backup og meta

Ano Ang Diabetes Insipidus? Alamin Dito Ang Sanhi, Sintomas, At Gamot Para Dito

Ano Ang Diabetes Insipidus? Alamin Dito Ang Sanhi, Sintomas, At Gamot Para Dito

Ano ang diabetes insipidus? Maaaring mapagkakamalan ng maraming tao ang diabetes insipidus bilang isang uri ng diabetes mellitus, tulad ng type 1 o type 2. Gayunpaman, ang diabetes insipidus at diabetes mellitus ay ganap na magkaibang mga kondisyon, at hindi man lang nauugnay sa isa’t isa.

Ngunit ano nga ba ang karamdamang ito? Anong mga sintomas mayroon ito, at paano ito ginagamot?

Ano Ang Diabetes Insipidus?

Ang diabetes insipidus ay isang kondisyon na nagiging sanhi ng madalas na pag-ihi ng isang tao. Ang terminong diabetes ay nangangahulugang “pumasa” at ang insipidus ay nangangahulugang walang lasa, at ito ay literal na isinasalin sa “pagpapasa ng walang lasa na ihi.” Ang diabetes na pamilyar sa atin ay diabetes mellitus, na nangangahulugang “pagpapasa ng matamis na ihi.”

Nangyayari ito dahil hindi mabalanse ng katawan ang mga antas ng likido. Sa isang malusog na tao, sinasala ng mga bato ang likido sa ating dugo upang maalis ang anumang basura. Ibinabalik ng mga bato ang karamihan sa na-filter na likidong ito pabalik sa daluyan ng dugo, habang ang isang maliit na pursyento ay nagiging ihi.

Gumagamit ang katawan ng hormone na kilala bilang ADH, o anti-diuretic hormone, upang maibalik ang na-filter na likidong ito pabalik sa daluyan ng dugo. Kung ang anumang bagay ay nakakaapekto sa produksyon ng ADH at nagiging sanhi ng pagbaba o paghinto nito, ang isang tao ay magsisimulang gumawa at maglabas ng maraming ihi. Ito ang tinatawag na diabetes insipidus.

Ano Ang Mga Sintomas Nito Ng Diabetes Insipidus?

Narito ang ilan sa mga posibleng sintomas ng karamdamang ito:

  • Madalas na pag-ihi
  • Regular na umiihi na maputla o malinaw na ihi
  • Pagkauhaw
  • Gigising sa gabi para lang umihi

Ang mga sanggol o bata na may ganitong karamdaman ay maaaring magpakita ng mga sumusunod na sintomas:

  • Pagbasa sa kama
  • Hirap makatulog
  • Lagnat
  • Pagsusuka
  • Pagbaba ng timbang
  • Naantala ang paglaki

Kung hindi magagamot, ang diabetes insipidus ay maaaring humantong sa mas malubhang komplikasyon. Kabilang dito ang talamak na dehydration, pagbaba ng temperatura, pagkapagod, pinsala sa bato, at maging ang pinsala sa utak.

Mahalagang tandaan na ang diabetes insipidus ay isang bihirang kondisyon. Kung madalas kang umiihi, hindi ito agad mangangahulugang ikaw ay may diabetes insipidus. Gayunpaman, magandang ideya pa rin na bisitahin ang iyong doktor dahil hindi normal ang madalas na pag-ihi.

Ano Ang Mga Sanhi Nito?

Ang mga sanhi ng karamdaman na ito ay maaaring mag-iba depende sa kung ano ang nagiging sanhi ng madalas na pag-ihi ng katawan. Kung ang katawan ay may kakulangan ng hormone na ADH, ito ay kinakategorya bilang central diabetes insipidus. Ito ay maaaring sanhi ng mga sumusunod:

  • Mga problema sa genetics
  • Pinsala sa ulo na nakasira sa pituitary gland o hypothalamus
  • Impeksyon
  • Sakit sa autoimmune
  • Mga tumor sa o malapit sa pituitary gland
  • Ang operasyon na nakasira sa pituitary gland

Sa kabilang banda, ang karamdaman na ito ay maaari ring sanhi ng kawalan ng kakayahan ng bato na tumugon sa ADH. Ito ay kilala bilang nephrogenic DI. Sa ganitong mga kaso, ang nangyayari ay ang katawan ay gumagawa ng ADH nang normal at sapat. Kaya nga lamang, hindi ito magamit ng mga bato. Narito ang ilang posibleng dahilan:

  • Pag-inom ng ilang gamot, tulad ng lithium
  • Mga problema sa genetiko
  • Abnormal na mataas na antas ng calcium sa katawan
  • Abnormal na mababang antas ng potassium sa dugo
  • Sakit sa bato

Paggamot

Ang paggamot para sa DI ay maaaring mag-iba depende sa sanhi. Kung ang sanhi ay ang hindi paggawa ng katawan ng sapat na ADH, maaaring magreseta ng artificial na hormone na kilala bilang desmopressin. Hindi nito ginagamot ang kondisyon, ngunit nakakatulong ito na pamahalaan ang mga sintomas ng DI.

Sa kaso ng nephrogenic DI, ang karaniwang salarin ay mga problemang nakaaapekto sa mga bato. So ang paggamot sa problemang iyon ay kadalasang nagreresulta sa pag-alis ng DI nang natural. Gayunpaman, kung hindi ito gumana, maaaring magreseta ang mga doktor ng gamot upang bawasan ang produksyon ng ihi at tumulong na pamahalaan ang mga sintomas.

Ang mga payo at babala para sa DI ay maaaring mag-iba depende sa sanhi. Ngunit para sa karamihan, hangga’t ang pasyente ay walang anumang malubhang problema sa kanilang kalusugan, ang paggamot ay maaaring maging matagumpay at ang pasyente ay maaaring mamuhay ng normal at malusog na buhay.

Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

1 Diabetes insipidus – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/diabetes-insipidus/symptoms-causes/syc-20351269#:~:text=Diabetes%20insipidus%20(die%2Duh%2D,you%20have%20something%20to%20drink., Accessed October 6, 2021

2 Diabetes insipidus: MedlinePlus Medical Encyclopedia, https://medlineplus.gov/ency/article/000377.htm, Accessed October 6, 2021

3 Diabetes Insipidus | NIDDK, https://www.niddk.nih.gov/health-information/kidney-disease/diabetes-insipidus, Accessed October 6, 2021

4 Diabetes Insipidus – StatPearls – NCBI Bookshelf, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK470458/, Accessed October 6, 2021

5 Diabetes insipidus – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/diabetes-insipidus/, Accessed October 6, 2021

Kasalukuyang Version

11/30/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Jezreel Esguerra, MD

In-update ni: Jezreel Esguerra, MD


Mga Kaugnay na Post

Mainam Ba Ang Avocado Para Sa May Diabetes?

Ano Ang Diabetes Mellitus? Heto ang Dapat Mong Malaman


Narebyung medikal ni

Jezreel Esguerra, MD

General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement