backup og meta

Paano Kumapal Ang Buhok Gamit Ang Natural Na Paraan?

Paano Kumapal Ang Buhok Gamit Ang Natural Na Paraan?

Sa kasalukuyan, parami nang parami ang mga lalaki na mas iniisip ang kanilang hitsura. Gusto ng mga lalaki na maging guwapo at maging maganda ang pakiramdam. Kaya’t ang mga isyu tulad ng pagkalagas ng buhok ay maaaring maging mahirap sa kanilang harapin. Yan ang dahilan kaya ang iba ay naghahanap ng mga treatment o operasyon kung paano kumapal ang buhok. Ang iba ay mas gusto ang natural na paraan para maiwasan ang pagkawala ng buhok sa mga lalaki.

Ngunit anuman ang paraan ng tritment na ginagamit mo, ang pagkawala ng buhok ay pagkawala ng buhok. Para maunawaan kung paano maiwasan ito, kailangan nating malaman muna kung ano ang sanhi nito.

Ano Ang Hair Loss o Pagkawala Ng Buhok?

Ang pagkawala ng buhok, na kilala rin sa medikal bilang alopecia, ay isang kondisyon na nakasasagabal sa natural na pagtubo ng buhok sa katawan. Maaaring mangyari ang alopecia kahit saang bahagi na tumutubo ang buhok sa katawan, ngunit ito ay pinakakaraniwan sa anit.

Ang pagkawala ng buhok ay unti-unting nangyayari, na siyang dahilan kung bakit ang mga matatanda, partikular na ang mga lalaki, ay may posibilidad na maging manipis ang buhok. Gayunpaman, ang pagkawala ng buhok ay maaari ring mangyari sa mga kabataang lalaki, lalo na kung mayroon silang kondisyon sa kalusugan na humahantong sa alopecia.

Ano Ang Nagiging Dahilan Ng Pagkawala Ng Buhok?

Ang pagkawala ng buhok ay maaaring sanhi ng maraming bagay. Sa mga lalaki, ang pinakakaraniwang uri ay kilala bilang male pattern hair loss. Ito’y sanhi ng kumbinasyon ng genetics, at growth hormones na responsable para sa development sa panahon ng puberty.

Male pattern hair loss ay maaaring magsimula sa anumang oras pagkatapos ng puberty at dahan-dahang madedebelop sa paglipas ng mga taon. Karaniwan itong nagsisimula sa temples, at unti-unting gumagapang sa mga gilid at pagkatapos ay sa tuktok ng ulo. Sa kalaunan, ito’y maaaring maging sanhi ng pagkakalbo ng isang lalaki.

Ang isa pang dahilan ng pagkawala ng buhok ay tinatawag na alopecia areata. Ito’y isang kondisyon kung saan inaatake mismo ng immune system ang mga follicle ng buhok na nagiging sanhi ng pagkawala ng buhok. Ito’y maaaring mangyari nang biglaan, at kahit na ang mga bata ay maaaring magdusa mula sa kondisyong ito.

Ang tinea capitis, na kilala rin bilang scalp ringworm, ay isa pang dahilan ng pagkawala ng buhok. Ito’y fungal infection sa anit na maaaring magdulot ng pagkalagas ng buhok, at pinakakaraniwan ito sa mga bata. Gayunpaman, ang may mga sapat na gulang ay maaari ring makapagdebelop ng kondisyong ito.

Ito ang mga mas karaniwang uri ng pagkawala ng buhok.

Para sa karamihan, ang pagkawala ng buhok ay hindi senyales ng isang seryosong kondisyong medikal. Gayunpaman, maaari itong maging dahilan ng pagkawala ng kumpiyansa ng mga lalaki, at maging mas balisa, at maaari rin makaapekto sa kanilang mga personal na relasyon. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang malaman kung ano ang maaari mong gawin laban sa pagkawala ng buhok. Sa partikular, ang mga natural na paraan para maiwasan ang pagkawala ng buhok, at paano kumapal ang buhok sa mga lalaki ay maaaring maging isang magandang simula bago humingi ng propesyonal na tulong.

Mga Natural Na Paraan Para Maiwasan Ang Pagkawala Ng Buhok Sa Mga Lalaki

Narito ang ilang mabisa at natural na paraan para maiwasan ang pagkalagas ng buhok sa mga lalaki. Mahalagang tandaan na ang mga tip na ito ay maaaring hindi palaging epektibo sa ganap na pagtanggal ng hair loss. Gayunpaman, ang mga tip na ito ay isang magandang paraan para makatulong kung paano kumapal ang buhok, mapanatiling malusog ang buhok at anit at mabawasan ang mga epekto ng hair loss.

1. Gumamit ng gentle shampoo

Ang ilang mga shampoo ay maaaring maging matapang sa’yong buhok at i-strip away ang moisture na tumutulong na protektahan ang iyong buhok at anit. Pinakamainam na gumamit ng mas gentle shampoo na maaaring maglinis nang hindi nag-aalis ng labis na oil at moisture. Ang ilang mga tao’y gumagamit pa nga ng baby shampoo dahil ito ay mild at nakakapaglinis nang hindi napinsala ang iyong buhok.

