Karamihan sa mga kaso ng pancreatic cancer ay mahirap gamutin. Ito ay dahil kadalasan itong lihim na lumalaki at kumakalat bago pa man matuklasan. Ang edad ay ang pinakamalaking mapanganib na salik sa pagkakaroon ng pancreatic cancer. Bagama’t tumataas ang tyansa ng pagkakaroon nito habang tumatanda, karamihan sa mga kaso nito ay nangyayari sa mga pasyenteng higit edad 45. Sa katunayan, 70% ng mga tao ay higit edad 65 at 90% ay higit pa sa 55 taong gulang. Alamin sa artikulong ito kung paano maiiwasan ang pancreatic cancer.
Paano Maiiwasan Ang Pancreatic Cancer: Diet At Lifestyle
Nakalulungkot na sinoman ay maaaring magkaroon ng pancreatic cancer. Bagama’’t marami sa mga taong nagkaroon nito ay walang mga mapapanganib na salik, may ilang mga batid na kadahilanan. Iminungkahi ng maraming mga pag-aaral na ang pagiging overweight at hindi pag-eehersisyo ay maaaring makapagpataas ng tyansa ng pagkakaroon ng pancreatic cancer. Ang mga taong regular na nag-eehersisyo ay may tyansang magkaroon ng pancreatic cancer na tinatayang mas mababa nang kalahati kaysa sa mga taong lagi lamang nakaupo.
1. Diet
Sinubukang alamin ng maraming mga pag-aaral kung aling mga pagkain, kung mayroon man, ang nakaaapekto sa tyansa ng pagkakaroon ng pancreatic cancer. Subalit ang resulta ng mga ito ay hindi nakahadlang sa pagkakaroon ng anomang kapani-paniwalang konklusyon. Sa ilang mga pag-aaral, subalit hindi sa lahat, ang isang karaniwang American diet na mataas sa fat at processed food o pinausukang karne ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng pancreatic cancer. At sa ibang pag-aaral, ang malusog na diet na mayaman sa mga sariwang prutas at gulay ay natuklasang nagbibigay ng proteksyon laban sa sakit na ito. Sa mga pagsusuri, natuklasan kamakailan lamang na ang mga pinag-eksperimentuhang daga na pinakain ng diet na mayaman sa protina at fats ay nagkaroon ng pancreatic cancer.
Isang mahalagang tip kung paano maiiwasan ang pancreatic cancer: Ang American Cancer Society ay nagbigay ng payo tungkol sa pagsunod sa malusog na gawi sa pagkain na kinabibilangan ng maraming mga prutas, gulay, at whole grains at paglimita o pag-iwas sa mga mapupula at processed na karne, mga matatamis na inumin, at mga pagkaing lubhang sumailalim sa proseso.
Ang bitamina C at E at selenium ay nakabubuti sa kabuoang kalusugan. Posible ring nakatutulong ang mga ito upang maiwasan ang pancreatic cancer.
Ang pinakamainam na diet para sa kabuoang kalusugan ay ang diet na nagbibigay-tuon sa mga prutas at gulay, na may sakto lamang na lean meats. Ang pinakamabuting lifestyle para sa kabuoang kalusugan ay ang pagtigil sa paninigarilyo, pagsasagawa ng regular na ehersisyo, at pagkain ng balanseng diet. Ngunit walang napatunayang paraan kung paano maiiwasan ang pancreatic cancer.
2. Huwag manigarilyo
Matapos ang pagtigil sa paninigarilyo, ang tyansa ng pagkakaroon ng pancreatic cancer ay unti-unting bumababa. Sa katunayan, ang tyansa ng pagkakaroon nito ay bumababa sa puntong parehong lebel tulad ng hindi naninigarilyo. Ang paninigarilyo ay isang maiiwasang mapanganib na salik sa pagkakaroon ng pancreatic cancer. Ito ay nakapagpapataas ng tyansa sa isang tao na magkaroon ng sakit na ito nang halos dalawang beses kumpara sa mga hindi naninigarilyo.
3. Pag-iwas sa pag-inom ng alak
Isa pang paraan kung paano maiiwasan ang pancreatic cancer: bawasan ang pag-inom ng alak. Ayon sa ilang pag-aaral, ang labis na pag-inom ng alak ay may kaugnayan sa pagkakaroon ng pancreatic cancer. Ito ay maaari ding magresulta sa mga kondisyon tulad ng chronic pancreatitis, na kilalang nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng pancreatic cancer. May magkasalungat na ebidenya tungkol sa paggamit ng aspirin at NSAIDs, pag-inom ng alak at kape, at iba pang salik sa pagtaas (o pagbaba) ng tyansa ng pagkakaroon ng pancreatic cancer. Kailangang limitahan ang pag-inom sa hindi hihigit sa isang inumin kada araw.
4. Limitahan ang pagkakalantad sa mga tiyak na kemikal na ginagamit sa trabaho
Kung madalas na gumagamit ng mga kemikal sa trabaho, tiyaking sundin ang mga tagubilin sa ligtas na paggamit nito na mula sa iyong employer o union safety director.
Ang pag-iwas sa pagkakalantad sa mga tiyak na kemikal habang nasa trabaho ay maaaring makapagpababa ng tyansa ng pagkakaroon ng pancreatic cancer. Sa kabilang banda, ang pagkakalantad sa mga tiyak na kemikal ay maaaaring makapagpataas ng tyansa ng sakit na ito.
Key Takeaways
Ang regular na pag-eehersisyo, pagpapanatili ng malusog na timbang, at pagtigil sa paninigarilyo ay makatutulong upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng pancreatic cancer. Isaalang-alang ang mga paraang ito kung paano maiiwasan ang pancreatic cancer.
Matuto pa tungkol sa Pancreatic Cancer dito.