Pagkain para sa dementia ang kailangang idagdag sa diyeta upang maiwasan o maantala ang dementia na dulot ng Alzheimer’s disease. Maraming mga pag-aaral ang nagmumungkahi na nakakaapekto ang mga kinakain sa kakayahan ng tumatandang utak na mag-isip at makaalala. Dahil sa mga natuklasang impormasyon na ito, nagkaroon ng mga pananaliksik sa mga pagkain at mga posibleng epekto nito sa dementia.
Ang pagtanda ang pinakamalaking kadahilanan ng panganib para sa dementia, ngunit may mga ebidensya na may mga bagay na maaari mong gawin upang makatulong na mabawasan ang panganib nito. Kabilang dito ang pagpapanatiling aktibo, pagkain ng malusog at pag-eehersisyo ng pag-iisip.
Pagkain para sa dementia ayon sa siyensya
Sinuri ng mga siyentipiko sa research center ng Concordia University sa Montreal at sa Rotman Research Institute sa Baycrest, Toronto ang mga pagkaing nagbibigay proteksyon laban sa cognitive decline. Kasama sa ginagawa nilang Brain Health Food Guide ang mga nangungunang pagkain sa Mediterranean diet. Ang mga pagkaing ito ay naiugnay sa 35 porsiyentong pagbaba ng panganib ng Alzheimer’s disease.
“Pinatunayan ng mga pag-aaral na ang mga nasa hustong gulang na 50 pataas na sumunod sa ganitong diyeta sa loob ng apat na taon ay hindi nakaranas ng anumang pagkawala ng memorya,” sinabi ni Matthew Parrott (sa wikang Ingles), isang siyentipiko sa PERFORM research centre ng Concordia University sa Montreal.
Pagkatapos lamang ng apat na buwan sa ganitong uri ng diyeta, nakitaan sila ng kalidad sa pagbasa at pagsulat na para bang sila ay mas bata ng siyam na taon.
Mga pagkain para sa dementia
Mahon o maberdeng gulay
Ang mga berdeng gulay tulad ng spinach, kale at romaine ay may taglay na mga antioxidants, beta carotene, folate at vitamin K na mabuti para sa utak. Subukang kumain ng hindi bababa sa isang baso ng mga gulay na ito araw-araw. Ilan lamang ito sa mga madahong gulay na mataas sa mahahalagang B vitamins tulad ng folate 0 vitamin B9.
Ang mga bitaminang ito ay maaaring makatulong na mabawasan ang depresyon, habang nagpapalakas din ng katalusan. Sa halip na kumain lang ng madahong gulay sa mga salad, idagdag ang mga gulay na ito sa mga sopas at nilaga. Maaari mo ring i-puree ang mga ito at idagdag sa mga sarsa, pesto, at hummus.
Omega-3
Naobserbahan na ang mga pasyenteng may Alzheimer’s ay may mababang mga antas ng DHA o docosahexaenoic acid (isang omega-3 fatty acid na maganda sa katawan) sa mga bahagi ng utak na nauugnay sa katalusan at memorya, katulad ng hippocampus at frontal cortex. Maaari itong makatulong sa pagpapanumbalik ng cognitive performance at paggana ng utak
May mga pagsusuri sa National Institutes of Health na nagsasabing ang omega-3 fatty acid ay maaaring makapigil sa pagkamatay ng cell at maaaring maging instrumento para sa muling pagkonekta ng mga nasirang neurons.
Ang mga pagkaing mayaman sa omega-3 fatty acids ay:
- Olive oil
- Flax seeds
- Tuna
- Salmon
- Mackerel
Masarsa na pagkain
Masarap na pampalasa ang mga spices tulad ng sage, cumin, at cinnamon. Maliban dito, naglalaman din ang mga ito ng maraming polyphenols, mga compound na maraming benepisyo para sa memorya at kalusugan ng utak. Ang mga pampalasa tulad ng mga ito ay may kakayahang mag-alis ng mga plaque sa utak . Binabawasan nito ang pamamaga upang maiwasan ang kapansanan sa pag-iisip pati na ang Alzheimer’s. Simulan ng punuin ang iyong spice rack ng iba’t ibang pampalasa na maaaring magpasigla sa iyong mga pagkain, habang pinapanatiling malusog ang iyong utak.
Ayon sa mga pag-aaral, ang mga spices ay may antioxidant at anti-inflammatory properties na kumikilos sa pagpigil sa pagsasama-sama ng acetylcholinesterase at amyloid sa Alzheimer’s.
Iba’t-ibang mani
Ang mga pecan, almond, walnut, cashews, at mani ay puno ng malusog na taba, magnesium, vitamin E, at B vitamins. Lahat ng ito ay nagtataguyod ng mahusay na katalusan at nakakatulong na maiwasan ang mga sintomas ng dementia. Ang mga babaeng lampas sa edad na 70 na kumakain ng hindi bababa sa 5 servings ng nuts bawat linggo ay may mas mahusay na kalusugan ng utak.
May isa pang pag-aaral ay nagpapakita na ang mga anti-inflammatory phytochemical sa English walnuts ay maaaring makapagbawas ng pamamaga ng mga selula ng utak upang mapanatili ang pinakamainam na kalusugan ng utak sa buong proseso ng pagtanda.
Ang mga mani ay nagdadala ng isang espesyal na bagay sa mesa tulad ng:
- Almonds – nakakatulong na mapabuti ang memorya
- Pistachio nut oils – nakakatulong na mapanatili ang mga fatty acid at maiwasan ang pamamaga
- Macadamia nuts – nakakatulong sa normal na paggana ng utak
Mga kondisyon na nilalabanan ng masustansyang pagkain maliban sa dementia
Ang isang malusog at balanseng diyeta ay maaaring magbawas ng panganib na dulot ng dementia. Nilalabanan din nito ang iba pang mga kondisyon kabilang ang:
- Cancer
- Type 2 diabetes,
- Labis na katabaan
- Stroke
- Sakit sa puso
Walang isang sangkap, sustansya o pagkain ang makakapagpabuti sa kalusugan ng utak nang mag-isa. Sa halip, ang isang balanseng diyeta ang makakatulong sa iyong labanan ang dementia.