Magiging magandang ideya din na gumamit ng moisturizing conditioner pagkatapos mag-shampoo para makatulong na panatilihing buo ang moisture sa’yong buhok at anit. Siguraduhing huwag gumamit ng masyadong maraming shampoo at conditioner, at banlawan ito ng mabuti pagkatapos.

2. Panatilihing malinis ang iyong anit

Ang iyong anit ay maaaring madaling kapitan ng fungal infections na nag-aambag sa pagkawala ng buhok. Para malabanan ito, kailangan mong siguraduhin na ang iyong anit ay laging malinis at walang dumi at grime. Kung madalas kang pawisan ng husto, maaari mong hugasan ang iyong buhok dalawang beses sa isang araw para matiyak na laging malinis ang iyong anit.

Kung na-shampoo mo na ang iyong buhok nang isang beses, hindi na kailangang mag-shampoo muli. Siguraduhing kuskusin nang maigi ang iyong anit.

3. Iwasang ma-stress

Ang pagiging sobrang stress ay maaaring magkaroon ng ilang negatibong epekto sa’yong katawan, kabilang ang pagkawala ng buhok. Subukang maiwasan ang sobrang stress, at magpahinga nang madalas. Magandang ideya din na magkaroon ng isang libangan na makatutulong sa’yo na ma-destress at makapagpahinga.

4. Iwasan ang harsh hair treatment

Ang ilang hair treatment na gumagamit ng kemikal ay maaaring magpaganda ng iyong buhok. Ngunit maaari itong magdulot ng pangmatagalang pinsala sa iyong buhok at anit. Pinakamainam na iwasan ang mga paraan ng tritment na ito para masigurado na hindi ka nagdudulot ng anumang sobrang stress sa’yong buhok.

Kung gusto mong paghaluin ang mga bagay-bagay, maaari mong subukan ang iba’t ibang mga hairstyle sa halip at tingnan kung ano ang pinakaangkop sa’yong uri ng buhok.

5. I-brush ang iyong buhok nang marahan

Ang pagsuklay ng iyong buhok ay mahalaga, ngunit hindi magandang ideya na maging masyadong marahas. Siguraduhing gawin ito ng malumanay, at huwag hilahin ng masyadong malakas lalo na kung mahaba ang iyong buhok.

Magandang ideya din na gumamit ng malambot na brush sa halip na suklay kapag nag-iistayl ng iyong buhok. Ito ay dahil hindi ito gaanong nakapipinsala sa’yong buhok at anit.

6. Tumigil sa paninigarilyo

Isa sa maraming negatibong epekto na maaaring maidulot ng paninigarilyo sa’yong katawan ay ang pagkalagas ng buhok. Ang paninigarilyo ay nagdudulot ng pamamaga, na maaaring makapinsala sa’yong buhok at anit, na nagiging dahilan ng iyong pagkawala ng buhok nang mas mabilis. Kung ikaw ay isang smoker, magandang ideya na huminto sa lalong madaling panahon. Sa pagtigil mo sa paninigarilyo hindi lamang ang buhok mo ang makikinabang, maging ang iyong pangkalahatang kalusugan ay gaganda rin.

7. Kumain ng mas malusog na pagkain

Ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa bitamina at mineral ay maaaring makapagpabuti ng kalusugan sa’yong buhok. Siguraduhing kumain ng mas kaunting naprosesong pagkain, sugar, at red meat, at sa halip ay pumili ng mga sariwang prutas, gulay, at isda.

Ang mga tip na ito sana ay makatulong na maiwasan ang pagkalagas ng iyong buhok. Gayunpaman, kailangan mong malaman na kung minsan, wala ka talagang magagawa tungkol sa pagkawala ng buhok.

Sa pagtatapos ng araw, ito’y kumbinasyon pa rin ng genetika at iba’t ibang health factors, at ang ilang mga lalaki ay talagang may posibilidad na mawala ang kanilang buhok habang sila ay tumatanda.

Matuto pa tungkol sa Pangangalaga ng Buhok dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Types of Hair Loss | NYU Langone Health, https://nyulangone.org/conditions/hair-loss/types, Accessed June 30 2020

Hair Loss and Male Pattern Baldness (Androgenic Alopecia) | Young Men’s Health, https://youngmenshealthsite.org/guides/hair-loss/, Accessed June 30 2020

Hair loss: Tips for managing, https://www.aad.org/public/diseases/hair-loss/treatment/tips, Accessed June 30 2020

Hair Loss – Harvard Health, https://www.health.harvard.edu/a_to_z/hair-loss-a-to-z, Accessed June 30 2020

What to do about thinning hair – Harvard Health, https://www.health.harvard.edu/womens-health/what-to-do-about-thinning-hair, Accessed June 30 2020

Kasalukuyang Version

01/25/2023

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Anu-ano ang Benepisyo ng Collagen sa ating Kalusugan?

Paano Maiwasan Ang Paglagas Ng Buhok? Narito Ang 9 Tips Na Maaari Mong Subukan!


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement