backup og meta

Alamin: Mga fact tungkol sa emphysema na dapat mong malaman

Alamin: Mga fact tungkol sa emphysema na dapat mong malaman

Ano ang Emphysema?

Ang emphysema ay isang uri ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD) na nangyayari kapag ang mga air sac ng baga ay namamaga o damaged. Ito ay maaaring humantong sa paghina at pagkasira ng ibabaw na bahagi ng baga na nagiging sanhi ng pagkawala ng elasticity nito. Kaya nagkakaroon ng hirap sa paghinga. Alamin dito ang mga mahahalagang fact tungkol sa emphysema.

Binabawasan din nito ang dami ng oxygen na nakakarating sa daluyan ng dugo. Ito ay nagpapahirap sa paghinga lalo na kapag gumagawa ka ng mabibigat na aktibidad, na maaaring humantong sa pagkahapo.

Ang emphysema ay isang sakit na progresibo. Habang tumatagal, mawawalan ng kakayahan ang baga na mag-absorb ng oxygen at maglabas ng carbon dioxide na nagpapahirap sa paghinga. Kapag nangyari ito, makakaramdam ka ng kakapusan ng hininga sa lahat ng oras at mahihirapan kang makakuha ng sapat na hangin sa iyong mga baga. 

Ano ang Sanhi ng Emphysema?

Ang emphysema ay nangyayari kapag ang lining ng mga sac sa baga ay nasira na hindi na maayos pa. Nangyayari ito kapag ang mga tissue sa pagitan ng mga air sac ay nawasak. Ito ay humahantong sa pagkakaroon ng mga air pocket sa mga baga.

Kapag nangyari ito, ang hangin ay makukulong sa mga supot ng tissue na nasira at ang mga baga ay mamamaga. Nagpapahirap ito sa paghinga dahil mas maraming puwang ang kailangan punan. Ano ang isa pang fact tungkol sa emphysema?

Ang emphysema ay isang respiratory disease na karaniwang makikita sa mga taong madalas naninigarilyo. Ito rin ay makikita sa mga taong madalas makalanghap ng mga irritant na nasa hangin. Tulad ng tabako, polusyon sa hangin, usok ng mga kemikal, alikabok, at usok ng marijuana.

Bagamat bihira, ang emphysema ay maaari ding sanhi ng isang minanang kakulangan ng isang protina na nagpoprotekta sa elastic structures sa mga baga. Ito ay tinatawag na alpha-1-antitrypsin deficiency emphysema.

 Iba pang mga mahahalagang fact tungkol sa emphysema:

Ang usok ng tabako na kilala rin bilang usok ng sigarilyo, ang pinakamalaking nag-aambag sa pagkakaroon ng emphysema. Ang usok ng sigarilyo ay sumisira sa mga baga at humahadlang sa daloy ng hangin. Ito ay humahantong sa pamamaga at pangangati ng mga daanan ng hangin. Ganito ang epekto ng usok ng sigarilyo sa baga. 

Risk Factors ng Emphysema

Ang mga sumusunod na tao ay higit na nasa panganib na magkaroon ng emphysema.

Kabilang dito ang smokers, lalo na ang cigarette smokers. Nagiging mas mapanganib sa tagal ng taon na sila ay naninigarilyo pati na rin ang dami ng mga sigarilyo. Ito ay karaniwang nararamdaman sa pagitan ng edad na 40 at 60 taong gulang.

Hindi lang smokers ang nasa panganib. Ang mga taong exposed sa secondhand smoke ay nasa panganib din na magkaroon ng emphysema. Ito ay dahil nalalanghap nila ang usok mula sa sigarilyo.

Ang mga taong patuloy na nakalantad sa alikabok, usok, at polusyon ay may tyansa ring magkaroon ng emphysema. Kapag madalas na nalalanghap mo ang mga irritant na ito tulad ng petrolyo, gasolina, at alikabok, makakairita ito sa mga baga at maaaring humantong sa pagkasira ng mga air sac.

Ang huling kilalang risk factor ng emphysema ay genetics. Ang ilang mga tao ay may alpha1-antitrypsin na isang kakulangan sa protina. Ito ay isang genetic factor na maaaring magdulot ng emphysema.

Mga Palatandaan at Sintomas ng Emphysema

Sa una, maaaring walang sintomas na nararamdaman kapag nagkaroon ka nito.

Kapag naramdaman mo ang mga sintomas, ang kailangan mong bantayan ay:

  • Ubo na may maraming mucus
  • Wheezing o tunog ng sipol kapag humihinga ka
  • Madalas na pag-ubo
  • Kinakapos na paghinga
  • Paninikip sa iyong dibdib

Kung ikaw ay madaling kapitan ng respiratory infections tulad ng sipon at trangkaso, posibleng mayroon kang emphysema. 

