Ang prickly heat o miliaria ay isang uri ng pantal na nabubuo kapag nakukulong ang pawis sa ilalim ng balat. Sa Pilipinas, tinatawag itong bungang araw. Mayroon bang mabisang bungang araw remedy o gamot?
Mga Sanhi Ng Bungang Araw
Kadalasan, ang pawis ay dumaraan sa mga maliliit na sweat ducts (daluyan) papunta sa ibabaw ng balat. Batay sa mga eksperto, maaaring kumipot o magbara ang mga daluyan kapag nagpawis ka nang sobra. Kapag nangyari ito, nananatili ang pawis sa ilalim ng balat na nagdudulot ng paglitaw ng makakating pulang umbok.
Nakatala sa ibaba ang mga sanhi ng sobrang pagpapawis at bungang araw:
- Mainit at maalinsangaw panahon
- Maraming ginagawang physical activity
- Mainit o masikip na damit
- Kondisyong pangkalusugan na may kasamang lagnat
- Paglalagay ng mga benda (bandages)
- Kondisyong medikal na nagdudulot ng pagpapawis gaya ng hyperhidrosis
- Mga pamahid at iba pang skincare products na nakababara sa daluyan ng pawis
Mga Senyales At Sintomas
Kapag may bungang araw, makararanas ka ng mga sumusunod na senyales at sintomas:
- Maliliit na kalimbahin (pink) o pulang umbok
- May nahihipong matalas at makati na nasa balat
- Mga pantal ng maliliit na water blisters
Ang bungang araw ay maaaring lumitaw saan man sa katawan, ngunit karaniwan itong nakikita kung saan tayo madalas pinagpapawisan gaya ng kilikili, ilalim suso, dibdib, likod, tuhod, at bewang. Sa mga sanggol, madalas ang bungang araw sa paligid ng puwet (nappy area), singit-singit ng balat, at mukha.
Kailan Kailangang Magpunta Sa Doktor?
Hindi kadalasang nagpupunta sa doktor ang mga tao upang magpagamot ng bungang araw dahil may mga home remedies namang puwedeng gawin. Gayunpaman, kung makaranas ng sobrang pangangati, kumonsulta na sa doktor para sa tamang gamutan.
Dagdag pa, humingi ng tulong medikal kung mapansin ang mga sumusunod na sintomas:
- Nana sa loob ng paltos
- May namamagang kulani
- May sakit ka o masama ang pakiramdam mo
- Tumatagal ng higit tatlong araw ang mga pantal kahit nasubukan na ang home remedies
- Mas pumupula, namamaga, at umiinit ang mga pantal sa balat
- Nilalagnat ka
Bungang Araw Remedy At Iba Pang Paggamot
Ang pinakamabisang paraan upang mawala ang bungang araw ay sa pamamagitan ng pag-iwas na mapawisan. Kasama sa mga bungang araw home remedy ang:
1. Panatilihing Presko Ang Balat
Upang maging presko ang pakiramdam ng balat, puwede kang:
- Magsuot ng maluwag na damit
- Uminom ng maraming tubig
- Gumamit ng maninipis na sapin sa higaan
- Maligo ng malamig na tubig (walang halong pinakuluang tubig)
- Maglagi sa mga air-conditioned na lugar, o sa silid na may sapat na bentilasyon
2. Pagpapahupa Ng Kati Ng Bungang Araw
Upang humupa ang kati nito, kailangan mong:
- Balutin ang cold compress ng tuwalya at ilagay ito sa balat sa loob ng hindi hihigit sa 20 minuto.
- Maglagay ng malamig at basang tuwalya sa ibabaw ng balat na may bungang araw sa loob ng 5 hanggang 10 minuto (hayaang matuyo sa hangin ang balat pagkatapos)
- Hangga’t maaari, huwag kamutin.
- Iwasan ang paggamit ng matatapang na pamahid sa balat.
3. Ipinampapahid Na Mga Produkto
Kung nagdudulot ng sobrang iritasyon ang iyong bungang araw, maaari kang magtanong sa iyong doktor tungkol sa mga produktong nakababawas ng pangangati at pamumula nito. Ilan sa mga produktong puwede nilang irekomenda ay ang mga:
- Calamine lotion
- Antihistamine medications
- Low-strength hydrocortisone cream
- Pulbos para sa bungang araw
Komplikasyon at Paraan ng Pag-iwas
Mga Komplikasyon
Bagaman bibihira, ang mga barado at kumipot na daluyan ng pawis ay maaaring makasira ng sweat glands. Puwedeng huminto ang sweat glands sa trabaho nito na mauuwi sa kondisyon kung saan hindi ka na pinagpapawisan (anhidrosis).
Paraan Ng Pag-iwas
Upang maprotektahan ang sarili sa bungang araw, iwasang pagpawisan at panatiling tuyo ang katawan.
- Magsuot ng maluwag at cotton na damit at hayaang makahinga ang balat mo. Kapag mainit ang panahon, iwasan ang mabibigat, makakapal, at masisikip na damit. Magsuot ng damit na gawa sa cotton ang tela dahil magaan ito at nakatutulong upang makahinga ang balat.
- Limitahan ang pagkakabilad sa araw. Manatili sa loob ng bahay, lalo na kapag mainit. Kung nasa labas ka, manatili sa lilim at gumamit ng pamaypay upang mabawasan ang pagpapawis.
- Matulog sa preskong lugar. Kung naranasan mo nang magising dahil sa sobrang init, maaaring walang sapat na bentilasyon ang iyong tulugan. Maaaring lakasan ang iyong fan at gumamit ng mas magaan na kobre-kama.
- Maligo nang madalas. Maaaring kailanganin mo ang paliligo ng higit sa isang beses sa isang araw, lalo na tuwing tag-init. Gayunpaman, iwasan ang sobrang paliligo dahil maaaring matanggal naman nito ang protective moisture na kailangan ng iyong balat.
Walang rules na nagsasabing matindi o matagal na paliligo ang kailangan. Kung mapansin mong natutuyo o nagbibitak-bitak na ang iyong balat, hindi ipinapayo sa iyo ang madalas na paliligo.
Key Takeaways
Nagkakaroon ng bungang araw dahil sa barado o kumipot na daluyan ng pawis sa balat. Bagaman nakapagdudulot ng pangangati at discomfort, maaari naman itong mawala sa loob ng ilang araw. Kabilang sa home remedies para sa bungang araw ang pagpapanatiling presko ng balat.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng balat dito.