Ang cardiomyopathy ay ang paninigas, pangangapal, o pagnipis ng cardiac o heart muscle. Ang pag-iwas sa cardiomyopathy, pati na rin sa iba pang mga sakit sa puso, ay palaging mas mahusay kaysa sa paggamot dito kapag ito ay na-diagnose. Alamin dito kung paano makaiwas sa cardiomyopathy at kung anong mga hakbang ang maaari mong gawin para sa kalusugan ng iyong puso.
Ano ang nangyayari sa Cardiomyopathy?
Depende sa uri nito, maaaring makaapekto ang cardiomyopathy sa ilang bahagi ng myocardium (muscle sa puso). Ito ay maaaring magdulot ng mga problema sa mga function ng puso.
Habang nagpapatuloy ang sakit, ang cardiomyopathy ay maaaring magpahina sa puso at gawin itong hindi gaanong mahusay. Ang kondisyon ay maaari ring makaapekto sa kung paano umuurong o nagrerelaks ang puso.
Ito ay maaaring humantong sa mga problema tulad ng hindi regular na tibok ng puso (arrhythmia), stroke, o maging ang heart failure.
Ang ilan sa mga uri ng cardiomyopathy ay:
- Hypertrophic cardiomyopathy (HCM)
- Transthyretin amyloid cardiomyopathy (ATTR-CM)
- Restrictive Cardiomyopathy
- Dilated Cardiomyopathy
- Arrhythmogenic right ventricular dysplasia
Hindi sigurado ang mga doktor tungkol sa eksaktong sanhi ng cardiomyopathy. Sa ilang mga kaso, ang mutation sa isang partikular na gene na minana mula sa mga miyembro ng pamilya ay maaaring magdulot ng cardiomyopathy. Ang isa pang posibleng dahilan ay maaaring iba pang mga kaugnay na sakit na maaaring magdulot ng sakit sa puso.
Ito ang dahilan kung bakit maaaring ipagpalagay ng marami na ang cardiomyopathy ay hindi mapipigilan. Gayunpaman, ang ilang mga kadahilanan sa pamumuhay ay maaari ring dahilan ng pagtaas ng panganib ng cardiomyopathy.
Narito kung paano makaiwas sa cardiomyopathy.
Paano makaiwas sa cardiomyopathy
Ang unang hakbang upang mabawasan ang panganib mo na magkaroon ng cardiomyopathy
ay magkaroon ng kamalayan sa anumang nakakapinsalang mga gawi na mayroon ka. Mahalaga ring baguhin ang mga gawi na ito para sa ikabubuti mo.
Heto ang ilang paraan upang maiwasan ang cardiomyopathy:
Gamutin ang mga sakit na maaaring maglagay sa iyo sa panganib
Ang ilang mga sakit ay maaaring magdulot sa iyo ng higit na panganib ng cardiomyopathy. Kung na-diagnose ka na may kondisyon sa puso, pinakamahusay na magpagamot at mag-stick dito.
Nasa ibaba ang ilan sa mga sakit na nauugnay sa sakit sa puso:
- Diabetes – Ang mataas na antas ng glucose sa dugo dulot ng diabetes ay maaaring magresulta sa pinsala sa mga daluyan ng dugo o nerves na kumokontrol sa puso. Ang diabetes ay maaaring maging sanhi ng tinatawag na diabetic cardiomyopathy.
- Hypertension – Kapag ang isang tao ay may hypertension, o mataas na presyon ng dugo, sila ay may mas mataas kaysa sa normal na presyon sa kanilang arteries. Nagiging sanhi ito ng pag-o-overtime ng puso, dahil kailangan nitong magbomba laban sa mas mataas na pressure. Ito ay maaaring humantong sa pagkapal ng heart muscle.
- Coronary Heart Disease – Ang Ischemic cardiomyopathy ay isang uri ng cardiomyopathy na nangyayari dahil sa ischemia. Ito ay kakulangan ng dugo na ibinibigay sa puso. Ang ischemia ay kadalasang sanhi ng coronary heart disease.