Mga Komplikasyon ng Emphysema

May tatlong posibleng komplikasyon kapag may emphysema ka. Maaari kang magkaroon ng collapsed lung kapag ang iyong baga ay nagkaroon ng malalaking air pocket. Posibleng pumutok ang mga ito na magreresulta sa pagkawala ng hangin sa mga baga. 

Ang isa pang potensyal na komplikasyon ay ang pagkakaroon ng problema sa puso. Kapag may emphysema, binabawasan nito ang bilang ng mga capillary sa iyong puso at pinabababa ang oxygen levels sa daluyan ng dugo. Nagiging sanhi ito ng pagbomba ng puso nang mas malakas upang dalhin ang dugo sa iyong mga baga kaya nahihirapan ang puso.   

Ngunit ang pinakakaraniwang komplikasyon ng emphysema ay pneumonia, na isang impeksyon sa alveoli at bronchioles.

Paggamot ng Emphysema

Sa lahat ng mga fact tungkol sa emphysema, isa sa mga malupit na katotohanan tungkol dito ay sa ngayon, wala pang alam na lunas sa emphysema.  

Ang nasirang tissue sa baga ay hindi maaaring ma-repair. Kaya ang layunin ng paggamot ay matulungan ang tao na mamuhay nang mas komportable sa kondisyon. Kinokontrol ng paggamot ang mga sintomas at pinipigilan itong lumala, na hangga’t maaari ay may pinakakaunting side effects. 

Maaaring mapabuti ng paggamot ang hirap sa paghinga. Binabawasan din nito ang panganib ng exacerbation o impeksyon sa dibdib. May mga gamot na maaaring gamitin tulad ng inhaled bronchodilator medications. Ginagawa nitong mas mabilis ang paglabas ng hangin kaya mas madaling huminga para sa isang taong may emphysema.  

Ang sinumang may emphysema ay maaaring sumailalim sa isang pulmonary rehabilitation program na kinabibilangan ng breathing exercises. Ito ay upang makatulong na palakasin ang mga muscle na ginagamit sa paghinga. Kasama rin dito ang rehab program para sa iba pang bahagi ng katawan.

Pagbabago sa pamumuhay

Inirerekomenda din ang pagbabago sa pamumuhay. Ito ay dahil kapag may emphysema ka, maaaring bumaba ang timbang mo o magkaroon ng malnutrisyon. Siguraduhin na lumayo sa secondhand smoke at iwasan din ang air pollutants sa bahay o sa trabaho.  

Kung may bacterial infections ka, maaari kang humiling na antibiotics. Ang mga bronchodilator ay maaari ding gamitin upang paluwagin ang mga daanan ng hangin sa baga upang maging mas madali ang paghinga. Makakatulong din ang pagpapabakuna laban sa trangkaso at pneumococcal. 

Ang huling paraan ay ang operasyon. Maaaring isagawa ang operasyon upang alisin ang nasirang bahagi ng baga o isang lung transplant. Inirerekomenda lamang ito sa pinakamasamang sitwasyon. Gayunpaman, ang pinakamahusay na paraan upang mapigilan ang emphysema ay huminto sa paninigarilyo kung ikaw ay naninigarilyo.

Key Takeaways

Bagamat ang emphysema ay maaaring isang sakit na nagbabago sa buhay, hindi ito nangangahulugan na hindi mo na ma-e-enjoy ang buhay kapag na-diagnose ka na sa kondisyon. Ngayon na nalaman mo ang mga fact tungkol sa emphysema, maraming paraan para makontrol ito, para mamuhay ka pa rin ng maayos.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Pulmonary Emphysema https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/pulmonary-emphysema Accessed 11 May 2020

Learn About Emphysema https://foundation.chestnet.org/patient-education-resources/emphysema/ Accessed 11 May 2020

Emphysema https://www.health.harvard.edu/a_to_z/emphysema-a-to-z Accessed 12 May 2020

Emphysema https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/emphysema Accessed 12 May 2020

Pulmonary Emphysema https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/pulmonary-emphysema Accessed 12 May 2020

Emphysema https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/emphysema/symptoms-causes/syc-20355555 Accessed 12 May 2020

Emphysema https://www.lung.org/lung-health-diseases/lung-disease-lookup/emphysema Accessed 12 May 2020

Emphysema https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/emphysema/symptoms-causes/syc-20355555 Accessed 12 May 2020

 

Kasalukuyang Version

10/24/2022

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Hello Doctor Medical Panel

In-update ni: Corazon Marpuri


Kaugnay na Post

Sintomas Ng Emphysema Na Dapat Mong Tandaan


Narebyung medikal ni

Hello Doctor Medical Panel

General Practitioner


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement