backup og meta

Anu-ano Ang Benepisyo Ng Pagtigil Sa Paninigarilyo?

Pinag-iisipan mo bang tumigil sa paninigarilyo o nasa yugto ka ba ng pagpaplano na itigil ito? Dapat na malaman mong tama ang ginagawa mong desisyon. Sa sandaling ginawa mo ang pagtigil sa paninigarilyo, agad mo nang nagawa ang pinakamabuting desisyon para sa iyong katawan. Narito ang mga dapat mong asahan kung sisimulan ang pagtigil sa paninigarilyo at alamin ang timeline ng benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo.

Anu-ano Ang Benepisyo Ng Pagtigil Sa Paninigarilyo?

Statistics sa Pilipinas

Mahalagang malaman na ang paninigarilyo ay ang nangungunang sanhi ng preventable death sa Pilipinas. Batay sa statistics mula sa Kagawaran ng Kalusugan, nasa 200 Pilipino ang namamatay kada araw dahil sa mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo.

Batay naman sa mga pag-aaral, nasa mahigit 17 milyong Pilipino ang naninigarilyo, dahilan upang ang Pilipinas ay maging ika-15 sa pinakamalaking konsumer ng mga produkto ng tabako sa mundo.

Mga Negatibong Epekto ng Paninigarilyo sa Kalusugan

Sa tuwing ikaw ay naninigarilyo, ang mga lasong laman ng tar ng sigarilyo ay humahalo sa dugong dumadaloy sa iyong katawan. Napabibilis nito ang tibok ng iyong puso na dahilan upang mas mahirapan ang iyong puso na gumana kaysa sa normal. Napakikipot nito ang iyong mga ugat kaya nalilimitahan ang dami ng dugong dumadaloy sa iyong buong katawan.

Ang paninigarilyo ay nakapagpapataas din ng tyansa ng pagkakaroon ng stroke kumpara sa mga taong hindi naninigarilyo. Ang totoo ay napatataas nito ng halos 50% ang tyansa ng pagkakaroon ng stroke. Matapos nito ay lubhang maaapektuhan ng usok na iyong nalalanghap ang iyong baga. Sa katunayan, ang paninigarilyo ay sanhi ng mahigit 80% ng pagkamatay mula sa kanser sa baga. Subalit ang mabilis na pagtingin sa mga benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo ay makapagsasabi sa iyong karamihan sa masasamang epekto ng paninigarilyo ay nababago o nababawasan sa pagdaan ng panahon.

Adiksyon sa Paninigarilyo

Bagama’t lubhang napatunayan na ang mga epekto ng paninigarilyo, ang mga taong nakasanayan na ito ay nahihirapang tumigil. Ito ay dahil sa ang paninigarilyo ay isang labis na nakaaadik na gawain. Sanhi ito ng nicotine na taglay ng tabako.

Ang nicotine ay isang kemikal na lubhang nakaaadik. Ito ay makikita sa mga sigarilyo at tabako. Ito ang dahilan kung bakit mahirap itigil ang paninigarilyo. Ayon sa mga eksperto, ang pag-iwas sa nicotine ay kasinghirap ng pag-iwas sa heroin. Kung titingnan ang impormasyong iyon, mapagtatanto mo kung gaano kadelikado ang paninigarilyo.

Bagama’t hindi ito rewarding kumpara sa ibang droga, ang nicotine ay nagbibigay ng kakaibang epekto. Ito ay parehong stimulant at sedative. Sa unang pagkakataong makatanggap ang katawan ng nicotine, nagbibigay ito ng kakaibang pakiramdam. Sa pamamagitan din ng nicotine, ang utak ay naglalabas ng dopamine na nagbibigay ng kasiya-siyang pakiramdam sa tuwing naninigarilyo.

Timeline ng Benepisyo ng Pagtigil sa Paninigarilyo

Ngayong alam mo na ang ilan sa mga epekto ng paninigarilyo sa katawan, mahalagang malaman kung paano makatutulong sa iyo ang pagtigil sa paninigarilyo. Ang dapat mong mapagtanto ay sa sandaling tumigil ka sa paninigarilyo, magkakaroon na agad ito ng benepisyo sa iyong kalusugan. Alamin ang timeline ng benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo.

Makalipas ang 20 minuto

Sa loob ng 20 minuto nang pagtigil sa paninigarilyo, bababa ang tibok ng iyong puso. Nangangahulugan ito na ang iyong puso ay hindi nahihirapang gumana. Bababa rin ang presyon ng iyong dugo at maayos na dadaloy ang dugo sa iyong buong katawan.

Makalipas ang 12 oras

Ang mga timeline ng benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo matapos ang 12 oras ay may mas magandang balita. Sa loob ng kaunting oras matapos ang iyong huling paninigarilyo, magsisimula ang iyong katawan na linisan ang sarili nito ng mga mapanganib na toxins, tulad ng carbon monoxide, na lubhang nakalalason. Matapos ang 12 oras, babalik sa normal ang lebel ng carbon monoxide sa iyong katawan at mas darami ang oxygen sa loob nito.

Makalipas ang 1 araw

Ang epekto ng pagtigil sa paninigarilyo ay mabilis na nararanasan. Matapos lamang ang isang araw ng iyong huling paninigarilyo, bababa na ang tyansa ng pagkakaroon ng atake sa puso. Mahalaga ito dahil ang sakit sa puso ay isa sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa Pilipinas. Ang mas mababang tyansang ito ay dahil bababa ang presyon ng iyong dugo sa sandaling tumigil ka sa paninigarilyo.

