backup og meta

First Aid Sa Paltos, Alamin Dito Kung Ano Ang Dapat Gawin

First Aid Sa Paltos, Alamin Dito Kung Ano Ang Dapat Gawin

Karaniwang nangyayari ang paltos lalo na sa mga taong aktibo sa mga pisikal na gawain o kung madalas nilang ginagamit ang kanilang mga paa sa trabaho. Makatutulong ang pag-alam kung ano ang tamang first aid sa paltos upang maiwasan ang impeksyon at upang makatulong sa mabilis na paggaling ng paltos.

Ano ang paltos?

Tinatawag na paltos ang mga pocket o lobo na nakikita sa balat na naglalaman ng fluid. Nangyayari ang paltos kapag namumula o na-iirita ang balat sa pagkakagasgas sa isang bagay, at naglalabas ang paligid nito ng likido mula sa balat na tinatawag na serum. Posible ring mamuo ang dugo sa ilalim ng paltos, at blood blister ang tawag dito. Kung may impeksyon, maaari ding magkaroon ng nana sa loob ng paltos.

Nagsisilbi ang pocket sa balat na may lamang fluid bilang harang na pumoprotekta sa balat mula sa karagdagang pamamaga habang hindi pa ito nabubutas. Karaniwang gumagaling nang kusa ang mga paltos sa loob ng halos isang linggo.

Gayunpaman, maaari ding mabutas mag-isa ang mga paltos. Kapag nangyari iyon, madaling maimpeksyon ang paltos. Kaya mahalagang iwasan ang pagbutas sa paltos hanggat maaari. Kung pumutok man ito, siguraduhing panatiliing malinis ang lugar upang maiwasan ang impeksiyon.

Bakit nagkakaroon ng paltos ang mga tao?

Karaniwang nagkakaroon ng paltos ang mga kamay at paa ng isang tao. Dahil ito ang mga bahagi ng katawan na kadalasang nakararanas ng irritation o pamamaga. Ngunit maaari ding magkaroon ng paltos sa ibang bahagi ng katawan. Depende sa kung ano ang naging sanhi nito.

Narito ang ilan sa mga posibleng sanhi ng paltos:

  • Friction o irritation sa balat, tulad sa tuwing kumakaskas ang iyong paa sa sapatos.
  • Posibleng maging sanhi ng paltos ang mga paso mula sa injury o sunburn
  • Maaring magdulot ng paltos ang ilang uri ng allergy, tulad ng contact dermatitis dahil sa reaksyon mula sa allergen
  • Maaari ding maging sanhi ng paltos ang mga sakit sa balat na nagdudulot ng pamamaga at irritation

Karaniwang hindi masakit ang paltos, at maaaring magdala lamang ng kaunting pagkainis sa iyo. Ngunit ilan sa mga paltos, lalo na ang mga may impeksiyon ay maaaring magdulot ng matinding pagsakit. Kaya mahalagang malaman kung ano ang gagawin kung sakaling mangyari ito.

Ano ang mangyayari kapag nagkaroon ng impeksiyon ang paltos?

Madalas na nagkakaroon ng impeksiyon ang paltos kapag pumutok ito. Dahil ito sa bakteryang maaaring pumasok sa loob ng balat ng pumutok na paltos at magdulot ng impeksyon. Ito ang dahilan kung bakit hindi dapat pinuputok ang paltos, at sinusubukang panatiliin itong buo hanggat sa maaari.

Saka lang dapat putukin ang paltos kung inirekomenda ito ng doktor. At kung sila rin ang gagawa nito.

Kung maimpeksyon ang paltos, maaaring magkaroon ito ng nana sa loob ng balat. Cloudy at malabo ang laman nito, na maaari ding mabaho. Maaari ding mainit at masakit kung mahawakan ang balat sa paligid ng naimpeksyon na paltos.

Kung hindi magagamot, maaaring kumalat at magdulot ng mas malubhang problema ang impeksiyon tulad ng cellulitis o sepsis.

first aid sa paltos

Mga tip para sa first aid sa paltos

Karaniwang maliit na injury lang ang paltos. Ngunit hindi nangangahulugang dapat pabayaan ang mga paltos, o hindi dapat gawin ang anumang first aid sa paltos.

Makatutulong ang pag-aalaga sa paltos upang maiwasan ang impeksyon, at para mapabilis din ang paggaling nito. Narito ang ilang tip sa first aid sa paltos at pati na rin ang mga paraan ng pag-aalaga dito.

  • Linisin ang paligid ng paltos at marahang balutan ito ng gauze. Nakakatulong ito na panatilihing buo ang paltos hanggat maaari. Nakatutulong din itong maiwasan ang impeksyon dahil nagsisilbing harang ang balat laban sa impeksiyon.
  • Kung may paltos sa ilalim ng mga paa, maaaring gumamit ng karagdagang padding upang maiwasan ang pagputok ng paltos.
  • Kapag pumutok ang paltos, siguraduhing panatiliing malinis ang bahagi hanggat maaari. Huwag alisin ang natanggal na balat, dahil maaari pa rin itong harang laban sa impeksyon.
  • Kung patuloy na bumabalik ang paltos, o hindi naghihilom matapos ang isa o dalawang linggo, siguraduhing pumunta sa iyong doktor.

Paano maiiwasan ang paltos?

Narito ang ilang mahahalagang paalala upang maiwasan ang pagkakaroon ng paltos:

  • Magsuot ng sapatos na tama ang sukat at medyas na malambot at komportable.
  • Maglagay ng mga bandage sa mga lugar na maaaring magkaroon ng paltos. Nakakatulong ito na protektahan ang mga bahagi mula sa irritation.
  • Maaaring makatulong sa irritation at pamamaga ng balat ang paggamit ng baby powder o petroleum jelly.
  • Kung napansing namumula ang balat, o nagiging masakit, pagpahingahin ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng paltos.

Matuto ng iba pang first aid dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Blisters (Overview) – Harvard Health, https://www.health.harvard.edu/a_to_z/blisters-overview-a-to-z., Accessed May 18, 2021

Blisters – Injuries & first aid | NHS inform, https://www.nhsinform.scot/illnesses-and-conditions/injuries/skin-injuries/blisters., Accessed May 18, 2021

Blisters – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/blisters/, Accessed May 18, 2021

Blisters: First aid – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/first-aid/first-aid-blisters/basics/art-20056691, Accessed May 18, 2021

How to prevent and treat blisters, https://www.aad.org/public/everyday-care/injured-skin/burns/prevent-treat-blisters, Accessed May 18, 2021

Kasalukuyang Version

02/16/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Mae Antalan, MD


Mga Kaugnay na Post

5 Dapat Mong Gawin Kapag Tinamaan Ng Kidlat Ang Iyong Anak!

Safety sa Swimming Pool: Ano Ba Ito at Bakit Ito Mahalaga?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement