Sa panahon ngayon, marami nang nauuso mga iba’t-ibang paraan upang alagaan at pagandahin ang balat. At ang isa sa pinaka-popular ay ang paggamit ng glutathione, partikular na ang tinatawag na gluta drip.
Bagama’t parami na ng parami ang sumasailalim sa treatment na ito, mahalaga pa rin na tayo ay maging mapanuri at alamin kung may benepisyo ba talaga ito para sa ating balat. Bukod dito, mahalaga ring malaman kung safe ba ang gluta drip o kung mayroon itong hindi magandang side effects. Heto ang mga dapat mong malaman.
Ano ang Glutathione?
Bago natin pag-usapan ang gluta drip ay atin munang alamin kung ano ang “gluta” o glutathione. Ang glutathione ay isang antioxidant na diumano’y nakatutulong upang pagandahin ang balat, palakasin ang immune system, at i-detoxify ang ating katawan. Ang isa ring karaniwan na sinasabing benepisyo nito ay ang pagpapaputi ng balat.
Ang kadalasang paraan ng pag-inom ng glutathione ay sa pamamagitan ng mga capsules. Gayunpaman, mayroon ring mga produkto tulad ng mga beauty drink, sabon, at pati na rin mga cream sa balat na mayroong halong glutathione. At siyempre, nauuso na rin ngayon ang tinatawag na glutathione drip, na ating tatalakayin sa article na ito.
Ano ang Gluta Drip?
Ang gluta drip naman ay isang treatment para sa balat kung saan ay itinuturok sa isang tao ng direkta ang glutathione. Kaiba ito sa karaniwang paraan ng pag-inom ng glutathione gamit ang mga capsules o tableta; sa halip ay dinederetso ito sa katawan sa pamamagitan ng intravenous o IV drip. Ang IV drip ay isang paraan ng pagbigay ng gamot na gumagamit ng catheter na direktang nakakabit sa ugat. Karaniwan itong ginagamit sa pagbibigay ng dextrose at iba pang gamot na kinakailangang i-deretso sa bloodstream.
Ayon naman sa mga sumasailalim at nagsasagawa ng ganitong treatment, mas mabisa at mabilis raw umepekto ang glutathione drip kumpara sa ibang paraan ng pag-inom nito. Ayon sa kanila, mas nakararating ang glutathione sa mga cells na nangangailangan nito dahil direktang napupunta ito sa bloodstream. Dagdag pa nila, nakakatulong ito upang palakasin ang immune system, pasiglahin ang katawan, pang-detoxify, pagandahin, paputiin at pantayin ang complexion ng balat.
Effective ba ang treatment na ito?
Bagama’t popular ang glutathione drip, sa kasalukuyan ay walang pag-aaral na sinusuportahan ang mga nasabing benefits nito sa balat.
Ayon sa isang pag-aaral, mayroong epekto ang pag-inom ng glutathione capsules pagdating sa pagpapaputi ng balat. Pero hindi raw tumatagal ang epekto nito, at ilang bahagi lang ng katawan ang naaapektuhan. Bukod dito, nakatulong rin ang glutathione para maging mas elastic at makinis ang balat, pero hindi ito nararanasan ng lahat ng umiinom nito.
Mayroon ring mga pag-aaral na naging contradictory ang resulta. Ibig sabihin, walang nakitang makabuluhang benepisyo ang mga researcher pagdating sa pag-inom ng glutathione.
Ito ang dahilan kaya’t hindi inirerekomenda ng mga doktor ang glutathione pagdating sa pagpapaputi o kaya pagpapakinis ng balat. Masyado pa ring mahina ang ebidensya na sinusuportahan ang mga nasabing epekto nito.
Safe ba ang Gluta Drip?
Karamihan ng mga pag-aaral sa epekto ng glutathione ay ginawa sa mga capsules nito. Dito ay napag-alamang ligtas naman at walang matinding side effects ang glutathione kapag iniinom sa ganitong paraan.
Sa usapin naman kung ligtas o hindi ang gluta drip ay sadyang limitado pa lamang ang mga pag-aaral na isinagawa tungkol dito. Base naman sa resulta ng mga studies na ito, ligtas ang paggamit ng gluta drip. Ngunit mahalaga ring malaman na hindi long-term o pangmatagalan na paggamit ng gluta drip ang pinag-aral dito. Ibig sabihin, kinakailangan pa ng karagdagang pagsasaliksik upang masiguradong ligtas ang paggamit ng glutathione drip.
Ang isa pang dapat malaman ay hindi suportado ng Department of Health o DOH ang ganitong treatment. Ayon sa advisory na inilabas nila noong 2019, wala pang kahit anong clinical trials na isinagawa ukol sa glutathione drip. Bukod dito, wala ring mga guidelines o pamantayan pagdating sa tamang dosage at dalas ng ganitong treatment. Dagdag pa nila, mayroong kaakibat na panganib sa liver, kidneys, nervous system, at long-term cancer ang paggamit ng glutathione sa ganitong paraan.
Sa kasalukuyan, ang ganitong paraan ng pag-inom ng glutathione ay aprubado ng DOH para lamang sa cisplatin chemotherapy. Hindi nila ito aprubado pagdating sa skin whitening o pagpapaputi sa balat.
Karagdagang Kaalaman
Ito ay dahil kung pagbabatayan natin ang mga pag-aaral na isinagawa tungkol dito, hindi nito sinusuportahan ang sinasabing mga benepisyo ng ganitong klaseng treatment. Posible pa itong makasama sa kalusugan lalong-lalo na at walang regulation ang DOH ukol dito at tinututulan pa nga nila ang glutathione na treatment.
Mahalagang magpakonsulta muna sa doktor bago sumailalim sa kahit anong makabagong procedure. Bukod dito, mahalaga ring magsaliksik ng mabuti upang malaman kung ligtas at makatotohanan ang mga benepisyong pinapangako ng ganitong mga treatment.