, at pag-iwas sa mga allergens. Ito ay kahit na mayroon kang family history. Makipag-usap sa doktor para sa isang buong pagsusuri upang makita kung ikaw ay nasa panganib o mayroon nang asthma.
Matuto pa tungkol sa Asthma dito.
[embed-health-tool-bmr]