Makalipas ang 2-12 linggo

Maging proud dahil mas malusog na ngayon ang iyong puso at baga. Ang benepisyong ito ay nagpapakita na maaari mong asahan ang pagkakaroon ng magandang pagbabago sa sirkulasyon ng iyong dugo at sa paggana ng iyong baga matapos lamang ang ilang mga linggo.

Makalipas ang 1-9 buwan

Sa unang buwan ng pagtigil sa paninigarilyo, magiging mas maganda ang iyong pakiramdam at mas marami kang lakas. Kung nakaranas ka noon ng kakapusan sa paghinga at pag-ubo dahil sa paninigarilyo, ngayon ay makahihinga ka na nang mas malalim nang walang anomang problema. Lubhang mahihikayat ka nito na maging mas aktibo sa paggawa ng mga pisikal na gawain dahil hindi ka na kakapusin ng hininga.

Makalipas ang 1 taon

Matapos ang isang taong hindi paninigarilyo, sa ngayon, lubhang bumaba ang tyansa ng pagkakaroon ng coronary heart disease. Ang tyansang ito ay kalahati na sa ngayon kung ikukumpara noong naninigarilyo pa.

Makalipas ang 5 taon

Sa ngayon, matagumpay mong naiwasan ang paninigarilyo. Nararanasan mo na rin ang mas masayang buhay. At ang timeline ng benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo ay iyong ipinagpapatuloy.

Makalipas ang limang taon nang pagtigil sa paninigarilyo, ang mga ugat na daluyan ng iyong dugo ay magsisimulang gumaling nang kusa. Ang mga bagay na humarang dito ay nagsisimula nang mawala. Ang iyong ugat ay magsisimula nang lumapad muli at ang iyong dugo ay patuloy na dadaloy nang normal.

Ipagpatuloy ang pag-eehersisyo at humanap ng ibang paraan upang mabawasan ang stress at pagkabalisa. Matapos ang limang taon ng iyong huling paninigarilyo, lubhang nabawasan din ang tyansa ng pagkakaroon ng stroke.

Makalipas ang 10 taon

Patuloy pa rin ang timeline ng benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo makalipas ang sampung taon. Bababa ang tyansa ng pagkakaroon ng kanser sa baga. Ang tyansang ito ay kalahati kung ikukumpara sa mga naninigarilyo. Nabawasan din ang tyansa ng pagkakaroon ng mga kanser na may kaugnaysan sa paninigarilyo tulad ng kanser sa bibig, lalamunan, pantog, cervix, pancreas, at esophagus.

Makalipas ang 15 taon

Mahaba man ang panahong ito ngunit nabigyan mo ng pagkakataon ang iyong baga na ganap na gumaling. Dahil dito lalong bababa ang tyansa ng pagkakaroon ng coronary heart disease.

Matapos ang 15 taon, ang tyansa ng pagkakaroon ng coronary heart disease at pancreatic cancer ay katulad na ng sa mga hindi pa nakararanas magsigarilyo.

Makalipas ang 20 taon

Aabutin ng 20 taon bago ang tyansa ng pagkakaroon ng mga sakit sa baga tulad ng kanser sa baga ay bumama sa lebel na katulad ng sa mga taong hindi pa nakararanas magsigarilyo. Sa huli, laging mas mainam na hindi na lamang simulan ang paninigarilyo.

Key Takeaways

Ang paninigarilyo ay isang nakaaadik na gawain, kaya naman ang pagtigil sa gawaing ito ay laging mas madaling sabihin kaysa gawin. Maaaring maging mahalagang motibasyon ang pag-alam sa mga makukuhang benepisyong pangkalusugan mula sa pagtigil ng gawaing ito upang tuluyang itigil ang paninigarilyo. Sa pamamagitan ng pag-alam sa timeline ng benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo, makikita nang mas mabuti kung gaano kadelikdado ang paninigarilyo. Gayundin, malalaman din ang dahilan kung bakit kailangan ng matagal na panahon upang gumaling ang baga.

Subalit kung titingnan ito sa ibang perspektibo, ito ay nagbibigay sa mga taong matagal nang nagsisigarilyo ng pag-asa na sila ay matagumpay na gagaling, gagaling ang kanilang baga, at kontrolin ang kanilang kalusugan. Tandaan ang timeline ng benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo upang magkaroon ng motibasyon na tumigil.

Kung nakapagdesisyon ka na at handa kang mangako na ititigil na ang paninigarilyo, mahalagang humingi ng tulong. Mahalaga ang suporta ng mga kaibigan at pamilya. Mahalaga rin ang paghingi ng tulong mula sa mga eksperto upang makahingi ng payo kung paano permanenteng itigil ang paninigarilyo.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Tobacco Control Key Facts and Figures, https://www.doh.gov.ph/Tobacco-Control-Key-facts-and-Figures, Accessed July 14, 2020

Recent Research Sheds New Light on Why Nicotine is So Addictive, https://www.drugabuse.gov/about-nida/noras-blog/2018/09/recent-research-sheds-new-light-why-nicotine-so-addictive, Accessed July 14, 2020

High blood pressure (Hypertension), https://www.nhs.uk/conditions/high-blood-pressure-hypertension/, Accessed July 14, 2020

Pancreatic Cancer: Symptoms and Causes, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pancreatic-cancer/symptoms-causes/syc-20355421, Accessed July 14, 2020

9 Facts About Addiction People Usually Get Wrong, https://drugfree.org/parent-blog/9-facts-about-addiction-people-usually-get-wrong/, Accessed July 14, 2020

Fact sheet about health benefits of smoking cessation, https://www.who.int/tobacco/quitting/benefits/en/, Accessed July 14, 2020

Kasalukuyang Version

02/24/2026

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Anu-ano ang benepisyo sa pagtigil sa paninigarilyo?

Paano tumigil ng paninigarilyo? Heto ang dapat tandaan


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas