Magkakaiba talaga ang pagtingin ng mga tao sa aso. May mga mahilig sa aso, at may mga takot dito. Karamihan sa mga aso ay well-trained. Gayunpaman, kapag may nakasalubong kang aso at nakagat ka, dapat alam mo ang mga dapat gawin sa kagat ng aso at iba pang tips.
Ang ngipin ng aso ay kayang magdulot ng ilang seryosong pinsala. Kapag nakagat ng aso ang isang tao, ang ngipin sa harap ng aso ang kumakapit at pumipiga sa tissue, habang ang maliliit na ngipin ang pumupunit at bumubutas sa balat. Nagreresulta ito sa bitak-bitak at bukas na sugat. Nakadepende ang pagpapasa at pagdurugo sa tindi ng kagat. Nakadepende naman sa aso at sa kapaligiran mo ang panganib ng impeksyong pwedeng makuha.
Ang Rabies sa Pilipinas
Sa Pilipinas, isa ang rabies sa pangunahing problemang pangkalusugan. Bawat taon, 200-300 Pilipino ang namamatay dahil sa rabies. Ito ay dahil sa katotohanang hindi lahat ng tao ay mulat sa dapat gawin sa kagat ng aso. At mayroon ding kakulangan sa tamang healthcare sa bansa.
Kaya naman napakahalaga para sa mga Filipino na maging mulat sa dapat gawin upang maiwasan ang rabies. Ipagpatuloy ang pagbabasa upang malaman ang mga katotohanan tungkol sa rabies at sa dapat gawin sa kagat ng aso.
Mga Panganib ng Impeksyon
May panganib na maimpeksyon ang mga sugat na dulot ng kagat dahil nagdadala ng iba’t ibang uri ng bacteria ang aso. Ilan sa mga ito ang:
- Staphylococcus, isang bacteria na nagdudulot ng staph infections
- Streptococcus, isang bacteria na nagdudulot ng strep throat
- Pasteurella, isang uri ng bacteria na madalas ding nagmumula sa mga pusa
- Capnocytophaga, isang bacteria na karaniwang matatagpuan sa mga mammals
Bukod pa sa mga bacteria na ito, ang mga hindi pa bakunado at ligaw na mga aso ay maaaring may rabies at pwedeng mailipat sa iba sa pamamagitan ng pagkagat. Dahil sa mga panganib na ito, mahalagang magpunta sa doktor sa loob ng hanggang 8 oras matapos makagat. Kahit alam mo na ang mga tip na dapat gawin sa kagat ng aso, kailangan mo pa ring humingi ng tulong kung nakagat ka o mayroon kang chronic diseases, diabetes, o nakompromisong immune system. Kung maghihintay ka pa nang matagal, maaaring tumaas ang panganib ng impeksyon at lumaki pa ang problema.
Dapat Gawin sa Kagat ng Aso
Ang unang dapat mong gawin sa kagat ng aso ay hugasan ang sugat. Itapat ito sa bukas na gripo. Mas maganda kung gagamitan ng antiseptic cleansers o solution sa loob ng 5 hanggang 10 minuto. Makatutulong ang pagtatanggal ng duming kumapit dito upang mapababa ang panganib ng impeksyon.
Matapos nito, pabagalin ang pagdurugo. Mag-apply ng pressure at itaas ang bahaging nakagat. Tiyaking maglagay ng makapagpapahinto ng pagdurugo tulad ng benda o panyo.
Kung mayroon kang over-the-counter antibiotic creams, makatutulong din ito upang maiwasan ang impeksyon.
Saka ito hayaang mahanginan kung maliit lang ang kagat na pwedeng gumaling sa loob lamang ng ilang minuto. Kung hindi naman, pwede kang kumuha ng gasa at ibalot ang sugat. Panatilihin itong nakabalot at palitan ang gasa depende sa kung gaano katindi ang pagdurugo. Tiyaking mapapanatiling malinis ang sugat.
Kapag kontrolado mo na ang sitwasyon, magpunta na sa ospital at magpatingin sa doktor.
