Ang kanang bahagi ng puso ay nagbobomba ng dugo sa mga baga upang makakuha ng oxygen at mailabas ang carbon dioxide. Samantala, ang kaliwang bahagi naman ay tumatanggap at nagbobomba ng oxygen-rich blood sa katawan. Umaalis muna ang dugo sa puso sa pamamagitan ng aorta at pagkatapos ay sa pamamagitan ng mga arterya na nagsasanga at lumiliit nang lumiit habang pumapasok sila sa mga tissue, kung saan sila ay nagiging maliliit na capillaries. Sa mga capillaries, ang dugo ay naghahatid ng oxygen at mga sustansya sa mga tissue at tumatanggap ng carbon dioxide at mga waste products upang mailabas. Ito ay paano gumagana ang puso. Ngunit, syempre, maaari kang makaranas ng mga pagbabago sa puso habang tumatanda. Narito ang kailangan mong malaman tungkol sa kung paano nagbabago ang isang tumatanda na puso.
Paano Nagkakaroon Ng Mga Pagbabago Sa Puso Habang Tumatanda?
Ang pag-alam kung paano nagkakaroon ng mga pagbabago sa puso habang tumatanda ka ay makatutulong sa iyong pangalagaan ito nang mabuti. Narito ang ilang bagay na dapat tandaan:
Pagbaba Ng Heart Rate
Ayon sa mga ulat, ang pinakakaraniwang salik ng panganib para sa mababang heart rate (bradycardia) ay ang pagtanda. Gayundin, nawawala ang mga cell ng natural na pacemaker (sinoatrial o SA node) ng puso habang ikaw ay tumatanda. Maaari itong maging sanhi ng katamtamang pagbagal ng tibok ng puso. Syempre, ang iba pang mga kondisyon ay maaari ring magresulta sa bradycardia.
Paglaki Ng Puso
Ang ilang mga tao ay may maliit na pagtaas sa paglaki ng puso, lalo na sa left ventricle. Habang kumakapal ang heart wall, maaari ring bumaba ang dami ng dugo na maiimbak ng chamber sa kabila ng pangkalahatang paglaki ng puso.
Arrhythmias
Dahil sa ilang mga pagbabago sa puso habang tumatanda, ang electrocardiogram (ECG) ng isang malusog na mas matandang tao ay maaaring madalas na lumihis mula sa ECG ng isang malusog na nakababatang nasa hustong gulang. Ang mga matatanda ay mas malamang na makaranas ng mga abnormal na ritmo (arrhythmias), tulad ng atrial fibrillation, na maaaring dala ng iba’t ibang anyo ng sakit sa puso.
Valve Issues
Tinitiyak ng mga heart valves na ang puso ay dumadaloy sa isang direksyon at hindi nagre-regurgitate (dumaloy pabalik). Gayunpaman, ang “aging pigment,” lipofuscin, ay naiipon sa puso habang tumatanda ito. Nagdudulot ito ng bahagyang pagkasira ng mga heart muscle cells, na nakakaapekto sa mga nasabing valves. Ang pagtaas ng valve stiffness ay isang karaniwang sanhi ng heart murmurs sa mga matatanda.
Ang pag-buildup cholesterol plaque ay maaari ring maging sanhi ng valvular heart disease sa mga matatanda. Sa pagtanda, karaniwan ang valve degeneration at maaaring may kinalaman sa maraming valves. Maaari itong magresulta sa valve stenosis o narrowing, na maaari ring magresulta sa heart function decline. Ang valvular heart disease sa mga matatanda ay hindi lamang tungkol sa backflow o paninigas ng valve. Minsan, ang mga problema sa heart muscle at paglaki ay maaaring magdulot ng mga valve problems o issues.
Pagbabago Sa Presyon Ng Dugo
Habang tumatanda ang mga tao, nagiging sensitibo ang kanilang mga baroreceptor. Ito ang maaaring makatulong upang maipaliwanag kung bakit maraming matatanda ang nakararanas ng orthostatic hypotension, isang kondisyon kung saan bumababa ang presyon ng dugo kapag ang isang tao ay gumagalaw mula sa pagkakahiga o pag-upo hanggang sa kanyang pagtayo. Ang orthostatic hypotension ay nagdudulot ng pagkahilo dahil mas kaunting dugo ang dumadaloy sa katawan. Kung kaya, mahalagang mapanatili ang matatag na presyon ng dugo kapag nagbabago ng posisyon o sa pagsasagawa ng iba pang mga aktibidad.
Sa pangkalahatan, karamihan sa mga matatanda ay nakakaranas ng katamtamang pagtaas ng presyon ng dugo, na ang pangunahing artery mula sa puso (ang aorta) ay nagiging mas makapal, tumitigas, at hindi gaanong nababaluktot. Malaki ang posibilidad na ito ay may kaugnayan sa mga pagbabago sa connective tissue ng blood vessel wall. Ito ang siyang nagpapataas ng presyon ng dugo at nagpapahirap sa puso. Dahil dito, ito ay posibleng magresulta sa pagkapal ng heart muscle (hypertrophy).
