backup og meta

Epekto Ng Diabetes: Anong Mangyayari Kung Hindi Ito Gamutin?

Epekto Ng Diabetes: Anong Mangyayari Kung Hindi Ito Gamutin?

Maraming Pilipino ang pamilyar sa diabetes dahil isa itong malaking problema sa ating bansa. Karaniwan na may kilala tayo na may diabetes. Maaaring alam din ng ilan ang mga pangmatagalang epekto ng diabetes. Kabilang na ang komplikasyon sa paa, pinsala sa ugat, at atake sa puso.

Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang iba’t ibang pangmatagalang epekto ng pagkakaroon ng hindi nakokontrol na blood sugar dahil sa diabetes.

Ang Pangmatagalang Epekto Ng Hindi Nakokontrol Na Diabetes

Kahit na may ilang pagkakaiba ang type 1 at type 2 diabetes, mayroon silang pagkakaparehas. Ito ay ang pagkakaroon ng maraming glucose (isang uri ng asukal) sa iyong dugo. Sa katagalan, ang mataas na blood sugar na ito ay maaaring makapinsala sa katawan. Partikular na sa mga daluyan ng dugo na nag susupply sa organs, at nagreresulta sa iba’t ibang mga komplikasyon.

Foot Complications

Kung mayroong isang komplikasyon na madalas nauugnay sa diabetes, ito ang komplikasyon sa paa.

Dahil sa nabawasang suplay ng dugo at compromised nerve health, ang paa ng pasyente ay maaaring may:

  • Tumaas na panganib ng impeksyon
  • Nabawasan ang sensation
  • Pagkakaroon ng mga ulcer
  • Problema sa hitsura ng paa

Kung hindi maagapan, maaari itong mauwi sa pagputol ng nasabing paa.

Diabetic Neuropathy

Kapag sinabing neuropathy, ang tinutukoy ay “nerve damage.”Ang mga nerves ay mga koleksyon ng mga neuron o nerve cells na gumagana para magdala ng mga mensahe (electrical impulses) papunta at mula sa katawan at utak.

Tulad ng nabanggit, ang hindi nakokontrol na diabetes ay maaaring makapinsala sa mga daluyan ng dugo na nagbibigay ng sustansya sa nerve cells, sa huli ay nagpapababa ng kanilang function.

Halimbawa:

Ang isang taong hindi nakontrol ang mataas na blood sugar na nauugnay sa alinman sa type 1 o type 2 na diabetes ay maaaring makaranas ng pamamanhid o panginginig ng mga kamay at paa. Nangyayari ito dahil apektado na ang mga ugat na nakakaramdam ng init at pandama.

Kondisyon Ng Balat At Bibig

Ang ilan sa mga pangmatagalang epekto ng hindi nakokontrol na diabetes ay ang balat at bibig. Dahil sa blood vessel at nerve damage, ang mga diabetic ay maaaring magkaroon ng tuyong balat, lalo na sa kanilang mga paa. Ang mataas na blood sugar levels ay maaari ring ikompromiso ang kakayahan ng ating balat na protektahan tayo mula sa mga impeksyon.

Bukod pa rito, maaaring makaranas ng mga problema sa bibig tulad ng impeksyon sa gilagid, pagkabulok ng ngipin, sugat, at thrush ang isang taong may hindi magandang pagkontrol sa diabetes. Ang regular na pagbisita sa dentista ay dapat maging isang prioridad.

Hindi Gumagaling Na Sugat

Kumpara sa isang taong may healthy blood sugar, ang mga diabetic ay nakakaranas ng matagal na paggaling ng sugat, o paglala nito kung hindi tama ang paggamot. Ang mga diabetic ay hinihimok na maging mas maingat sa mga hiwa at sugat, at ang operasyon ay maaaring maging mas komplikado sa kanilang mga kaso.

