Karaniwan ang paglabo ng mata sa mga matatanda, ngunit napapansin mo ng unti-unting lumalabo ang iyong paningin. Dahil dito, nahihirapan ka ng gumawa ng iba’t ibang mga pang-araw-araw na gawain. Alamin kung ano-ano ang mga posibleng sanhi ng paglabo ng iyong mata dito.
Iba’t Ibang Mga Sanhi Ng Paglabo Ng Mata
Posibleng lumabo ang isang mata o ang magkabilang mata depende sa kung ano ang sanhi nito. Minsan ang lahat ng iyong tinitingnan ay malabo, habang maaari ring isang bahagi lamang ng iyong paningin ang malabo. Narito ang ilan sa mga kondisyon na maaaring maging sanhi ng paglabo ng mata.
Age-Related Macular Degenration (AMD)
Ang age-related macular degeneration ay isang sakit sa mata na maaaring magdulot ng malabong central vision. Ito ang pangunahing sanhi ng pagkawala ng paningin ng mga matatanda. Nangyayari ito kapag ang pagtanda ay nagdudulot ng pinsala sa macula. Ito ang bahagi ng retina na kumokontrol sa matalas at tuwid na paningin. Bagaman hindi ito humahantong sa tuluyang pagkabulag, nagiging mahirap naman ang pagkakakilanlan ng mukha, pagbabasa, pagmamaneho, pagluluto, maging ang pag-aayos.
Astigmatism
Isa sa karaniwang sanhi ng paglabo ng mata ay ang pagkakaroon ng astigmatism. Ito ay tumutukoy sa kondisyon kung saan hindi pantay ang pagkahubog ng cornea, dahilan kaya lumalabo ang paningin ng tao. Ang mga taong mayroong astigmatism ay maaari ring magkaroon ng iba pang refractive errors tulad ng nearsightedness (myopia) at farsightedness (hyperopia).
Cataract
Isa pang kondisyon sa mata na kadalasang buhat ng katandaan ang cataract. Dahil dito, nagiging foggy at cloudy ang lens, dahilan para magmukhang malabo at hazy ang mga bagay. Kung ikaw ay mayroon nito, maaari ka ring makakita ng doble o ghosted na imahe sa mata na naapektuhan ng cataract. Imbes na makita ang matitingkad na kulay, ang mga ito ay nagmumukhang kupas o madilaw sa iyong paningin.
Computer Vision Syndrome
Sa kasalukuyan, ang computer vision syndrome ay isa sa mga karaniwang sanhi ng paglabo ng mata. Ito ay marahil karamihan sa atin ay nakatutok magdamag sa mga gadgets na naglalabas ng blue light. Ito ay kilala rin sa tawag na digital eye strain.
Detached Retina
Nangyayari ang detached retina kapag nahahatak ang retina papalayo sa normal na posisyon nito sa likod ng mata. Dahil dito, nagkakaroon ng ilang mga sintomas tulad ng biglaang pagdami ng tinatawag na floaters, mga flash ng ilaw sa isa o magkabilang mata, at dark shadow na parang kurtina sa gilid o gitnang bahagi ng paningin. Kadalasan, mabilis na nangyayari ang mga nasabing sintomas. Kapag hindi ito nagamot kaagad, maaaring lalo matanggal ang retina, dahilan para tumaas ang panganib ng permanenteng pagkawala ng paningin.
Diabetic Retinopathy
Ang mga taong mayroong diabetes ay posible ring magkaroon ng diabetic retinopathy. Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang pagkakaroon ng mataas na blood sugar levels ay maaring maapekto sa paningin ng tao. Maaari kang magkaroon nito ngunit hindi mo alam. Ito ay marahil walang masyadong mga sintomas sa mga unang yugto. Ngunit habang lumalala ito, mapapansin mo na ang ilang sintomas. Kabilang dito ang pagdami ng mga floaters maging ang paglabo ng mata lalo na sa gabi.
Dry Eye Disease
Ang dry eye disease ay tumutukoy sa isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring magdulot ng pananakit at pagkagaspang, dahilan para maging malabo ang paningin. Nagiging sensitibo ang mga mata sa liwanag, at maaaring sumakit, masunog, o mamula. Bukod pa rito, posible kang makaramdam ng lagkit sa talukap ng iyong mga mata kapag kakagising pa lamang. Samantala, ang iba naman ay maaaring magkaroon na kasabay na kondisyon sa mata tulad ng blepharitis. Dahil sa mgga nabanggit, maaaring makaapekto ito sa kalidad ng iyong pamumuhay.
Maliban sa mga nabanggit na kondisyon sa mata, maaaring maging sintomas ng iba pang medikal na kondisyon ang malabong paningin. Ito ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Stroke
- Migraine
- Diabetes
- Head injury
- Mababang blood sugar
- Pre-eclampsia (pagkakaroon ng altapresyon sa mga buntis)
- Psoriasis
- Multiple sclerosis
- Brain tumor
- Parkinson’s disease
May mga pagkakataon din kung saan ang paglabo ng mata ay maaaring side effect ng mga gamot na iniinom.
Key Takeaways
Habang tumatanda, mas lumalaki ang posibilidad ng paglabo ng mata. Nararapat na regular ang pagpapacheck-up ng mata upang maiwasan ang tuluyang pagkabulag. Maaaring magsagawa ng ilang mga tests ang iyong doktor upang masuri kung ano ang dahilan ng paglabo ng iyong mata. Dito rin malalaman kung anong angkop na paggamot ang kinakailangan mo.
Alamin ang iba pa tungkol sa Paglabo at Pagkawala ng Paningin dito.