Dugo
Hindi maiiwasan magkaroon ng mga pagbabago sa puso habang tumatanda. Bilang resulta, mayroong mas kaunting likido sa bloodstream, na siya namang dahilan para sa minor shift sa dami ng dugo.
Karamihan sa mga white blood cells ay nananatili sa parehong antas. Gayunpaman, ang ilang sa mga ito na mahalaga para sa immunity (neutrophils) ay bumababa rin sa bilang at ang kanilang kapasidad na labanan ang bacteria, na siyang nagpapababa sa kakayahang labanan ang impeksyon. Samantala, mas mabagal ang paggawa ng red blood cells bilang tugon sa stress o sakit, na nagiging sanhi ng mas mabagal na pagtugon sa pagkawala ng dugo at anemia.
Karaniwang Mga Isyu Sa Puso Kaugnay Ng Pagtanda
- Coronary Artery Disease. Ito ay mas karaniwan sa mga matatanda, at maaaring magresulta sa iba pang kondisyon sa puso tulad ng heart attacks, abnormal heart rhythms (arrhythmias), pagka-iksi ng hininga na mayroon kasamang kahirapan, at angina (pananakit ng dibdib buhat ng pansamantalang paghina ng daloy ng dugo sa heart muscle).
- Atherosclerosis (paninigas ng mga arteries). Isa rin ito sa medyo pangkaraniwang kondisyon buhat ng fatty plaque buildup dahil sa paglipas ng mga taon.
- Congestive heart failure. Ito ay karaniwan din sa mga matatanda at nangyayari nang 10 beses na mas madalas sa mga higit sa 75 taong gulang kaysa sa mga mas batang nasa hustong gulang.
- Aneurysms. Ang mga ito ay abnormal na paglawak o paglobo ng isang section ng artery na sanhi ng panghihina sa blood vessel wall. At kung pumutok ang mga ito, maaari itong magresulta sa pagdurugo at kamatayan. Ang mga aneurysm ay maaaring mabuo sa isa sa mga pangunahing artery mula sa puso o sa utak.
- Iba pang mga isyu sa puso at daluyan ng dugo ay kinabibilangan ng mga sumusunod: Varicose veins, blood clots, deep vein thrombosis, thrombophlebitis, peripheral vascular disease, na nagiging sanhi ng claudication (pasulpot-sulpot na pananakit ng binti habang naglalakad).
- Valvular heart disease. Ilan sa mga ito ay ang mitral stenosis, atrial fibrillation, at chronic venous insufficiency.
Ano Ang Maaari Mong Gawin Sa Mga Pagbabago Sa Puso Habang Tumatanda?
Pinakamainam na isama ang pisikal na aktibidad sa iyong pang-araw-araw na gawain upang mapaganda ang kalusugan ng puso. Subukan ang paglalakad, paglangoy, o iba pang kasiya-siyang aktibidad. Ang madalas na katamtamang pisikal na aktibidad ay maaaring makatulong sa iyo na mapanatili ang isang malusog na timbang at mabawasan ang iyong panganib ng sakit sa puso.
Siyempre, kumain ng balanseng diyeta na kinabibilangan ng mga lean proteins tulad ng isda, pati na rin ang mga gulay, prutas, whole grains, pagkaing sagana sa fiber, at mga pagkaing mababa sa saturated fat at asin.
Gayundin, gawin ang iyong makakaya upang ihinto ang paninigarilyo. Nagdudulot ito ng pagtigas ng artery at nagpapataas ng presyon ng dugo at tibok ng puso. Kung kasalukuyan kang naninigarilyo, humingi ng tulong sa iyong doktor upang maihinto ang gawi na ito. Bilang karagdagan, subukang huminto rin sa pag-inom ng alak.
Pamahalaan ang stress. Maaari itong makapinsala sa iyong puso. Kung kaya, humanap ng mga paraan para maibsan ito, gaya ng ehersisyo, talk therapy, o meditation.
Magkaroon ng sapat na tulog. Ang magandang pagtulog ay makatutulong sa iyong puso at mga daluyan ng dugo na mag-recover at maayos. Sikaping magkaroon ng pito hanggang siyam na oras ng tulog bawat gabi.
Panghuli, makipagtulungan sa iyong doktor upang masagawa ang mga taunang blood pressure check-ups. Kung mayroon kang diabetes, sakit sa puso, isyu sa bato, o anumang karamdaman, maaaring kailanganin ng regular na check-up. Mainam din kung magkakaroon ng buwanang heart check-ups at laboratory exams upang malaman kung mayroon ka ng kondisyon na kailangang tugunan.
Key Takeaways
Ang pag-aalaga sa iyong puso ay mahalaga para sa malusog na pagtanda. Makatutulong ang pagsasagawa ng mga malilit na hakbang upang ikaw ay mabuhay nang mas mahaba at mas maayos. Sa pangkalahatan, maaari mong suportahan ang iyong pangkalahatang kalusugan sa pamamagitan ng pananatiling aktibo, pagkain at pagtulog nang maayos, at regular na pagpunta sa doktor.
Alamin ang iba pa tungkol sa Kalusugan sa Puso dito.