Ang ma maling paniniwala sa skin whitening ay nakaugat na sa pag-iisip ng karamihan. Marahil ito ang dahilan kung bakit maraming tao ang nagnanais na maging mas matingkad at maputi ang kanilang balat. Para sa karamihan, mas maputi, mas maganda. Gayunpaman, ang mga maling paniniwala na ito ay maaaring magdulot ng panganib sa emosyonal at pisikal na kalusugan.
Ang kulay ng balat ay depende sa dami ng melanin sa balat. Ito ay isang pigment na galing sa mga espesyal na melanocytes cells. Mas maraming melanin ang mga taong may maitim na balat. Ang antas ng melanin sa iyong balat ay nakasalalay sa mga sumusunod:
- Genetics
- Pagkalantad ng balat sa sikat ng araw
- Hormones
- Pinsala sa balat
- Pagkalantad sa mga kemikal
Global Demand Sa Kabila Ng Maling Paniniwala Sa Skin Whitening
Patuloy na tumataas ang pangangailangan sa mga pampaputi ng balat sa buong mundo. Inaasahang tataas ang halaga nito galing sa $17.9 bilyon noong 2017 hanggang sa $31.2 bilyon pagsapit ng 2024. Ayon sa Global Industry Analysts na isang market intelligence na kumpanya, mas tumataas ang halaga ng pangangailangan dito sa Africa, Middle East at sa Asya.
Iniulat ng World Health Organization na karaniwan na ang paggamit ng pampaputi ng balat sa iba’t-ibang bansa. Ang nakagawiang paggamit nito sa Mali ay may antas na 25%, sa Nigeria na may antas na 77%, at sa South Korea, Pilipinas, Malaysia at Tsina na may antas na 40%.
Pangangailangan Ng Asia-Pacific Sa Pampaputi Ng Balat
Ang Asia-Pacific market ang mas kumikitang rehiyon pagdating sa mga produktong pampaputi ng balat. Ang pangangailangan nito na may halagang $7.5 bilyon ay higit pa sa kalahati ng pangangailangan ng pandaigdigang merkado sa halagang $13.3 billion. Dahil man sa maling paniniwala sa skin whitening o hindi, mataas ang bentahan ng mga produktong pampaputi sa mga bansang kilala na may matitingkad na balat tulad ng Korea, Japan, at Tsina.
Ligtas Sa Pangkalahatan
Ang karaniwang kaalaman ay ligtas ang mga produktong pampaputi ng balat. Kung kaya naglalagay ang mga tao nito sa buong katawan upang baguhin ang kanilang kutis. Lingid sa kanilang kaalaman, maaari itong maging lubhang mapanganib sa kanilang kalusugan. Isa sa mga aktibong sangkap sa ilang pampaputi ng balat ay mercury, isang nakakalasong kemikal na maaaring magdulot ng mercury poisoning.
Ang mercury ay maaaring magdulot ng mga problemang neurological at psychiatric. Maaari din itong magdulot ng problema sa bato o kidney. Ang mga buntis na gumagamit ng pampaputi ng balat na may mercury ay maaaring magpasa ng mercury sa kanilang hindi pa isinisilang na sanggol.
Bagamat ang paggamit ng mercury bilang isang ingredient na pampaputi ng balat ay ipinagbabawal sa Amerika, may ilang produkto na ginawa sa labas ng bansang ito na maaari pa ring maglaman ng mercury.
Maling Paniniwala Sa Skin Whitening Isang Malaking Negosyo
Maaaring sisihin ang mga maling paniniwala ng karamihan tungkol sa mga produktong pampaputi kung kaya ang industriyang ito ang naging isang malaking negosyo. Sa pagsapit ng 2027, inaasahang aabot ng higit pa sa $24 bilyon ang industriya ng pampaputi ng balat. Gayunpaman, ito ay isang negosyong puno ng mga potensyal na panganib.
Karamihan sa mga tao ay nagpapaputi ng balat sa paniwala na tatagal ang epekto nito. Subalit, ang balat ay buhay at nagbabagong organ kung kaya imposible na may produkto na kayang magpaputi rito ng permanente. Kapag itinigil mo ang paggamit ng mga pampaputi, babalik rin sa natural na kulay ang iyong balat.
Maling Paniniwala Sa Skin Whitening Dapat Itama
Naniniwala ang karamihan na may kaugnayan ang kulay ng balat sa pagiging maganda, kakayahang mag-asawa, oportunidad sa trabaho at katayuan sa komunidad. Dahil dito, maraming babae ang nagnanais gumamit ng mga kemikal upang pumuti ang kanilang balat. Ito ay walang katotohanan at pawang haka-haka lamang. Kumunsulta sa iyong doktor bago gumamit ng kahit na anong pampaputi ng balat.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Balat dito.