Alam mo bang mas karaniwan ang mga kondisyon sa thyroid sa mga kababaihan kaysa sa kalalakihan? Bukod pa rito, tumataas ang tyansa ng pagkakaroon nito habang tumatanda ang isang babae; kaya naman, ang mga kababaihang nakararanas ng menopause ay mas may posibilidad na magkaroon ng problema sa thyroid. Ano ang mga karaniwang problema sa post-menopausal thyroid, at ano ang maaaring gawin dito ng mga mga kababaihan? Alamin sa artikulong ito.
Paano Nakaaapekto Ang menopause Sa Thyroid Gland?
Maaari nga bang maging sanhi ng menopause ang problema sa thyroid? Ano-ano ang ilan sa mga problema sa post-menopausal thyroid?
May ilang mga pag-aaral ang nakatuon sa kung paano direktang nakaaapekto ang menopause sa thyroid gland. Gayunpaman, may isang pag-aaral ang nakatuklas na ang pagbaba ng estrogen na may kaugnayan sa menopause ay nakaaapekto sa mga paggana ng thyroid at maaaring humantong sa mga sakit. Bukod pa rito, ipinakita ng mga siyentista na ang pagtanda ay nakaiimpluwensya sa paggana ng thyroid.
Upang mas maunawan ito, umpisahan nating alamin ang pangunahing paggana ng thyroid gland.
Ang organ na ito na hugis paru-paro ay matatagpuan sa ibabang bahagi ng leeg. Sumisipsip ito ng iodine at naglalabas ng thyroid hormone, na kumokontrol sa kung paano ginagamit ng cell ang enerhiya.
Habang tumatanda, nagbabago ang thyroid gland. Ilan sa mga pagbabagong nangyayari sa thyroid gland ay ang mga sumusunod:
- Paghina ng kakayahan nitong sumipsip ng iodine
- Pagbaba ng produksyon ng pangunahing thyroid hormone T4 (dahil kinakailangan ang iodine sa pagprodyus ng hormone)
- Gayunpaman, dahil napababagal din ng pagtanda ang ating metabolismo ng T4, ang concentration ng serum ay hindi lubhang nagbabago
- Bumababa ang araw-araw na produksyon at concentration ng serum ng T3 thyroid hormone
Maaaring makaapekto ang mga pagbabagong ito sa thyroid gland at maging sanhi ng mga problema sa post-menopausal thyroid.
Mga Karaniwang Problema Sa Thyroid Habang Nakararanas Ng Menopause
Bagama’t hindi pa naibibigay ng siyensya ang tiyak na sagot sa katanungang “Nagiging sanhi ba ng menopause ang problema sa thyroid?” Ipinakita ng mga pag-aaral na ang mga sumusunod na kondisyon ay maaaring mangyari matapos makaranas ng menopause.
Hypothyroidism
Ang hyperthyroidism ay nangangahulugang ang thyroid gland ay hindi gaanong aktibo at nagpoprodyus ng kaunting thyroid hormone. Ang kondisyong ito ay nakapagpapabagal sa pagkilos ng katawan at humahantong sa mga sintomas tulad ng mga sumusunod:
- Pagtaas ng timbang
- Pagkapagod
- Panunuyo ng buhok at balat
- Problema sa alaala at konsentrasyon
- Pagtitibi
- Pagbabago ng mood
- Intolerance o pagiging sensitibo sa lamig
Kung hindi magagamot, ang hypothyroidism ay maaaring humantong sa mga komplikasyon tulad ng osteoporosis, sakit sa puso, at mataas na cholesterol. Kadalasan, ang taong may hindi gaanong aktibong thyroid ay nangangailangan ng hormone replacement upang mapunan ang suplay ng thyroid hormone.