Tumigil sa paninigarilyo at iwasan ang paggamit ng tabako
Ang paninigarilyo ay nakapipinsalang ugali na kadalasang higit na pinsala ang dulot kaysa sa mabuti.
Sa bawat oras na naninigarilyo ka, doble ang paggana ng puso sa pag-bomba ng dugo dahil sa makitid na mga daluyan ng dugo. Ang sobrang trabaho sa puso ay maaaring humantong sa mga problema tulad ng pagkapal ng mga muscles sa puso, mataas na presyon ng dugo, at hindi regular na tibok ng puso.
Kung ikaw ay aktibong naninigarilyo, pinakamahusay na ihinto ito. Makakatulong ang resources tulad ng support group o therapy upang magawa mo ang unang hakbang patungo sa smoke-free na buhay.
Maging aktibo
Alam ng marami na ang ehersisyo at pisikal na aktibidad ay isang magandang paraan upang maprotektahan ang iyong puso. Ang pagkakaroon ng sapat na ehersisyo ay maaaring makatulong na maiwasan ang cardiomyopathy o iba pang mga sakit na maaaring magpapagod sa iyong puso.
Gayumpaman, hindi ka dapat na kaagad dumiretso sa isang buong oras na pag-eehersisyo. Kung hindi ka pa masyadong aktibo, 10-15 minuto ng low-impact exercises ay dapat sapat na sa loob ng ilang linggo. Gayundin, siguraduhing mag-stretching bago at pagkatapos ng iyong ehersisyo.
Ang layunin ng pag-eehersisyo laban sa sakit sa puso ay hindi maramihan o magkaroon kaagad ng muscles.
Ang pagsasali ng physical fitness sa pang-araw-araw na aktibidad, tulad ng paglalakad papunta sa trabaho, ay maaaring magkaroon ng positibong epekto sa iyong kalusugan.
Bantayan ang iyong kinakain
Ang kinakain mo ay maaaring maka-impluwensya sa pangkalahatang kondisyon ng iyong kalusugan. Bagaman madaling sabihin kaysa gawin na kumain nang mas malusog, ang pagsasaayos ng iyong kasalukuyang diyeta upang gawin itong heart-healthy ay maaaring hindi ganoon kahirap.
Ano ang heart-healthy diet?
Minsan, hindi naman masama ang kinakain mo. Ang mahalagang dapat isaalang-alang ay kung gaano karami ang iyong kinakain. Anumang bagay na masyadong marami ay bihirang isang magandang bagay. Kaya naman, ang unang hakbang sa isang heart-healthy diet ay manatili sa healthy portions ng iyong kinakain.
Isang paraan upang bawasan ang dami ng kinakain ay ang paggamit ng iyong kamay bilang gabay o paggamit ng mas maliliit na plato. Punahin kung gaano kadalas at kung gaano karami ang iyong kinakain. Ito ay makakatulong din sa iyong matukoy kung ang iyong mga gawi sa pagkain ay nangangailangan ng malaking pagbabago.
Maaari mo ring talakayin sa iyong doktor ang diyeta na mababa sa asin. Ang isang pagkakaiba-iba na tinatawag na DASH diet ay isang panghabambuhay na diskarte upang gamutin o maiwasan ang hypertension gamit ang malusog na pagkain.
Mag-ingat sa iyong kinakain. Palaging magandang ideya na dagdagan ang pagkain ng prutas at gulay. Inirerekumenda din ang pag-iwas sa pagkain na mayaman sa trans fat lalo na kung nais mong makaiwas sa sakit sa puso.
Key Takeaways
Ang cardiomyopathy ay isang sakit sa puso na pangunahing nakakaapekto sa muscles na nagbibigay-daan sa puso na magbomba ng dugo sa buong katawan.
Paano makaiwas sa cardiomyopathy? Ang pag-iwas sa cardiovascular disease na ito ay mas madali kumpara sa paggamot dito. Ang mga simpleng gawi tulad ng pagkain ng mas malusog at pagsisikap na makapag-ehersisyo nang mas madalas ay lubos na nakakabawas sa panganib ng sakit na ito.
Matuto pa tungkol sa sakit sa puso, dito.
[embed-health-tool-bmr]