Ayon sa mga eksperto, may pagtaas ng kaso ng diabetes sa Pilipinas, at ito ay itinuturing na isang epidemya sa bansa. Anu-anong mga bagay ang posibleng dahilan ng pagkakaroon natin ng diabetes? Alamin dito.
Katayuan ng Diabetes sa Pilipinas
Ayon sa International Diabetes Federation, ang prevalence rate ng diabetes sa bansa ay 6.3%. Ibig sabihin nito, sa lahat ng Pilipinong nasa hustong gulang, halos 4 na milyon ang may diabetes.
Ang mas nakababahala, hindi insinama ng IDF sa bilang na ito ang mga batang may Type 1 Diabetes. Hindi rin kasama sa datos ang mga taong may pre-diabetes. Ibig sabihin, maaaring higit na mataas pa ang bilang ng mga may diabetes sa Pilipinas.
Bukod dito, sinabi din ng World Health Organization noong 2016 na 6% na mga namatay sa Pilipinas ay namatay dahil sa diabetes.
May Pagtaas ng Kaso ng Diabetes sa Pilipinas
Bagamat hindi natin malalaman ang eksaktong pagtaas ng bilang ng mga kaso ng diabetes sa Pilipinas, may mga pag-aaral pa din na tumutukoy dito.
Halimbawa na lamang ay ang isang pag-aaral na tumagal ng 9 na taon na nagsabi na mayroong nakababahalang paglobo ng mga kaso ng diabetes sa bansa.
Ayon din sa 7th National Nutrition and Health Survey (NNHS) noong 2008, ang prevalence rate ng diabetes ay nasa 4.8% lamang. Ngunit limang taon makalipas nito, tumaas ang prevalence rate ng 0.6%.
Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng mga doktor ang agarang paggamot at pag-iwas sa diabetes.
Mga Posibleng Dahilan ng Pagtaas ng Kaso ng Diabetes sa Pilipinas
Sa isang ulat ng World Health Organization noong 2016, nabanggit na ang mga posibleng dahilan ng pagtaas ng kaso ng diabetes sa bansa ay mataas na timbang at kakulangan sa ehersisyo. Sa katunayan, sinabi sa ulat na:
- 3% ng mga Pilipino ay may mataas na timbang (overweight) habang 4.7% ay may obesity.
- 7% ng mga Pilipino ang hindi gaanong nag-eehersisyo.
Ayon din sa ulat ng The Food and Nutrition Research Institute (FNRI), sa kanilang 2018 Expanded National Nutrition Survey (ENNS), 28.8% at 9.8% ng mga Pilipinong nasa hustong edad ang overweight at obese.
Mga Posibleng Dahilan ng Mataas na Risk ng Diabetes
Ilang mga pag-uulat ang nagsabi na ang mga sumusunod ang posibleng dahilan kung bakit mataas ang timbang at hindi gaanong nag-eehersisyo ang mga Pilipino:
- Pagiging dependent sa mga gadgets: Maaaring ang pagiging dependent sa mga gadgets ang isa sa mga dahilan ng mataas na kaso ng diabetes sa Pilipinas. Maraming mga pag-aaral na ang nagsasabi na ang paggamit ng gadgets ay maiuugnay sa hindi pag-eehersisyo. Matatandaang ang hindi pag-eehersisyo ay isa sa mga posibleng dahilan ng pagkakaroon ng diabetes.
- Madalas na pag-kain ng white rice: Ang mga Pilipino ay kilala sa pag-kain ng white rice dahil ito ay maituturing na “staple food” o pagkaing hindi nawawala sa ating hapag-kainan. May mga pag-uulat na nagsasabing ang white rice ay may kinalaman sa mataas na risk ng pagkakaroon ng diabetes.
- Kakulangan sa Serbisyong Medikal: Isa pa sa mga posibleng dahilan ng pagtaas ng kaso ng diabetes sa Pilipinas ay ang kakulangan sa serbisyong medikal. Kadalasang hindi kasama ang diabetes sa insurance. At dahil dito, kinakailangang maglaan at magbayad ng malaking halaga para sa mga gamot at iba pang pangangailangan medikal.
Mga Serbisyong Makatutulong sa mga Pasyenteng May Diabetes
Upang mapababa ang mga kaso ng diabetes sa Pilipinas, ang Department of Health ay naglunsad ng mga sumusunod na serbisyo:
- Libreng diabetes risk screening sa mga health centers at pampublikong ospital
- Libreng mga gamot para sa mga may diabetes
- Patuloy na pagpapalawak ng kaalaman ng mga healthcare workers sa pag-manage ng diabetes
Iminungkahi pa din ng mga eksperto na mas makakabuti ang iwasan ang pagkakaroon ng diabetes. Ito’y maitutupad sa pamamagitan ng tamang nutrisyon, ehersisyo, at agarang check-up.
Learn more about Diabetes here.