Ang high blood ay isa sa mga pinakamalaking salik na nakaaapekto sa stroke, sakit sa puso, at iba pang karamdamang cardiovascular. At upang makontrol ito, karaniwang inirereseta ang mga maintenance na gamot. Subalit iginigiit ng iba na ang paggamit ng bawang para sa high blood ay epektibo. May katotohanan ba ito? Basahin ang artikulong ito upang malaman.
Bawang Para Sa High Blood: Bakit Ginagamit Ang Bawang Para Sa Altapresyon?
Ang bawang ay isang halaman na malapit na kamag-anak ng sibuyas at leeks. Ito ay karaniwang sangkap sa pagluluto, at kilala ito sa matapang nitong lasa. Minsan ang mga dahon at tangkay nito ay ginagamit din.
Sa loob ng mahabang panahon, ang bawang ay ginagamit ng iba’t ibang kultura bilang gamot. Kabilang dito ang Egyptians, Babylonians, Greeks, Chinese, at mga sinaunang Hindu.
Sa katunayan, ang mga sinaunang kasulatan mula sa mga kulturang ito ay may maraming patunay tungkol sa kung paano gamitin ang bawang bilang gamot sa mga karamdaman at upang mapabuti ang kalusugan. At hanggang sa kasalukuyan, ang mga paniniwalang ito tungkol sa bawang bilang masustansyang pagkain ay nananatili pa rin.
Ayon sa mga mananaliksik, ang bawang ay may mga katangiang antimicrobial at anti-inflammatory kung iinumin bilang supplements, o kung isasama sa pagkain. Ginagamit din ito ng mga taong na-diagnose ng high blood o problema sa cardiovascular para sa kanilang altapresyon.
Sa kabila ng mga ito, mahalaga pa ring tingnan ang mga ito nang may bukas na pag-iisip. Hindi sapat ang makinig lamang sa mga kwento ng iba tungkol sa kabisaan ng bawang. Mahalagang masuri nang mabuti ang mga ito upang maunawaan kung tunay ba itong epektibo tulad ng sinasabi ng mga tao.
Bawang Para Sa High Blood: Ano Ang Resulta Ng Mga Pag-Aaral?
Dahil sa kasikatan nito bilang isang masustansyang pagkain, ang bawang ay naging paksa na ng maraming mga pag-aaral sa paglipas ng panahon.
Ayon sa isang artikulo na nailathala sa American Family Physician noong 2005, napatunayan ng isang pag-aaral na ang bawang ay may lipid-lowering effects. Ibig sabihin, maaaring nitong mapababa ang lebel ng cholesterol sa dugo ng isang tao.
Kumpara sa gamot sa cholesterol, ang epekto ng bawang ay bahagyang mababa; natuklasan sa pag-aaral na napabababa nito ang lebel ng cholesterol nang halos 4% hanggang 6%. Subalit may ibang pananaliksik na naging mas matagumpay dahil kanilang natuklasang ang bawang ay may mas malaking epekto sa pagpapababa ng lebel ng cholesterol.
Ayon sa isang pag-aaral, na inilathala sa American Journal of Hypertension, may ebidensyang nagsasabing ang bawang ay maaaring makapagpababa ng high blood. Subalit kanilang ipinahayag na kailangan pa ng maraming pananaliksik.
Sa isa pang pag-aaral, na inilathala naman ng Annals of Pharmacology, nakakita ng sapat na ebidensyang nagpapakita na ang bawang ay tunay na may potensyal upang mapababa ang high blood.
Maraming iba pang pag-aaral ang nakatuklas ng taliwas na resulta. May ilang mananaliksik na nakatuklas na ito ay may positibong epekto sa high blood, habang may iba namang nagsasabi na hindi sapat ang mga ebidensyang ito upang gamitin ang bawang para sa high blood.
Sa iba naman epekto ng bawang, nadiskubre ng mga pananaliksik ang katatamtamang bisa nito pagdating sa katangian nitong anti-inflammatory. Sinasabi lamang nito na ang bawang at tunay na kapakipakibanag bilang isang masustansyang pagkain.
Ibig Sabihin, Hindi Epektibo Ang Bawang?
Hindi laging madaling malaman kung gaano kaepektibo ang isang halamang gamot. Sa kaso ng bawang, maraming magkakasalungat na ebidensya tungkol sa epekto nito sa high blood.
Hindi masama ang pagkain ng bawang at pag-inom ng supplements na naglalaman nito. Subalit mahalagang tandaan na hindi dapat ito gamiting pamalit sa gamot na inireseta sa iyo ng doktor.
Sa ngayon, walang sapat na ebidensyang nagpapakita na ang bawang ay maaaring gamitin bilang pamalit sa gamot sa high blood. Subalit sa kabilang banda, hindi mapanganib ang pagdaragdag ng bawang sa iyong diet, o ang pag-inom ng supplements na naglalaman nito.
Sa katunayan, ang pinakamainam gawin kung ikaw ay may high blood ay ang laging pag-inom ng iyong gamot. Ngunit makatutulong din ang pagdaragdag ng prutas at gulay sa iyong diet, tulad ng bawang. Sa pamamagitan nito, mapananatili mong mababa ang presyon ng iyong dugo kasabay ng pag-inom ng iyong gamot, at dagdagan ito ng mabuting epekto ng bawang sa kalusugan.
Key Takeaways
Bagama’t hindi pa kompirmado ang pagiging epektibo ng bawang para sa high blood, hindi ito nangangahulugang hindi mabuti ang bawang sa iyong kalusugan. Nagtataglay ito ng maraming bitamina at mineral na kailangan ng iyong katawan. Mayroon din itong ilang mga epekto na anti-inflammatory.
Ang mahalaga ay laging buksan ang iyong isipan, at huwag agad isiping ang mga halamang gamot ay hindi epektibo. Sa kabilang banda, mahalaga ring kilalanin ang kabisaan ng mga modernong gamot. Gayundin, mahalagang kumonsulta sa doktor bago gumawa ng anumang pagbabago sa iyong planong pangkalusugan.
Key-takeaways
Matuto pa tungkol sa Altapresyon dito.
[embed-health-tool-bmi]