Noong 2016, sinabi ng World Health Organization (WHO) at International Labour Organization (ILO) na ang mahabang oras ng pagtatrabaho ay humantong sa tinatayang 745,000 na kamatayan. Ang kalahati ng bilang na ito ay dulot ng stroke samantalang ang isa pang kalahati ay sanhi ng ischemic heart disease. Ito ay naging dahilan upang alamin kung ang palaging nakaupo at sakit sa puso o stroke ay may kaugnayan sa isa’t isa.
Palaging Nakaupo At Sakit Sa Puso: Mahabang Oras Ng Pagtatrabaho
Halos 55 oras kada linggo ang oras ng pagtatrabaho ng mga tao na binanggit sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO) at International Labour Organization (ILO). Ito ay nangangahulugang kung sila ay nagtatrabaho sa loob ng 5 araw kada linggo, sila ay nasa loob ng kanilang opisina sa loob ng 10-11 oras kada araw. Ang mga nagtatrabaho sa loob ng 55 oras kada linggo ay nasa pagitan ng edad 45 hanggang 74, at namamatay sa edad na 60 hanggang 79.
Bakit ito isinisisi sa mahabang oras ng pagtatrabaho? Mayroon bang kaugnayan ang palaging pag-upo at sakit sa puso? Ito ang ilan sa mga tanong na sasagutin sa artikulong ito.
Palaging Nakaupo At Sakit Sa Puso: Ano Ang Kaugnayan Ng Dalawa?
Dahil sa mga pagbabago sa modernong sistema ng pagtatrabaho at sa pag-unlad ng teknolohiya, ang mga trabaho ngayon ay hindi nangangailangan ng labis na pisikal na paggalaw at sa halip ay mas nakapapagod ito sa mental na aspeto. Dulo nito, mas matagal na nakaupo ang mga nagtatrabaho. Ang matagal na pag-upo ay naging sanhi ng mataas na tyansang magkaroon ng sakit sa puso at stroke.
Kung titingnan muli ang mga naitalang datos, ang mga nagtatrabaho ay may 11 oras ng pagtatrabaho, 8 oras ng pagtulog, at 5 oras para sa iba pang mga gawain. Kabilang sa 5 oras na ito ang kanilang pagbiyahe papunta sa trabaho, pagkain, o pakikihalubilo. Ang ganitong uri ng iskedyul ay nag-iiwan na lamang ng kaunting oras para sa mga pisikal na gawain.
Matagal Na Pag-Upo At Sakit Sa Puso
Ayon sa American Heart Association, ang palaging pag-upo at hindi pagiging aktibo sa mga pisikal na gawain ay ilan sa mga nangungunang mapanganib na salik sa pagkakaroon ng sakit sa cardiovascular at sa lahat ng sanhi ng pagkamatay. Ang palaging pag-upo at sakit sa puso ay may kaugnayan sa isa’t isa. Ito ay dahil ang mahabang oras ng pag-upo sa pagtatrabaho (tulad ng mga nagtatrabaho sa opisina) ay sanhi ng kaunting pisikal na gawain.
Ang ugali ng laging pag-upo ay madalas na makikita sa mga nagtatrabaho, maging sa mga may oras upang maglibang o gumawa ng pisikal na aktibidad. Inirerekomenda ng American Heart Association na ang oras ng palaging nakaupo ay dapat paulit-ulit na putulin upang tuluyang mahinto ang ugaling ito. Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng pagsasagawa ng simpleng ehersisyo, o simpleng pagtayo at pag-alis sa iyong lamesa loob ng ilang minuto.
Palaging Nakaupo At Sakit Sa Puso: Ano Ang Nangyayari Sa Mga Taong Matagal Na Nakaupo?
Maraming ibang mga pisikal na pangyayaring maaaring maobserbahan kapag ang mga tao ay nakaupo nang matagal:
Pagbaba Ng Bilang Ng Nagagamit Na Calories
Sa loob ng mahabang oras ng pag-upo, ang katawan ay gumagamit lamang ng napakakaunting enerhiya.
Ang simpleng paglalakad o pagtayo ay nakapagpapataas ng nagagamit na enerhiya mula sa 10% hanggang sa 100%.
Diabetes At Obesity
Natuklasan sa mga pag-aaral na sa kada 2 oras na paputol-putol na pag-upo sa trabaho, may:
- 5% na pagtaas ng tyansang maging obese
- 7% na pagtaas ng tyansang magkaroon ng diabetes
Ito ay totoo kahit ang isang tao ay nakikilahok sa pisikal na gawain o hindi.
[embed-health-tool-bmi]
Pagtaas Ng Lebel Ng Cholesterol Dulot Ng Mababang Produksyon Ng LPL Habang Matagal Na Nakaupo
Ang lipoprotein lipase (LPL) ay enzyme na kabilang sa pagkontrol ng mga fatty tissues, triglycerides, at cholesterol.
Ito ang dahilan kung bakit ang mga pasyente may mababang LPL na may sapat na oras para sa mga pisikal na gawain ay may tyansa pa rin magkaroon ng sakit sa puso.
Pagtaas Ng Tyansang Magkaroon Ng Thromboses
Dahil sa hindi pagiging aktibo ng lower extremity ng skeletal muscle, maaaring magkaroon ng vascular stasis sa mga binti. Ito ay maaaring humantong sa thrombosis (pamumuo ng dugo) na maaaring humiwalay mula sa mga wall ng ugat at mauwi sa emboli (hiwa-hiwalay na namuong dugo).
Ang pagkakaroon ng emboli ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng stroke.
Key Takeaways
Maraming tao ang nagtatrabaho sa bahay dulot ng pandemyang COVID-19. Dahil dito, marami ang nagkaroon ng ugali ng laging pag-upo dahil sa kanilang trabaho.
Ang ugali ng laging pag-upo ay kinabibilangan ng mahabang oras ng pag-upo habang nagtatrabaho. Lubhang napatunayan ang kaugnayan ng mahabang oras ng pag-upo at sakit sa puso o stroke.
Ang mga ahensya ng gobyerno, mga namamahala ng kompanya, at mga manggagawa ay dapat na magkaisa sa pagbuo ng mga kasunduan upang ang 55 oras ng pagtatrabaho kada linggo ay mapababa. Ang pagkakaroon ng maluwag na iskedyul ay makapagbibigay rin pagkakataon sa mga nagtatrabaho na magsagawa ng mga simpleng pisikal na gawain sa pagitan ng kanilang trabaho.
Matuto pa tungkol sa Sakit sa Puso dito.