Ang US Center for Disease Control (CDC) ay nagsasabi na ang Polycystic Ovarian Syndrome (PCOS) ay isa sa mga pinakakaraniwang sanhi ng infertility sa mga kababaihan na nasa reproductive age. Narito ang checklist ng mga sintomas ng PCOS para mas matulungan kang malaman ang kondisyong ito.
Ano ang PCOS?
Bago natin ilista ang mga sintomas ng polycystic ovary, alamin muna natin ang kondisyon.
Nangyayari ang PCOS dahil sa kawalan ng balanse sa mga reproductive hormone.
Bilang resulta ng imbalance na ito, ang mga ovary, na naglalabas ng mga cell para sa regla o pagbubuntis, ay maaaring makaranas ng mga problema na nauuwi sa iba’t-ibang isyu sa kalusugan. Ang mga ito ay pwedeng tumagal nang higit pa sa mga taon ng panganaganak ng isang babae.
Bukod pa rito, ang ilang kababaihan na may PCOS ay nagkakaroon ng maliliit, fluid-filled sacs (cyst) sa kanilang mga obaryo.
Nalalaman ng maraming kababaihan na mayroon silang polycystic ovary syndrome kapag kumunsulta sila sa kanilang doktor dahil sa fertility concerns. Gayunpaman, ang kondisyon ay karaniwang nagsisimula sa edad na 11 o 12, sa panahon ng kanilang unang regla.
Ang checklist ng mga sintomas ng PCOS
Hindi lahat ng kababaihan na nakakaranas ng PCOS ay nagkakaroon ng lahat ng mga sintomas.
Higit pa rito, ang kalubhaan ng bawat sintomas ay nag-iiba sa bawat tao.
Halimbawa, ang ilan ay nakakaranas lamang ng mga alalahanin sa pagreregla, ang ilan ay nahihirapan mabuntis, habang ang iba ay nakakaranas ng pareho.
Nasa ibaba ang mga pinaka karaniwang sintomas ng PCOS:
Problema sa regla at fertility
Tulad ng nabanggit, maraming kababaihan ang nalalaman ang kanilang kondisyon pagkatapos makaranas ng mga problema sa regla at fertility.
Iba-iba ang karanasan ng bawat babae sa kanilang menstrual cycle. Karamihan ay may cycle na humigit-kumulang 28 araw, ngunit maaari itong mas mahaba at mas maikli. Kung may PCOS, maaari kang magkaroon ng madalang o late period ( regla na higit sa 35 araw ang pagitan). Katunayan, ang ilang mga ulat ay nagsasabi na ang mga babaeng may PCOS kung minsan ay may mas mababa sa 9 na regla sa isang taon. Gayundin, ang regla ay maaaring ganap na huminto.
Dahil sa mga problema sa obulasyon na ito, ang PCOS ay nagpapahirap din sa isang babae na magkaroon ng sanggol.
Mga isyu sa buhok
Ang iba pang nakikitang mga bagay sa aming checklist ng mga sintomas ng PCOS ay mga isyu sa buhok.
Sa PCOS, ang mga babae ay maaaring magkaroon ng sobrang pagkalagas ng buhok, posibleng maging ang pagkakalbo. Gayunpaman, maaari rin silang makaranas ng labis na pagdami ng buhok (hirsutism) sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Katulad ng mukha, baba, dibdib, tiyan, hinlalaki, at daliri ng paa.
Ayon sa mga eksperto, ito ay dahil sa high level ng androgen, grupo ng mga hormone na responsable sa development ng male characteristics. Ito ay kadalasang nagiging sanhi ng mga isyu sa buhok sa mga babaeng may PCOS.
Oily skin at acne
Ang imbalance sa mga reproductive hormone ay maaari ding magresulta sa labis na sebum o produksyon ng langis. Ito ay maaaring makabara sa mga pores at mag-trigger ng acne at pimples. Ang mga breakout ay maaaring mangyari hindi lamang sa mukha kundi pati na rin sa dibdib at itaas na likod.
Habang ang acne at pimples ay karaniwang mga sintomas, mariing paalala ng mga doktor na hindi tayo dapat umasa sa kanila para kumpirmahin ang PCOS. Maari kang magka breakout kahit na wala kang kondisyon.
Pag-itim ng balat
Kasama rin sa checklist ng mga sintomas ng PCOS ang pag-itim ng balat na tinatawag na acanthosis nigricans. Kung mayroon ka ng ganitong kundisyon, mapapansin mo ang maitim, makapal, at makinis na mga patch sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan, tulad ng batok, mga braso, at sa iyong singit.
Ang ilang kababaihan na may polycystic ovaries ay maaari ding magkaroon ng mga skin tag, maliit na flap ng balat na maaaring mabuo sa ilalim ng mga braso at sa leeg.
Tandaan na ang mga skin tag at acanthosis nigricans ay maaari ding mga senyales ng insulin resistance o kawalan ng kakayahan ng katawan na tumugon sa insulin, ang hormone na nagpapahintulot sa ating mga cell na sumipsip ng asukal.
At hindi ito nakakagulat. Ayon sa CDC, karamihan sa mga kababaihan na may polycystic ovary syndrome ay may insulin resistance, na nagpapataas ng kanilang panganib na magkaroon ng Type 2 diabetes.
Sobra sa timbang o labis na katabaan
Maraming kababaihan na may polycystic ovary ay nakakaranas din ng pagtaas ng timbang o kahirapan sa pagbabawas ng timbang. Ayon sa mga eksperto, ang pagtaas ng timbang ay makabuluhang nagpapalala sa mga sintomas ng PCOS. Kaya ang pagbaba ng ilang pounds ay dapat na isang priyoridad dahil maaaring mapabuti ang timing ng iyong regla.
Emotional symptoms
Panghuli, kahit na hindi gaanong kapansin-pansin kaysa sa mga pisikal na senyales, ang mental at emosyonal na stress ay bahagi rin ng checklist ng mga sintomas ng PCOS.
Ang mga babaeng may polycystic ovary ay maaaring makaranas ng anxiety, mababang self-esteem, at poor body image na maaaring negatibong makaapekto sa kalidad ng kanilang buhay.
Key Takeaways
Kahit na ang checklist ng mga sintomas ng PCOS na ito ay maaaring magsilbing isang kapaki-pakinabang na gabay, pinaka mabuti ang paghingi ng payo sa iyong doktor. Tandaan na ang kondisyong ito ay maaaring magpakita sa pamamagitan lamang ng ilan sa mga nabanggit na sintomas.