backup og meta

Maling Paniniwala sa Type 2 Diabetes na Dapat Mong Malaman

Maling Paniniwala sa Type 2 Diabetes na Dapat Mong Malaman

Ang type 2 diabetes ay isang sakit na nakaaapekto sa higit sa 500 milyong tao sa buong mundo, kung saan patuloy pang dumarami ang taong nagkakaroon nito. Kasabay rin ng paglaki ng bilang ng mga tao na nagkakaroon ng diabetes ay ang pagdami rin mga maling paniniwala tungkol sa type 2 diabetes, na dahilan ng pagkalito ng tao tungkol sa nature ng kondisyong ito.

Alamin natin kung ano ang mga karaniwang paniniwala tungkol sa type 2 diabetes, at alamin natin kung may katotohanan ba it0.

Maling Paniniwala Tungkol sa Type 2 Diabetes

1. Ang diabetes ay namamana lamang

Isa sa mga karaniwang maling paniniwala tungkol sa type 2 diabetes ay namamana lamang ito. Bagama’t totoo na ang pagkakaroon ng magulang o kamag-anak na may type 2 diabetes ay nagpapataas ng iyong risk na magkaroon ng kondisyong ito, hindi ito nangangahulugan na ito lang ang paraan para magkaroon ka nito.

Ang lifestyle at pangkabuuang kalusugan ng isang tao ay may malaking papel sa pagkakaroon ng type 2 diabetes. Kaya naman mahalagang maging maingat tayo sa ating mga kinakain at dapat natin na pangangalagaan ang ating katawan.

2. Hindi ka magkakaroon ng diabetes kung hindi ka sobra sa timbang

Totoo na ang pagiging sobra sa timbang o obese ay maaaring magpataas ng risk ng isang tao para sa type 2 diabetes.

Gayunpaman, kahit na ang mga taong medyo sobra sa timbang o kahit na may normal na timbang ay maaaring magkaroon ng type 2 diabetes.

Ito’y isa sa mga karaniwang paniniwala at kamalian tungkol sa type 2 diabetes.

Sa katunayan, humigit-kumulang 10-15% ng mga pasyente na may type 2 diabetes ay may normal na timbang. Kung saan, nangangahulugan ito na ang tao ay hindi lamang dapat nakapokus sa kanilang timbang, maging sa kanilang kinakain at pangkalahatang kalusugan. Dapat na magtuunan din ng pansin ang pagkakaroon ng malusog na timbang at pagpapakonsulta sa doktor para mabawasan ang kanilang risk sa type 2 diabetes.

3. Ang pagkain ng maraming sugar ay maaaring magdulot ng type 2 diabetes

Ito’y isa sa mga karaniwang paniniwala tungkol sa type 2 diabetes. Gayunpaman, ang pagkain ng maraming sugar ay hindi necessarily na sanhi ng diabetes. Pero dapat mo pa ring tandaan na ang pagkain ng maraming matamis na pagkain ay maaaring maging dahilan ng labis na timbang o pagiging obese ng isang tao, at ang pagiging sobra sa timbang at obese ay parehong kilalang risk factors para sa diabetes.

Hindi mo kailangang matakot na kumain ng isang slice ng keyk, o uminom ng ilang matamis na inumin kung ite-take ito sa tamang amount lamang. Dahil ang mas mahalaga ay hindi ka kumakain ng masyadong maraming matamis na pagkain.

Maganda rin kung araw-araw kang mag-eehersisyo para makatulong na mapanatiling malakas at malusog ang iyong katawan.

4. Ang type 2 diabetes ay maaaring makabulag at sanhi ng pagkaputol ng iyong mga paa

Ito’y isa pang maling paniniwala tungkol sa type 2 diabetes. Bagama’t totoo na ang pagkabulag at pagputol ng paa ay posibleng mga komplikasyon, ito ay resulta ng sa uncontrolled cases ng type 2 diabetes. Bukod dito, hindi naman ito nangyayari sa lahat ng tao na mayroong diabetes.

Ang uncontrolled type 2 diabetes ay maaari ring humantong sa mga isyu sa paningin tulad ng mga katarata at glaucoma, damage sa nerves at/o bato, pagkawala ng pakiramdam sa lower extremities, poor wound healing, at pins-and-needles na sensasyon. Ang huling tatlo ay maaaring humantong sa “diabetic foot,” na maaaring mangailangan ng amputation kung ang pasyente ay hindi ginagamot.

Maraming mga type 2 diabetic ang nabubuhay nang mahaba at masayang buhay hangga’t tinitiyak nilang inuuna ang kanilang kalusugan. Kabilang dito ang pag-inom ng tamang gamot, pagkain ng tamang pagkain, at pagsasagawa ng pisikal na aktibidad.

5. Ang mga taong may type 2 diabetes ay hindi dapat mag-ehersisyo

Isa pa sa maling paniniwala tungkol sa type 2 diabetes ay ang mga taong may ganitong kondisyon ay dapat umiwas sa pag-eehersisyo.

Ngunit ang katotohanan ang pagsasagawa ng katamtamang ehersisyo ay maaaring gawing mas madali para sa mga diabetic na kontrolin ang kanilang blood sugar levels.

Siyempre, magandang ideya pa rin na kumonsulta muna dito sa iyong doktor, at huwag i-overdo ang iyong ehersisyo. Ang paglalaro ng isports at pananatiling fit ay hindi dapat maging problema para sa type 2 diabetics.

