Paano magkaroon ng healthy na buhok sa gitna ng abalang buhay? Habang sinusubukan mong panatilihing malusog ang iyong sarili mula ulo hanggang paa, maaaring nakakalimutan mo ang iyong buhok. Ang buhok ay itinuturing ng marami na crowning glory dahil ito ay isa sa mga unang bagay na nakikita ng mga tao. Nakapagbibigay kumpiyansa ang magandang buhok. Maaaring mapalakas din ng malusog na buhok ang pagpapahalaga sa sarili. Maliban dyan ay may papel din ito sa iba pang aspeto ng mabuting kalusugan
Ayon sa New-York board-certified dermatologist na si Dr. Debra Wattenberg, nagbibigay proteksyon ang buhok sa lamig. Nagbibigay din ito ng insulation at cushioning laban sa trauma. Ang iyong buhok ay maaaring magsalamin kung ano ang nangyayari sa iyong pangkalahatang kalusugan. Halimbawa, ang biglaang pagkawala ng buhok ay maaaring magpahiwatig na nakakaranas ka ng labis na stress o maaaring mayroon kang autoimmune disorder.
Top 5 Tips Kung Paano Magkaroon Ng Healthy Na Buhok
Hindi nakabubuti ang overprocessing para sa buhok anuman ang kulay, texture, at genetics nito. Nangyayari ang overprocessing kapag gumamit ka ng bleach sa iyong buhok. Maaari din mangyari ito sa hindi wastong paggamit ng mga pangkulay ng buhok o relaxer. Ang sobrang pagproseso ay humahantong sa pagkasira ng mga disulfide bond at sa huli ay pagkasira ng buhok. Disulfide bond ang tawag sa mga chemical bonds na nagpapanatili sa mga protina ng iyong buhok at nagbibigay lakas dito.
Natagpuan ng isang pag-aaral na ang bleaching o labis na pagkulay ng iyong buhok ay maaaring makapinsala sa cuticle layer. Maaaring maging sanhi ito ng pagkawala ng lipid. SInabi ng karamihan sa mga eksperto na laktawan ang bleaching at pahabain ang oras sa pagitan ng pagkulay ng buhok.
Iwasan ang regular na hair drying
Isang paraan kung paano magkaroon ng healthy na buhok ang pag-iwas sa blow dryer, curling iron at flat iron. Maaaring masunog ang iyong buhok at anit kapag regular mo itong ginagamit. Mauuwi ito sa pagkasira at pagkalagas ng iyong buhok.
Nalaman ng mga mananaliksik na mas nasisira ang ibabaw ng buhok habang tumataas ang temperatura ng hair dryer. Kung gagamit ka ng hair dryer, mas mabuting gamitin ito sa pinakamababang temperatura. Ilayo ang blow dryer ng mga 15 sentimetro sa buhok upang maiwasan ang pinsala hangga’t maaari. Gayundin, ilipat ang device na may tuluy-tuloy na paggalaw, sa halip na manatili sa isang lugar sa mahabang panahon.
Gumamit ng sun protection
Ang pag gamit ng sun protection ay isang paraan kung paano magkaroon ng healthy na buhok. Karamihan ay nag-aalala sa epekto ng araw sa mukha at katawan. Ngunit naiisip mo ba ang iyong anit at buhok? Ang buhok na kinulayan ay maaaring magbago ng mga kulay kapag nalantad sa init ng araw. Ngunit ang iyong anit ay maaaring masunog. Hinaharangan ng buhok ang ilang ultraviolet rays na maaaring magdulot ng cancer. Subalit hindi ito makakatulong na protektahan ka kung mayroon kang mga bald spots. Ang solusyon? Magsuot ng sombrero o gumamit ng SPF sunscreen na idinisenyo para sa anit.
Pagkonsumo ng pagkain para sa malusog na buhok
May mga pagkaing nakakatulong kung paano magkaroon ng healthy na buhok. Tulad ng spinach at kale para sa brittle o marupok na buhok. Mayroon itong Vitamin A at C, iron, beta carotene at folate. Ito ay nagbibigay ng malusog na anit at buhok. Nagbibigay ng moisture sa buhok upang hindi ito maging marupok. Ang Greek yogurt ay may Vitamin B5 o pantothenic acid na tumutulong sa pagdaloy ng dugo sa anit at buhok. Nakakatulong din ito laban sa hair loss at pagnipis ng buhok. Ang sweet potato naman ay may beta carotene na nakakatulong sa tuyo at walang buhay na buhok.
Regular na haircuts isang paraan kung paano magkaroon ng healthy na buhok
May dahilan kung bakit pinapabalik ka ng iyong hair stylist upang magpagupit uli. Hindi lang ito para panatilihin kang regular na kliyente. Nakakatulong ang regular na gupit upang maiwasan ang pinsala mula sa mga dulo pataas. Ang split ends ay umaakyat at nagiging dahilan ng paghina ng buhok. Maaaring tanggalin nito ang moisture sa buhok. Inirerekomenda ng mga eksperto ang pagpapagupit isang beses tuwing anim hanggang walong linggo.
Kung mayroon kang concern sa iyong buhok, huwag mag-hesitate na kumunsulta sa iyong doktor.