Ano ang digital rectal exam? Ito ay isang test para sa mga kalalakihan at kababaihan kung saan sinusuri ng doktor ang mga organo malapit sa rectum at anus ng tao. Sa pamamagitan nito ay malalaman ang anomang posibleng problema sa kalusugan.
Maaaring makatulong ang digital rectal exam (DRE) sa mga doktor upang matuklasan ang mga sakit tulad ng BPH o benign prostatic hyperplasia sa mga kalalakihan, at uterine o ovarian cancer naman sa mga kababaihan. Gayundin, maaari ding malaman ang problema sa rectum o digestive tract.
Sa pamamagitan ng DRE, mas maagang natutukoy at nagagamot ang mga sakit. Kung ang resulta ng digital rectal exam para sa BPH ay kinakitaan ng problema, magkakaroon ang doktor ng ideya kung paano gagawin ang gamutan.
Ano ang digital rectal exam? Sino ang kailangang sumailalim dito?
Para sa karamihan, ang pagsailalim sa digital rectal exam ay bahagi ng kanilang taunang medical checkup. Subalit ang DRE ay maaaring kailanganin din ng isang taong nakararanas ng mga kakaibang sintomas tulad ng: dugo sa dumi, pananakit ng balakang, o maging discharge mula sa urethra.
Para sa mga kalalakihang nasa edad 50 at pataas, ang taunang digital rectal exam ay mahalaga. Ito ay dahil nakatutulong ito upang malaman kung sila ay may prostate cancer at BPH. Kung ang resulta ng digital rectal exam para sa BPH ay positibo, magiging mas handa sila na kontrolin ang kanilang kondisyon.
Para sa mga kababaihan, nakatutulong ang pagsasagawa ng DRE upang matukoy ang posibilidad ng pagkakaroon ng ovarian o uterine cancer. Gayundin, malalaman kung may iba pang mga problemang kaugnay sa bituka o urinary tract.
Sinusuri din ng digital rectal exam ang pagkakaroon ng internal hemorrhoids, maging ng bowel cancer. Nakatutulong din ito upang malaman kung may mga abnormalidad sa rectum o anus.
Ano ang digital rectal exam? Paano ito isinasagawa?
Para sa mga kababaihan, kadalasang isinasagawa ang test na ito ng gynecologist. Ngunit isinasagawa rin ito ng primary care physicians kung ito ay bahagi ng routine physical examination.
Para sa mga may problema sa kanilang digestive system, maaari itong gawin ng gastroenterologist. Minsan ay maaari din itong isagawa ng oncologist kung may tyansa ng pagkakaroon ng cancer.
Magtatanong din ang doktor ng ilang mga katanungan bago magsimula ang DRE. Sa pamamagitan nito ay nalalaman ng doktor ng kasalukuyang kondisyon ng iyong kalusugan. Gayundin kung ikaw ay nakararamdam ng anomang sintomas na makatutulong upang matukoy ang anomang problema.
Kasunod, ikaw ay sasabihang hubarin ang iyong damit mula baywang hanggang ibaba. Pahihigain ka nang patagilid sa examination table, nang naka-bent ang iyong mga tuhod pataas sa iyong dibdib.
Matapos ito, ipapasok ng doktor sa iyong rectum ang isang gloved at lubricated na daliri at pakikiramdaman kung may kakaiba sa loob. Kung walang problema, walang dapat na maramdamang sakit habang ginagawa ito ng doktor.
Titingnan din ng doktor kung may anomang problema sa prostate, o kung ito ay malaki. Kung ang resulta ng digital rectal exam para sa BPH ay kinakitaan ng anomang problema, o kung may ibang problemang nakita habang isinasagawa ang test, kakausapin ka ng doktor tungkol dito.
Hindi matagal ang pagsasagawa ng DRE, at kadalasang natatapos din ito sa loob ng ilang minuto. Matapos ito, kakausapin ka ng doktor tungkol sa resulta nito. Maaaring sabihan ka na sumailalim sa ilan pang tests pagkatapos ng DRE. Kadalasan itong nangyayari kung sa palagay ng doktor ay may ibang problema.
Ano ang digital rectal exam? Paano alagaan ang iyong prostate?
And DREs ay pinakakadalasang isinasagawa sa mga kalalakihang nasa edad 50 at pataas. Ito ay dahil habang tumatanda ang mga lalaki, nagsisimulang lumaki ang kanilang prostate.
Kadalasan, hindi ito problema, huwag lamang lumaki nang sobra ang prostate. Ngunit, kung sumobra ang laki nito, nagsisimula nitong itulak ang pantog. Nagiging dahilan ito ng hindi komportableng pakiramdam, hirap sa pag-ihi, at sa ibang mga kaso, ay impeksyon.
Ito ang dahilan kung bakit ang pag-aalaga sa prostate ay dapat simulan habang bata pa lamang. Sa pamamagitan nito, mapananatili itong nasa mabuting kondisyon habang lumalaki.
Narito ang ilan sa mga mahahalagang payo na dapat tandaan upang alagaan nang mabuti ang prostate:
- Siguraduhing kumain ng masustansyang dyeta na puno ng prutas at gulay. Ang mga prutas at gulay ay puno ng mga bitamina at mineral, maging ng antioxidants na makatutulong upang panatilihing malusog ang prostate.
- Napatunayan ng mga pananaliksik na ang pag-inom ng vitamin D supplements ay maaaring makapagpababa ng tyansa na magkaroon ng malaking prostate. Ang pinakamabuting paraan upang makakuha ng vitamin D ay ang paglabas tuwing umaga upang magpaaraw.
- Mag-ehersisyo kahit sa loob lamang ng 30 minuto bawat araw. Ang araw-araw na pag-eehersisyo at paggawa ng mga pisikal na gawain ay makatutulong upang mapanatiling malusog ang katawan. Napabababa rin nito ang tyansa ng pagkakaroon ng problema sa prostate, sakit sa puso, at iba pang karamdaman.
- Pagsapit mo 50 taong gulang, mainam na sumailalim taon-taon sa prostate cancer screening. Kung ang resulta ng digital rectal exam para sa BPH o prostate cancer ay positibo, ang maagang pagtuklas nito ay mainam upang makontrol ang sakit.
- Kung ikaw ay nakararanas ng anumang sintomas ng malaking prostate, o ng anomang sakit o hindi komportableng pakiramdam sa bahagi ng balakang, huwag mag-alinlangang magpakonsulta sa doktor. Mas madali itong magagamot kung maagang matutuklasan ang sakit.
- Itigil ang paninigarilyo. Kung ikaw ay naninigarilyo, ang pagtigil nito sa lalong madaling panahon ay makatutulong upang mas bumaba ang tyansa ng pagkakaroon ng prostate cancer. Ang paninigarilyo ay may kaugnayan din sa pagkakaroon ng kanser sa baga, altapresyon, at marami pang sakit.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kalalakihan dito.