6. Ang mga diabetic ay kailangang magkaroon ng isang espesyal na diyeta

Isa pang karaniwang maling paniniwala tungkol sa type 2 diabetes na ang mga diabetic ay kailangang kumain ng espesyal na pagkain,  o kaya ay hindi na nila maaaring i-enjoy ang mga pagkain nila tulad ng dati.

Bagama’t may ilang restrictions sa kung ano ang dapat kainin ng mga diabetic, ang isa sa pinakamahalagang katotohanan tungkol sa type 2 diabetes, na ang mga diabetic ay kailangan lang kumain ng masustansyang pagkain.

Ang ideal diet  para sa isang taong may diabetes ay halos kapareho ng ideal diet na dapat mayroon ang mga tao. Nangangahulugan ito na dapat nilang unahin ang pagkain ng mga gulay, prutas, at walang taba na karne. Maaari pa rin silang kumain ng matamis o sweet foods, ngunit maaari lamang itong kainin sa katamtaman.

maling paniniwala sa type 2 diabetes

7. Kung kailangan mo ng insulin, hindi mo maayos nakokontrol ang iyong diabetes

Karaniwang misconception tungkol sa mga diabetic ay kapag gumamit sila ng insulin ay hindi nila inaalagaan ang kanilang sarili. Tandaan mo na ang paniniwala na ito ay hindi palaging nangyayari.

Ang type 2 diabetes ay isang sakit na lumalala sa paglipas ng panahon. Sa madaling sabi, kahit na pinangangalagaan nang mabuti ng isang diabetic ang kanilang kalusugan, posibleng umunlad ang kanilang kondisyon sa punto kung saan kailangan nila ng insulin shots.

Kaya ang pag-inom ng insulin ay hindi nangangahulugang hindi maingat ang isang tao sa kanilang kalusugan.

8. Hindi mo kailangang mag-alala hangga’t iniinom mo ang iyong gamot

Ang isang karaniwang paniniwala tungkol sa type 2 diabetes ay kailangan mo lang uminom ng iyong gamot at magiging maayos ka. Habang sinisigurado mo ang importansya ng pag-inom mo ng gamot, ang paggawa ng mga pagbabago sa’yong lifestyle tulad ng pagbabago ng iyong diyeta, at pag-eehersisyo ay napakahalaga din.

Ang pagma-manage sa diabetes ay nangangailangan ng maraming pagsisikap, at ang simpleng pag-inom ng iyong gamot ay hindi palaging sapat.

9. Ang pagsusuri sa iyong blood sugar ay hindi ganoon kahalaga

Maaaring isipin ng ilang tao na maaari na lang nilang sukatin ang kanilang blood sugar levels depende sa kanilang nararamdaman, o sa pagkain na kanilang kinain noong araw na iyon. Ngunit hindi ito tumpak o ligtas na paraan para gamutin ang diabetes.

Mahalagang suriin ang iyong blood sugar levels, lalo na kung umiinom ka ng insulin, dahil ipinapaalam nito sa’yo kung tama ang iyong ginagawa, o kung kailangan mong gumawa ng ilang pagbabago sa lifestyle.

10. Ang type 2 diabetes ay hindi kasing seryoso ng type 1

Ang panghuli ngunit hindi papahuli, isa sa mga karaniwang paniniwala tungkol sa type 2 diabetes ay hindi ito kasingseryoso ng type 1.

Totoo naman na ang ilang mga kaso ng type 2 diabetes ay mas madaling makontrol, pero hindi nito ibig sabihin na hindi seryoso ang type 2 diabetes.

Ang mga komplikasyon para sa parehong mga kondisyon ay pareho, at kapwang serious health conditions ito na nangangahulugan na ang mga type 2 diabetic ay hindi dapat isawalang-bahala ang kanilang diagnosis. Dagdag pa, mahalaga para sa kanila na sundin ang mga utos ng kanilang doktor, maging ang paggawa ng mga hakbang para mapabuti ang kanilang pangkalahatang kalusugan.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Diabetes myths and facts: MedlinePlus Medical Encyclopedia, https://medlineplus.gov/ency/patientinstructions/000964.htm, Accessed October 8, 2020

Diabetes Myths – 10 Common Diabetes Myths, https://www.diabetes.co.uk/diabetes-myths.html, Accessed October 8, 2020

Facts and Myths | Diabetes & Nutrition Care | UofL Health, https://www.uoflhealthnetwork.org/diabetes-care-diabetes-facts-and-myths, Accessed October 8, 2020

Myths & facts – Diabetes Australia, https://www.diabetesaustralia.com.au/about-diabetes/myths-facts/, Accessed October 8, 2020

Type 2 Diabetes Myths and Facts – Intolife, https://www.intolife.in/about-diabetes/types-of-diabetes/type-2-diabetes/myths-and-facts, Accessed October 8, 2020

Top 5 greatest myths about diabetes – Diabetes Voice, https://diabetesvoice.org/en/advocating-for-diabetes/top-5-greatest-myths-about-diabetes/, Accessed October 8, 2020

Kasalukuyang Version

06/21/2023

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

Paano Nagiging Reversible Ang Renal Disease Sa Diabetes?

Pinakamainam Na Vitamins Para Sa Mga Diabetic


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement