Karaniwang nakararanas ng mga senyales ng hormonal imbalance ang mga babae sa magkakaibang pagkakataon ng kanilang buhay. Halimbawa, kadalasang nagbabago ang hormones sa panahon ng puberty, sa simula ng menstruation (menarche), tuwing may buwanang daloy, kapag nagbubuntis at postpartum period, at kapag nag-menopause.
Bagaman may mga sintomas na hindi maganda sa pakiramdam, sa pangkalahatan ay mapapamahalaan ito. Gayunpaman, kapag ang mga senyales ng hormonal imbalance ay nangyari labas pa sa mga sitwasyong nabanggit, maaaring may problema na.
Kahulugan ng Hormonal Imbalance
Ang mga hormone ay mga kemikal na nililikha ng glands. Naglalakbay sila sa daluyan ng dugo patungo sa iba’t ibang body organs upang sabihin kung anong kailangan nilang gawin at kailan ito gagawin.
Nagkakaroon ng hormonal imbalance kapag may sobra-sobra o napakakaunting dami ng partikular na hormone. At dahil ang hormones ang nag-uutos sa ating mga selula na gawin ang trabaho nito, maaaring maging problema ang anumang imbalance dito.
Halimbawa, Kapag ang iyong pancreas (gland) ay hindi gumagawa ng sapat na insulin (hormone), hindi makakakuha ang ating selula ng asukal. Bilang resulta, mananatili ang asukal sa ating dugo na magdudulot ng high blood glucose, na pangunahing sintomas ng diabetes.pangunahing sintomas ng diabetes.
Kapag malay ka sa magkakaibang senyales ng hormonal imbalance, matutulungan ka nitong malaman ang problema at agad na makahihingi ng medikal na tulong.
7 Senyales ng Hormonal Imbalance sa Kababaihan
Nasa ibaba ang ilan sa pinakakaraniwang senyales ng hormonal imbalance sa kababaihan:
Mga Problema sa Regla
Marahil, isa sa mga unang palatandaang maaari mong mapansin kung may hormonal disorder ka tulad ng polycystic ovary syndrome (PCOS) ay ang irregular menstrual cycle.
Kadalasan, mayroong 21 – 35 na araw sa kanilang menstrual cycle. Ibig sabihin, ang susunod nilang regla ay karaniwang nangyayari 21 – 35 na araw matapos ng unang araw ng kanilang huling menstrual period. Kung ang iyong buwanang dalaw ay mas madalas mangyari (wala pang 21 na araw) o masyadong malayo ang pagitan (higit pa sa 35 na araw), maaaring may problema.
Gayunpaman, tandaang magkakaiba ang bawat babae. Para sa ilang kababaihan, normal lang ang pagkakaroon ng irregular period. Kung nasa edad 40s at 50s ka na, maaaring mangyari ang mga problema sa menstruation dahil sa perimenopause (ang transition period sa pagiging menopause).
Upang makatiyak, makipag-usap sa doktor, lalo na kung may napapansing mga problema tulad ng kapag hindi niregla, pagkabaog, matinding pagdurugo at pamumulikat.
Nahihirapang Makatulog o Hindi Maganda ang Tulog
Maaaring makaranas ng mga problema sa pagtulog ang mga babaeng may mas mababa kaysa sa normal na progesterone levels. Ngunit mahalagang tandaan na: karaniwang nakararanas ng problema sa pagtulog ang mga menopausal na babae dahil sa pagbaba ng kanilang progesterone levels.
Sakaling mapansin mo ang mga problema sa pagtulog at iba pang senyales ng hormonal imbalance sa babae, pinakamabuting makipagkita sa doktor. Kung nasa transisyon ka ng pagme-menopause, maaaring magrekomenda sila ng hormone replacement therapy upang mapahupa ang mga sintomas.
Hot Flashes at Sobrang Pagpapawis
Maaaring mangyari ang hot flashes at sobrang pagpapawis dulot ng mababang estrogen levels. Gaya ng problema sa pagtulog, maaaring mangyari ang mga sintomas na ito sa babaeng nakararanas ng perimenopause.
Bukod pa sa mababang estrogen levels, maaari ding makaranas ang mga babae ng sensitivity sa init kung mayroon silang problema sa thyroid, partikular ang hyperthyroidism (sobrang thyroid hormone).
Pagbaba o Pagtaas ng Timbang
Bagaman madalas na naiuugnay sa pagkain at nutrisyon, ang problema sa timbang ay maaari ding isa sa pinakakaraniwang senyales ng hormonal imbalance sa mga babae.
Ang mga kondisyong tulad ng PCOS at problema sa thyroid, partikular ang hypothyroidism, ay maaaring magdulot ng pagtaas ng timbang. Sa kabilang banda naman, ang hyperthyroidism (sobra-sobrang thyroid hormone) ay puwedeng mauwi sa hindi sinasadyang pagbaba ng timbang.
Matinding Acne at Hirsutism
Karaniwan na sa mga babae ang madalas na pagkakaroon ng tigyawat at acne. Ngunit kung matagal ka nang mayroon nito, maaaring ito ay senyales ng hormonal imbalance sa mga babae.
Ang mas mataas sa normal na androgen (mas kilala bilang “male hormones”) ay maaaring maging dahilan ng sobrang pagtatrabaho ng oil glands. Ang sobrang oil ay maaaring makabara sa pores at magdulot ng breakouts. Dagdag pa, ang sobrang androgens ay puwedeng mauwi sa hirsutism. Isa itong kondisyon kung saan tumutubo ang buhok sa bahagi ng katawang hindi inaasahang tutubuan nito.
Pakitandaan na ang dalawang senyales na ito ay maaari ding mangyari dahil sa polycystic ovary syndrome.
Digestive Symptoms
Tumutugon ang ating digestive system sa mga hormones na progesterone at estrogen. Kung may kulang o sobra ka nito, maaaring makaranas ka ng pagbabago sa kung paano mo tinutunaw ang mga kinakain.
Ang mga halimbawa ng digestive signs na may kaugnayan sa mga senyales ng hormonal imbalance ay bloating, masakit na tiyan, pagduduwal, pagtatae, at constipation. May mga ulat ding nagsasabing kasama dito ang paghahanap sa maalat at matamis.
Problemang Seksuwal
Ang mga babaeng may hormonal imbalance ay maaaring makaranas ng mga problema sa seksuwal na kalusugan. Halimbawa nito ang vaginal dryness at mababang sexual drive dulot ng mababang estrogen levels.
Iba Pang Posibleng Senyales ng Hormonal Imbalance sa Babae
Bukod pa sa mga naipaliwanag sa itaas, maaari ding makaranas ang mga babae ng mga sumusunod na hormonal disorder:
- Pabago-bagong mood
- Pananakit ng ulo
- Pagkalagas ng buhok
- Panghihina ng mga buto
- Malamig na kamay at paa
- Pananakit ng balakang
Pakitandaang lahat ng mga sintomas na nailarawan dito ay maaari ding dulot ng iba pang kondisyong pangkalusugan. Kung napansin mo ang mga ito, kausapin ang iyong doktor para sa tamang pagsusuri.
Matuto pa tungkol sa Hormonal Imbalance ng Babae dito.