Ang pollen mula sa mga tiyak na halaman ay umaakit sa mga paru-paro, hummingbird, bubuyog, at iba pang mga hayop. Bagama’t napakahalaga ng mga bubuyog sa ecosystem, ang ilang mga tao ay nagkakamali na hampasin o mag-spray sa mga ito kapag lumilipad ang mga hayop malapit sa kanila. Kapag nakagat ng insekto, maaari itong mag-iwan ng lason sa kinagat na bahagi na maaaring makairita sa balat. Ang ilan naman ay maaaring maging sanhi ng matinding allergy. Maaaring kabilang sa reaksyong ito ang pamamaga, pananakit, at maging kulay pula ang apektadong bahagi o makaramdam ng init. Ito ay maaaring magdulot ng pananakit. Ang pag-alam sa pagsasagawa ng first aid sa kagat ng bubuyog ay mahalaga para sa mga may-ari ng halaman at sa iba pang tao.
First Aid Sa Kagat Ng Bubuyog
1. Maging ligtas
Una sa listahan ng first aid sa kagat ng bubuyog ay ang manatiling ligtas. Kapag kinagat ng bubuyog, subukang huwag mag-panic. Kung ikaw ay nakagat habang malapit sa isang bahay-pukyutan, pinakamainam na lumayo mula rito sa lalong madaling panahon. Ito ay upang maiwasan ang pag-atake ng ibang mga bubuyog, dahil para sa kanila ay isa kang panganib sa kanilang reyna at tahanan.
Ang isang bubuyog ay maaaring lamang makakagat nang isang beses sa kanyang buong buhay. Ito ay dahil ang tibo nito ay hindi natatanggal o muling lumalaki. Samakatuwid, ang mga bubuyog ay nangangagat lamang bilang kanilang huling paraan upang makaligtas kapag sila ay nasa panganib. Gayunpaman, ang mga insekto tulad ng mga putakte ay maaaring makakagat ng maraming beses nang hindi namamatay.
2. Mabilis na kumilos
Noon, sinasabing huwag kurutin o bunutin ang tibo dahil ito ay mag-iiwan ng mas maraming lason sa balat. Gayunpaman, sinasabi ngayon ng mga eksperto na ang bilis ng pagtanggal nito ay mas mahalaga kaysa sa paraan ng pagtanggal nito. Kung mas matagal maghihintay upang alisin ang tibo, mas malalim itong bumabaon sa balat at mas maraming lason ang ilalabas. Ang pinakamainam na paraan ay ang dahan-dahang pagtanggal sa tibo gamit ang kuko o piraso ng tela o manipis na plastik.
3. Panatilihin itong malinis
Dahil ang tibo ay lumikha ng isang butas sa balat, pinakamainam na linisin ang bahaging ito gamit ang tubig at mild soap. Ang paggamit ng malamig na tubig ay maaaring makatulong upang mabawasan ang pamamaga at pananakit. Iwasang maglagay ng rubbing alcohol sa bahagi ng butas dahil mas makasasakit ito. Bukod pa rito, huwag itong kamutin dahil maaari nitong mapalubha ang mga sintomas at makapasok ang bakterya sa sugat.
4. Kumalma
Ang mga kagat ng bubuyog ay nagdudulot ng hindi gaanong malubha hanggang katamtamang sakit. Dagdag pa, ang lasong naiiwan sa balat ay nagdudulot ng pamamaga. Ang paggamit ng yelo o malamig na compress ay makakatulong upang maibsan ang sakit at mabawasan ang pamamaga. Huwag direktang ilagay ang yelo sa balat, dahil maaari itong maging sanhi ng frostbite. Sa halip, ilagay ang yelo sa isang plastic bag at balutin ito sa isang piraso ng tela o face towel. Mapipigilan nito ang pagtagas ng tubig at pagkasira ng balat.
5. Mga gamot na walang reseta
Ang pag-inom ng pain relievers tulad ng paracetamol at ibuprofen ay maaaring makatulong upang maibsan ang sakit. Dagdag pa, ang antihistamines tulad ng diphenhydramine, cetirizine, at loratadine ay maaaring makatulong upang mabawasan ang pamamaga, pamumula, at pangangati dulot ng lasong naiwan sa balat. Maaari ding gumamit ng topical creams and lotions sa apektadong bahagi. Subukan ang hydrocortisone, calamine lotion, o aloe vera gel.
6. Obserbahan
Nakararanas ng pananakit at pamamaga ang isang taong nakagat ng bubuyog. Gayunpaman, kung mapansin ang mabilis na pamamaga at pananakit sa mga hindi apektadong bahagi, ito ay maaaring indikasyon ng allergy o sa mga malulubhang kaso, anaphylaxis. Kung alam mong may allergy ka sa lason ng bubuyog, mahalagang agad na humingi medikal na tulong. Maaaring ibigay ang epinephrine (adrenaline) shots sa mga pasyente na may mga malulubhang reaksyon sa mga kagat ng bubuyog. Ang ilang emergency first aid kit ay maaaring mayroon nito.
Key Takeaways
Ang mga bubuyog ay hindi nakakatakot ngunit maaari ang kanilang kagat. Kung makakita ng mga bubuyog na sumisipsip ng pollen mula sa mga bulaklak, pinakamainam na hayaan lamang ang mga ito at pasalamatan sila para sa kanilang gawain.
Ang first aid sa kagat ng bubuyog ay kinabibilangan ng pagtanggal ng tibo at paglalagay ng yelo sa apektadong bahagi. Kung nakararanas ng anumang mga sintomas ng
matinding allergy, humingi kaagad ng medikal na tulong.
Alamin ang iba pang First Aid tips dito.