Paano mapabagal ang skin aging sa kabila ng kaliwat kanang mga pagsubok sa buhay? Sa loob ng maraming siglo ay nag-aalala ang tao tungkol sa pagtanda. Halos lahat ay naghahanap ng “fountain of youth” o mga paraan upang mapabagal ang pagtanda. Hindi maaaring ganap na baliktarin ang pagtanda dahil to ay isang normal na bahagi ng buhay. Gayunpaman, maaari mong pabagalin ang epekto nito, lalo na sa balat.
Kung ikaw ay nasa iyong 20s o 30s, ito ang panahon upang maiwasan ang mga palatandaan ng pagtanda. Ang ginagawa mo para sa iyong balat o laban sa iyong balat ay magkakaroon ng mga epekto habang ikaw ay tumatanda. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga salik na nakokontrol at maiiwasan ay nagdudulot ng maagang pagtanda. Ito ay tinatawag na extrinsic aging. Karamihan sa mga palatandaan ng maagang pagtanda ay lumalabas sa iyong balat.
Mga paraan kung paano mapabagal ang skin aging
Bawasan ang pagbabad sa araw
Bagama’t genetics ang pangunahing tumutukoy ng istraktura at texture ng balat, ang pagkakalantad sa araw ay isang pangunahing sanhi ng mga wrinkles. Nagdudulot ng maraming problema sa balat ang pagkakalantad sa araw. Photoaging ang responsable sa 90 porsyento ng mga nakikitang pagbabago sa iyong balat. Sinisira ng ultraviolet light ang mga selula ng balat na nag-aambag sa mga palatandaan ng premature aging tulad ng age spots. Nagdaragdag din ito ng panganib ng kanser sa balat.
Ang sikat ng araw na pangunahing pinagmumulan ng UV radiation ay karaniwang pinakamalakas sa pagitan ng 10 a.m. at 4 p.m. Bagama’t mayroon itong ilang benepisyo para sa mga tao tulad ng Vitamin D, maaari rin itong magdulot ng mga panganib sa kalusugan. Ang pag-iwas dito ay isang paraan kung paano mapabagal ang skin aging.
May tatlong uri ng UV rays:
- UVA – Ang mga sinag ng UVA ay ang pinakamahina ngunit nagiging sanhi ito ng mas mabilis na pagtanda ng mga selula ng balat.
- UVB – Medyo mas malakas ang UVB rays at maaaring magdulot ng sunburn at kanser sa balat.
- UVC – Ang mga sinag ng UVC mula sa araw ay tumutugon sa ozone at hindi umabot sa lupa.
Gumamit ng sunscreen
Magsuot ng sunscreen araw-araw, umulan man o umaraw. Inirerekomenda ng American Academy of Dermatology ang pagsusuot ng sunscreen na may SPF 30 at may nakasulat na “broad-spectrum” sa label. Ibig sabihin, nagbibigay proteksyon ito laban sa UVA at UVB rays ng araw na nagpapatanda ng balat. Upang makakuha ng UVA proteksyon hanapin ang sunscreen na may sangkap na:
- Avobenzone
- Mexoryl
- Zinc oxide
- Titanium dioxide
Ang pagkalantad sa araw ng walang proteksyon ay maaaring magdulot ng dark spots, hindi pantay na kulay ng balat at mga kulubot. Maglagay ng sunscreen bago lumantad sa araw at ulitin ang paglalagay nito pagkatapos ng ilang oras ayon sa uri ng sunscreen.
Paano mapabagal ang skin aging: Umiwas sa sigarilyo
Ang maagang pagkakalantad sa usok ng tabako, firsthand o secondhand man, ay maaaring magpabilis ng pagtanda ng iyong katawan. Binabago ng mga lason sa nikotina ang mga selula sa iyong katawan. Sinisira ng mga lason na ito ang collagen at elastic fibers sa iyong balat, na humahantong sa lawlaw at kulubot na balat at payat na mukha. Pinapabilis ng sigarilyo ang pagkasira ng collagen at pinipigilan ang mga daluyan ng dugo upang madala ang oxygen at nutrients sa iyong balat. Ang mga naninigarilyo ay mas malamang na magkaroon ng kulubot na balat ng mas maaga. Sa paglipas ng panahon, ang kanilang mga kuko at dulo ng daliri ay magiging dilaw.
Paano mapabagal ang skin aging: Umiwas sa stress
Ayon sa mga mananaliksik, ang anumang uri ng stress ay maaaring magpabilis ng proseso ng pagtanda ng immune system habang tumatanda. Kapag nai-stress ka, ang iyong utak ay nagbobomba ng stress hormone na cortisol na humaharang sa hyaluronan synthase at collagen. Ito ay mga sangkap na nagpapanatili sa ng mataba at magandang balat. Ang talamak na stress ay nauugnay sa mabilis na pagtanda at pagtaas ng insulin resistance. Nagdudulot ito ng mga pagbabago sa mga protina sa iyong balat at binabawasan ang pagkalastiko nito.
Maaaring itong mag-ambag sa pagbuo ng kulubot. Ang stress ay maaari ring humantong sa paulit-ulit na pagkunot ng iyong noo na maaari ring mag-ambag sa pagbuo ng mga wrinkles. Maaari nitong patandain ang iyong mukha ng mas mabilis kaysa sa paglipas ng panahon. Ang stress ay maaaring magpatanda sa iyo ng tatlo hanggang anim na taon o higit pa. Nakakaapekto sa iyong kagandahan. At kapag hindi ka masaya sa iyong hitsura, hindi ka masaya sa pangkalahatan at hindi mo makakayanan ang stress.