Ayon sa isang ulat noong 2020, ang cardiovascular disease (CVD) ay may kaugnayan sa humigit-kumulang 20% ng kabuoang pagkamatay at 35% ng premature na pagkamatay, na nakaaapekto sa halos 1 sa 6 na Pilipino. Maaaring totoo pa rin ang mga bilang na ito, kung isasaalang-alang ang katotohanang mula Enero hanggang Nobyembre ng 2021, ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas ay ang Coronary Heart Disease². Narito ang kailangan malaman tungkol sa kalusugan ng puso ng mga Pilipino.
World Health Organization: Ang Sakit Sa Puso Sa PH Ay Ang Pinakamalubha Sa Southeast Asia
Noong 2020, iniulat ng World Health Organization na ang datos ng Pilipinas noong 2019 tungkol sa sakit sa puso ay ang pinakamalubha sa mga bansa sa Southeast Asia. Ayon sa naitalang datos, 120 sa bawat 100,000 Pilipino ang namatay dahil sa ischemic o coronary heart disease. Ito ay lubhang mas mataas kaysa sa 2015 na ulat na 103 sa kada 100,000 Pilipino.
Coronary Heart Disease: Pangunahing Sanhi Ng Kamatayan Sa Pilipinas
Sa kasagsagan ng pandemya noong 2021, maaaring isiping ang COVID-19 ay ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga Pilipino sa panahong iyon. Ngunit ayon sa mga naitalang datos, ito ay mas may kaugnayan sa kalusugan ng puso.
Ayon sa Philippine News Agency (PNA), ang coronary heart disease o CHD ay isang uri ng cardiovascular disease na kinabibilangan ng baradong arteries, na pangunahing sanhi ng kamatayan mula Enero hanggang Nobyembre ng 2021.
Halos 18% ng mga pagkamatay ay dahil sa ischemic heart disease, na tumutukoy sa mga problema sa puso kung saan ang puso ay tumatanggap ng mas kaunting oxygen dahil sa makitid (barado) na arteries.
Ngunit, ano-ano ang mga posibleng dahilan kung bakit ang sakit sa puso ay nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino?
Mga Salik Na Nakapagpapataas Ng Panganib Ng Cardiovascular Diseases Sa Mga Pilipino
Ano-ano ang mga salik na maaaring negatibong makaapekto sa kalusugan ng puso ng mga Pilipino? Sa isang maliit na pag-aaral na isinagawa sa San Francisco, California, na pinamagatang Cardiovascular Risk in the Filipino Community, tinanong ang mga Pilipinong kalahok tungkol sa mga salik na nakapagpapataas ng kanilang tyansang magkaroon ng cardiovascular disease. Tinukoy nila ang mga sumusunod:
Paninigarilyo
Inamin ng mga kalahok ng nasabing pag-aaral na alam nilang ang paninigarilyo ay masama sa kalusugan ng puso. Gayunpaman, tinatanggap nila ito bilang isang social norm. Batid din nilang ang paninigarilyo ay isang malaking problema sa mga kabataang Pilipino.
Stress
Ayon sa mga kalahok, ang stress ay maaaring magdulot sa kanila na gumawa ng mga hindi malulusog na gawi. Kasama rito ang paninigarilyo maging ang pagkain ng comfort foods na maaaring mataas sa fat at sodium.
Mga Gawing Dietary
Ayon sa mga kalahok, ang tradisyonal na lutuing Pilipino ay likas na mayaman sa asin. Kabilang sa mga karaniwang sangkap ay ang patis (fish sauce), toyo, at bagoong (shrimp paste). Siyempre, nariyan din ang pagkahilig ng mga Pilipino sa mga pritong pagkain, tulad ng lumpiang shanghai, chicharon, crispy pata, lechon, pritong isda, at pritong manok.
Kakulangan Sa Pisikal Na Aktibidad
Ayon sa mga kalahok, ang kakulangan sa oras ay nagiging hadlang sa pagiging pisikal na aktibo. Dagdag pa rito, tinukoy rin nilang ang pagkapagod at sakit ay mga hadlang sa pisikal na aktibidad.
Socioeconomic Status
At huli, inuuna ng mga kalahok ang kanilang socioeconomic na pangangailangan kaysa sa kanilang personal na kalusugan. Ito ay nag-uudyok sa kanila na isantabi ang kanilang kalusugan at maglaan ng mas kaunting oras sa pagpapabuti ng kalusugan ng puso. Gayundin, mas binibigyang-pansin nila ang sakit kung ito ay malubha na sa halip na magpokus sa kung paano maiwasan ang pagkakaroon ng sakit.
Sa lahat ng mga mapapanganib na salik na ito na tinukoy ng mga kalahok, huwag kalimutang marami sa mga sakit na karaniwang nakaaapekto sa mga Pilipino ay maaari ding maglantad sa mahinang kalusugan ng puso. Kabilang dito ang altapresyon at diabetes, na ayon sa mga ulat, ay kabilang din sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa. Kasama rin ang obesity na nakaaapekto sa milyon-milyong mga Pilipino.
Key Takeaways
Ang coronary heart disease, partikular na ang ischemic heart disease, ay ang nangungunang sanhi ng kamatayan mula Enero hanggang Nobyembre ng 2021. Ito ay bumubuo sa 17.9% ng kabuoang kamatayan sa bansa sa nasabing panahon.
Ang ilan sa mga potensyal na mapapanganib salik na nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng CVD ng mga Pilipino ay ang paninigarilyo, diet na mataas sa asin at fat, kawalan ng oras upang maging aktibo, at pagbibigay-prayoridad sa mga socioeconomic na pangangailangang kaysa sa pagpapabuti ng kalusugan.
Matuto pa tungkol sa Coronary Artery Disease dito.