Ang diabetes ay maaaring magdulot ng maraming seryosong komplikasyon sa isang tao. Isa na rito ang diabetic ulcer. Magbasa para matuto tungkol sa kung ano ang diabetic ulcer, ano ang mga sintomas ng diabetic ulcer, kung paano ito gagamutin, at kung paano ito maiiwasan.
Ano Ang Diabetic Ulcer?
Ang diabetic ulcer ay isang bukas na sugat o sore na sanhi ng komplikasyon ng diabetes. Karaniwang matatagpuan ang mga ito sa ilalim ng mga paa, ngunit maaari rin silang makita sa ibang bahagi ng katawan.
Ang ulcer na ito ay karaniwang nagsisimula bilang maliliit na sugat o paltos sa paa. Dahil sa mahinang sirkulasyon, ang mga sugat na ito ay naghihilom nang napakabagal, o hindi talaga. Ang mga ulcer ay kadalasang hindi napapansin dahil sa kakulangan ng pakiramdam sa paa na dulot ng pinsala sa ugat.
Sa paglipas ng panahon, ang mga ulcer na ito ay maaaring lumaki at maaaring maging impeksyon. Kung hindi ginagamot, maaari itong magdulot ng malubhang impeksyon at maaaring maging dahilan ng pagputol ng paa. Ang mga ulcer sa diabetes ay ang numero unong sanhi ng amputation sa mga diabetic.
Tinatayang humigit-kumulang 60% ng mga diabetic ang nagkakaroon ng nerve damage. Nangangahulugan ito na mayroon silang mas mataas na panganib ng mga ulcer, kaya mahalagang malaman ang mga senyales na dapat bantayan. Makatutulong na ito ay maiwasang lumala at magdulot ng mga impeksiyon.
Ano Ang Mga Palatandaan At Sintomas Ng Diabetic Ulcer?
May ilang mga palatandaan at sintomas ng diabetic ulcer na dapat bantayan, tulad ng sumusunod:
- Fluid draining sa sapatos o medyas
- Pamamanhid sa paa
- Pamamaga ng sugat sa paa
- Pamumula sa mga daliri sa paa
- Sa mas malalang mga kaso, maaari itong magdulot ng lagnat o panginginig
Bukod sa mga senyales at sintomas, narito ang ilang risk factor na maaaring tumaas ang panganib ng isang tao na magkaroon ng diabetic ulcer:
- Hindi makontrol na diabetes
- Ang pagiging obese o sobra sa timbang
- Nagkakaroon ng neuropathy o nerve damage
- Mahina ang sirkulasyon
- Katandaan
- Sobrang pag-inom ng alak
- Paninigarilyo
Ang mga taong may mataas na panganib ng diabetic ulcer ay dapat mag-ingat sa anumang mga sugat o sore na namumuo sa kanilang balat. Mahalaga rin na panatilihing kontrolado ang kanilang diabetes upang maiwasan ang mga seryosong komplikasyon.
Paano Ginagamot Ang Diabetic Ulcer?
Upang magamot ang kondisyong ito, kailangang sistematiko ang paggamot. Ang ibig sabihin nito ay bukod sa paggamot mismo sa ulcer, kailangan ding pangasiwaan ang diabetes para maiwasan ang mga karagdagang problema.
Narito ang ilang karaniwang paraan ng paggamot para sa diabetic ulcer:
Paglilinis At Debridement
Una, mahalagang panatilihing malinis at walang anumang dumi ang diabetic ulcer. Bagama’t ang mga ulcer ay maaaring linisin sa bahay, ang ilan ay maaaring mangailangan ng tulong medikal, lalo na para sa mas malubhang mga ulcer.
Ang karaniwang ginagawa ng mga doktor ay nagdidisimpekta at naglilinis ng mga sugat, at pagkatapos ay nag-aalis ng anumang patay na balat at tissue. Ito ay mahalaga dahil ang patay na balat at tissue ay maaaring humantong sa mga impeksyon.
Pagkatapos, lalagyan ng gasa (dressed in) ang mga sugat upang mapanatili itong malinis, at mapanatili ang isang mamasa-masang kaligiran na makakatulong sa paggaling.
Paggamot Upang Makaiwas Sa Impeksyon
Maaari ding makatulong ang gamot upang mapanatiling kontrolado sa mga impeksyon na dulot ng diabetic ulcer. Gayunpaman, mahalagang huwag mag-self-medicate, dahil maaari itong magdulot ng mas maraming problema.
Uminom lamang ng gamot kung inireseta ito ng doktor, at siguraduhing sundin ang kanilang mga tagubilin.
Pagpapanatili Na Kontrolado Ang Lebel Ng Asukal Sa Dugo (Blood Sugar)
Panghuli, mahalaga para sa mga pasyenteng may diabetic ulcer na panatilihing kontrolado ang kanilang lebel ng asukal sa dugo (blood sugar) dahil kung mataas ang kanilang asukal sa dugo (blood sugar), magtatagal pa bago gumaling ang ulcer.
Ang pagpapanatili ng maayos na lebel ng asukal sa dugo (blood sugar) ay nakatutulong din na maiwasan ang karagdagang mga ulcer na maaring mangyari, gayundin ang mga posibleng komplikasyon mula sa diabetes.
Paano Ito Maiiwasan?
Narito ang ilang paraan para maiwasan ang diabetic ulcer:
- Kumain ng masusustansyang pagkain, at iwasang kumain ng mataba, processed, maalat, at matatamis na pagkain.
- Mag-ehersisyo araw-araw, nang hindi bababa sa 30 minuto bawat araw.
- Panatilihin ang isang malusog na timbang.
- Subaybayan ang iyong lebel ng asukal sa dugo (blood sugar)
- Siguraduhing inumin ang iyong gamot sa pagpapanatili ng diabetes sa tamang oras.
- Tingnan ang iyong mga paa para sa anumang mga sugat, gasgas, o pinsala na maaaring humantong sa isang kondisyong ito.
Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tip na ito, maaaring mababaan ang iyong panganib sa pagkakaroon ng diabetic ulcer.
Matuto pa tungkol sa Komplikasyon ng Diabetes dito.