Hindi na sikreto ang kagustuhan ng marami na tumangkad. Gusto man nila maging propesyonal na atleta, model, o kahit beauty queen, maraming tao ang gustong malaman kung paano tumangkad.
Ngunit posible nga ba na tumangkad? Mayroon bang katotohanan ang mga ehersisyo at pag-inom ng mga gamot na sinasabing nakakapag patangkad? Alamin natin.
Ano ang mga Kadahilanan na may Kaugnayan sa Pagtangkad
Bago natin pag-usapan ang pagtangkad, kailangan muna nating maunawaan kung paano tumatangkad ang tao. Sa pag-unawa kung paano nangyayari ito at ang mga salik na nakaaapekto sa dito, malalaman natin ang paraan para tumangkad.
Responsable ang bahagi ng buto na tinatawag na growth plates sa pagtangkad. Ito ang mga bahagi ng buto na lumalaki, at ang mga ito ang nagpapasya sa laki at hugis ng buto.
Mayroon dalawang growth plates (sa magkabilang dulo) ang mahahabang buto. Habang lumalaki ang isang bata, ang mga plates na ito ay lumalaki nang pahaba hanggang sa ang bata ay umabot na sa maturity at huminto sa paglaki.
Sa puntong ito, ang mga growth plates ay mag-uumpisang sumara, at ang tao ay hindi na tatangkad pa. Para sa mga babae, ang growth plates ay kadalasang nagsasara sa edad na 13 hanggang 15, at ang mga lalaki ay nasa 15 hanggang 17. Nangangahulugan na pagtungtong sa nabanggit na edad, ang iyong taas ay maaaring maging permanente na.
Mayroong mga pangyayari kung saan ang growth plates ng matatanda ay hindi nagsasara, ngunit bihira lamang ito mangyari. Minsan, ang hindi tumitigil na pagtangkad ay sanhi ng isang kondisyon sa kalusugan tulad ng gigantism.
Malaki ang Gampanin ng Genetics
Ang genes ng isang tao ay may malaking papel sa kanyang pagtangkad. Kung ang iyong magulang ay mayroong katamtamang taas, maaaring ikaw rin ay magkaroon ng parehong taas. Katulad sa mga taong may matatangkad na magulang o maliliit.
Gayunpaman, posible rin para sa matatangkad na tao na may magulang na nasa katamtamang taas o liit. Pareho sa mga katamtamang taas na tao at mayroong magulang na higit na mas matangkad sa kanila. Ngunit sa pangkalahatan, karamihan sa mga tao ay pareho o hindi nagkakalayo ang tangkad sa kanilang magulang.
Maliban sa genetics — ang nutrisyon, ehersisyo at kabuuang kalusugan ng tao ay maaaring makaapekto sa kanilang taas. Sa dulo, malaki pa rin ang papel ng genetics sa tangkad ng isang tao.
Paano Tumangkad Nang Mabilis
Ngayon na alam na natin ang mga kadahilanan na nakaaapekto sa pagtangkad ng isang tao, posible bang sumubok ng ibang paraan para tumangkad? Posible ba na tumangkad sa magdamag?
Kung ikaw ay matanda na, posible na hindi ka na tumangkad sa natural na paraan. Gayunpaman, mayroong mga bagay na maaari mong gawin upang magmukhang matangkad, at magkaroon ng mataas na kumpyansa sa iyong taas.
Narito ang ilan sa mga dapat tandaan:
Panatilihin ang Maayos na Postura
Alam mo ba na naaapektuhan ng postura ng isang tao ang kanilang pakiramdam? Kahit ang may katamtamang-laki na tao na mayroong magandang postura ay mas matangkad tingnan. Sa kabilang banda, ang matangkad na tao na mayroong hindi magandang postura ay mukhang maliit dahil sa nakayukod sila.
Paano panatilihin ang maayos na postura?
- Tumayo nang tuwid habang nakasandal ang likod sa dingding, ito ang tamang paraan ng pagtayo.
- Ipasok ang laki ng tiyan
- Panatilihin ang balikat sa likod
- Panatilihing tuwid ang ulo at hayaan ang kamay sa magkabilang gilid
- Ang iyong mga paa ay magkalayo na tulad sa iyong mga braso.
Kung ikaw ay nakaupo sa trabaho, dapat mong panatilihin ang tuwid na likod at iwasan ang yumukod. Ito ay makatutulong na panatilihin ang maayos na postura at maiwasan ang pananakit ng likod.
Ang pagkakaroon ng maayos na postura ay nakakatangkad tingnan at mas may kumpyansa ka sa sarili.
Kumain ng pagkain na mayaman sa protina at calcium
Ang mga pagkain na mayaman sa protina ay calcium ay hindi tiyak na makatutulong sa matanda magpatangkad, ngunit maaari sa mga bata at nagbibinata o nagdadalaga.
Nakatutulong ang calcium sa pagpapatibay ng buto. Ang protina ay nakatutulong sa pagpapabilis ng pagtangkad na nangyayari sa puberty. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang protina at calcium sa pagpapalaki ng bata.
Para sa matatanda, maganda pa ring ideya ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa protina at calcium. Ang calcium ay nakatutulong sa pagpapatibay at tugon sa pagkasira ng buto na tinatawag na osteoporosis. Sa karagdagan, ang protina ay makatutulong sa pagpapanatili ng malakas na muscle at mapanatili ang maayos na postura.
Palaging siguruhin ang pagkain ng balanseng pagkain ng carbohydrates, protina, at fats.
Ehersisyo araw-araw
Mahalaga ang pag-eehersisyo pagdating sa tangkad ng tao. Sa pagpapanatiling malakas at malusog, ang mga kabataan ay maaaring tumangkad nang maayos sa panahon ng kanilang puberty.
Para sa matatanda, ang pag-eehersisyo ay nakatutulong sa pagpapanatili ng matibay na buto at nagpapalakas ng muscle na sumusuporta sa katawan. Napadadali nito ang maayos na postura, at naiiwasan ang pananakit ng likod at iba pang problema.
Kung umabot na ang tao sa hangganan ng kanyang taas sa puberty, imposible na ang kanyang pagtangkad nang walang delikadong operasyon. Ang mga nabanggit na mga paraan ay maaaring hindi nga makapagpatangkad sa’yo, ngunit maaari naman nitong mapabuti ang iyong kabuuang kalusugan, nagbibigay ito ng maayos na postura at umiiwas sa mga pananakit ng likod sa hinaharap.
Matuto pa tungkol sa orthopedics dito.