Pakikipagkita sa Doktor
Gaya ng nabanggit, napakahalagang matingnan ng doktor ang iyong sugat sa loob ng 8 oras matapos makagat. Depende sa tindi ng insidente, posibleng kailanganin mong manatili sa ospital o maturukan ka ng antibiotics para sa kagat ng aso na isasagawa ng isang eksperto.
Mga Tanong na Dapat Isaalang-alang
Upang maging madali ang pagsusuri ng doktor sa panganib ng impeksyon, subukang alalahanin ang pangyayari at insidente sa pangkalahatan. Tandaan ang mga sumusunod:
- Anong uri ito ng aso? Kanino itong aso?
- Ligaw na aso ba ito o alaga?
- Kung alagang aso ito, natanong mo ba ang may-ari kung bakunado na ang aso?
- May kakaiba bang ikinikilos ang aso nang mangyari ang insidente?
- Gaano kalinis o karumi ang paligid nang mangyari ang insidente?
Kailangan ko ba ng tetanus shot?
Mahalagang ikonsidera kung gaano na katagal ang huli mong pagpapaturok ng tetanus shot. Pwedeng ituon ang dog bite management at treatment injections sa pag-iwas sa posibleng mga impeksyon sa pamamagitan ng mga booster tetanus shot kung ang pinakahuli mong pagpapaturok ay higit 5 taon na ang nakalilipas.
Ang Tetanus ay isang sakit na dulot ng bacterial toxin na nakaaapekto sa inyong nervous system. Pwedeng magdulot ang sakit na ito ng napakasakit na muscle contractions sa inyong panga at leeg. At pwede nitong maapektuhan ang iyong paghinga. Sa mga seryosong kaso, maaari din itong maging banta sa buhay.
Kung malala ang pagkabutas ng balat, maaari din itong tahiiin. Bagaman kadalasan, ang kagat ng aso ay madalas iniiwanang nahahanginan, maiiwasan ang peklat kapag tinahi, kung kinakailangan.
Maintenance
Matapos bumisita sa doktor, nakadepende na sa iyo ang araw-araw na pagpapalit ng benda ng iyong sugat. Palitan ang benda ng iyong sugat at tiyaking mayroon kang sapat na imbak ng sterile bandage materials para sa iyong sugat. Bantayan ang mga senyales ng impeksyon. Kung lagnatin ka, makaramdam ng kakaibang sakit, o pamamaga, tumawag sa doktor dahil senyales ito ng impeksyon.
Kung mukhang malusog ang aso sa panahong nakagat ka nito, maaaring kailangan ng 10 araw na quarantine upang maobserbahan ang aso. Kadalasan, hindi na kailangan ng anti-rabies prophylaxis. Gayunpaman, kung mukhang may sakit ang aso sa panahong nakagat ka nito, o nagkasakit sa loob ng 10 araw na quarantine, mas mabuting kumonsulta ka sa doktor para sa anti-rabies prophylaxis at agad na dalhin ang aso sa veterinarian.
Key Takeaways
Well-trained man ang alagang aso o hindi, mahalagang tandaan na pwede silang makakagat kapag nararamdaman nilang may banta sa kanilang buhay. Maaaring magtulak ito sa kanila upang umatake at makakagat ng tao na hindi nila kilala. Kapag nangyari ito, mahalaga ang agarang paglalapat ng first aid para sa kagat ng aso.
Mahalaga ang pamamahala sa kagat ng aso sa pagpapababa ng panganib ng impeksyon sa pamamagitan ng paglilinis ng sugat at pagpapagaling nito nang wasto at lubos. Depende sa tindi ng kagat, pwede kang maglapat ng magkakaibang uri ng first aid. Gayunpaman, pagdating sa mga pinsalang dulot ng mga hayop, kailangan mong humingi ng medikal na tulong. Ang mga hayop ay may dalang iba’t ibang bacteria na maaaring makasama sa iyong kalusugan. At kung hindi magagamot, pwedeng mauwi sa napakaseryosong problema ang mga impeksyon.
Pagdating sa kagat ng hayop, agad na humingi ng medikal na atensyon upang maiwasang lumala ang sitwasyon.
Matuto pa tungkol sa Healthy Habits dito.