Diabetic Nephropathy

Ang diabetic nephropathy ay ang isa pang pangalan para sa sakit sa bato na dulot ng diabetes. Ang ating mga bato ay pambihirang organs: naglalaman ito ng milyun-milyong mga capillary (maliliit na daluyan ng dugo) na nagsisikap na salain ang ating dugo at alisin ang mga nakakalasong dumi sa ating katawan. Kaya lang, kapag mayroon kang uncontrolled blood sugar level, maaaring masira ang pambihirang sistema ng pag-filter na ito.

Kapag mayroon kang unmanaged diabetes, ang mga bato ay kailangang mag-filter ng masyadong maraming dugo. Paglipas ng mga taon, maaaring mag “leak” ang mga filter, sa katagalan ay maglalabas ng mga protina na dapat sana ay ginagamit ng katawan. Ang mga protina ay malalaking molecules- sa normal na kondisyon, hindi sila dadaan sa mga butas ng mga filter.

Mula sa pagkakaroon lamang ng kaunting protina sa ihi (microalbuminuria), ang sitwasyon ay maaaring lumala. Sa pagtagal, maaari itong humantong sa ESRD o end-stage na sakit sa bato kapag hindi ginagamot ang kondisyon.

Diabetic Retinopathy

Hindi nakakagulat na ang isang tao ay mabulag dahil sa patuloy na mataas na glucose sa dugo. Ito ay dahil ang diabetic retinopathy ay isa sa maaaring komplikasyon ng diabetes. Tulad ng mga bato, ang ating mga mata ay may maraming maliliit na blood vessels na nagdudulot ng sustansya sa “seeing part” ng mga mata na tinatawag na retina. Kung mataas ang glucose levels, ang mga daluyan ng dugo na ito ay maaaring mag “leak, magkaroon ng mga bara, o tumubo nang random. Ang punto dito ay hindi matatanggap ng ating retina ang dugo na kailangan nito para makakita tayo ng maayos, na nagreresulta sa mga problema sa mata.

Mahalagang malaman na sa early stage, ang diabetic retinopathy ay maaaring walang sintomas. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang magpa check-up ng mata.

Cardiovascular Diseases

Kapag sinabi nating cardiovascular diseases, gumagamit tayo ng isang collective term para sa iba’t ibang kondisyon na nakakaapekto sa puso at mga daluyan ng dugo.

Ayon sa mga pag-aaral na kapag mayroon kang diabetes, maging type 1 o type 2, mas malamang na magkaroon ka ng mga cardiovascular disease. Ang mga CVD ay malubhang pangmatagalang epekto ng hindi nakokontrol na diabetes dahil maaari silang humantong sa mga nakamamatay na kondisyon tulad ng stroke at atake sa puso.

Ang Cardiovascular diseases dahil sa diabetes ay nangyayari dahil, tulad ng iba pang organs na nabanggit, ang ating puso ay higit na nakadepende sa suplay ng dugo. Kapag ang ating puso ay hindi nakakatanggap ng sapat na dugo, ito ay mawawalan ng oxygen. Ang kawalan na ito ay maaaring humantong sa isang atake sa puso (myocardial infarction).

Ang isang stroke ay nangyayari nang katulad – lamang, ang organ na apektado ay ang ating utak. Alam mo ba na ang mga taong may diabetes ay 1.5 beses na mas may panganib na magkaroon ng stroke kaysa sa mga walang diabetes? Kaya naman, para sa isang taong may diabetes, ang regular na konsultasyon sa isang doktor ay mahalaga.

Diabetic Ketoacidosis

Panghuli, mayroong diabetic ketoacidosis o DKA – isa sa mga pinaka-mapanganib na pangmatagalang epekto ng hindi nakokontrol na diabetes. Ang DKA ay itinuturing na isang medical emergency at ang pasyete ay dapat na maipasok sa ICU.

Narito ang ilan sa mga pangunahing konsepto ng DKA:

  • Pangunahing ginagamit ng ating mga cell ang glucose bilang enerhiya. Gayunpaman, para magamit natin ito, kailangan natin ng insulin. Tandaan na karamihan sa mga diabetic ay may mga problema sa insulin.
  • Kung walang insulin, ang glucose ay mananatili lamang sa dugo. Dahil dito ang ating cells ay hindi magkakaroon ng enerhiya na kailangan nito.
  • Ito ay maaaring mag-udyok sa ating katawan na gumamit ng taba para sa enerhiya.
  • Kapag gumagamit tayo ng taba para sa enerhiya, ang ating katawan ay naglalabas ng mga kemikal, mga ketone.

Sa ganitong sitwasyon, kapag masyadong maraming ketones maaaring maging acidic ang dugo na kondisyong tinutukoy natin na diabetic ketoacidosis. Ito ay maaaring humantong sa coma o kamatayan.

Ilan sa mga sintomas ng DKA na kailangang bantayan ay:

  • Kapaguran
  • Matinding uhaw
  • Pag-ihi nang higit kaysa normal
  • Mga palatandaan ng dehydration, tulad ng tuyong bibig

Tandaan din na kahit na ang DKA ay mas karaniwan sa Type 1 diabetes, maaari rin itong mangyari sa mga pasyenteng may Type 2 diabetes.

Iba Pang Pisikal Na Pangmatagalang Epekto Ng Diabetes

Bukod sa mga nabanggit sa itaas, ang isang taong may diabetes na hindi ito binantayan ay maaari ring ma kompromiso ang:

  • Immune system, dahil ang mataas na glucose sa dugo ay sagabal sa paggawa ng white blood cells
  • Thyroid function, na maaaring sobrang aktibo o hindi aktibo.
  • Sexual function; ang mga lalaki ay maaaring makaranas ng impotence o erectile dysfunction.

Key Takeaways

Dahil sa maaaring maging komplikasyon ng diabetes, ang pagkontrol ng blood glucose ay mahalaga.
Mahalaga ang regular na pagkonsulta sa iyong doktor. Ito ay upang kausapin sila tungkol sa mga lifestyle changes para makaiwas sa komplikasyon. Bilang karagdagan, alagaan ang mental health. Sa dami ng mga alalahanin, tulad ng pangangailangan para sa mga gamot at paghihigpit sa diet, maaari kang makaranas ng stress at pagkabalisa.

Matuto pa tungkol sa Komplikasyon sa Diabetes dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Complications of diabetes, https://www.diabetes.org.uk/guide-to-diabetes/complications, Accessed August 7, 2020

Complications of Diabetes, https://www.diabetes.org/diabetes/complications, Accessed August 7, 2020

Long-term complications of diabetes, https://medlineplus.gov/ency/patientinstructions/000327.htm, Accessed August 7, 2020

Diabetes – long-term effects, https://www.betterhealth.vic.gov.au/health/conditionsandtreatments/diabetes-long-term-effects#:~:text=Over%20time%2C%20high%20blood%20glucose,%2C%20gums%2C%20feet%20and%20nerves., Accessed August 7, 2020

Nerves and Diabetes, https://www.diabetes.co.uk/body/nerves.html, Accessed August 7, 2020

Kidney Disease (Nephropathy), https://www.diabetes.org/diabetes/complications/kidney-disease-nephropathy, Accessed August 7, 2020

When Blood Sugar Is Too High, https://kidshealth.org/en/teens/high-blood-sugar.html#:~:text=Having%20too%20much%20sugar%20in,vision%20problems%2C%20and%20nerve%20problems.,Accessed August 7, 2020

Kasalukuyang Version

01/26/2023

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Mangyayari Kapag Hindi Makontrol Ang Iyong Blood Sugar?

Paggamot sa Diabetic Neuropathy: Paano Mo Gagamutin ang Pananakit ng Nerve?


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement