Ang mga opsyon sa pamamahala at gamot para sa prostate cancer ay nakasalalay sa ilang mga salik, tulad ng stage ng kanser at epekto nito sa pasyente. Narito ang buod ng karaniwang panggamot na inirerekomenda ng mga doktor para sa prostate cancer:
Aktibong pagsubaybay at maingat na paghihintay
Aktibong pagsubaybay
Mula sa tawag, ang aktibong pagsubaybay ay nangangahulugang ikaw ay “aktibong” sinusubaybayan ang iyong kondisyon. Bukod sa pag-obserba ng mga palatandaan at sintomas, kailangang regular na sumailalim sa mga screening test.
Sa panahon ng aktibong pagsubaybay, kasama sa mga pagsusuri ang blood test para sa mataas na antas ng prostate-specific antigen (PSA) at digital rectal exam (DRE). Bukod rito, ang doktor ay maaari ding magrekomenda ng mga biopsy.
Kung magbago ang mga resulta ng pagsusuri, ikaw at ang iyong doktor ay maaaring magsimula sa paggamot nito.
Maingat na paghihintay
Sa kabilang banda, ang maingat na paghihintay ay nangangahulugang hindi gaanong masinsinang pagsubaybay. Maaaring magkaroon ng mas kaunting pagsusuri na irerekomenda ng doktor. Magsisimula ang paggamot kung nakararanas ka ng mga pagbabago sa iyong mga sintomas.
Tandaan: Ang dalawang diskarte na ito ay kapaki-pakinabang anuman ang stage ng prostate cancer at kahit sa sandaling simulan mo ang paggamot. Gayunpaman, kadalasang itong inirerekomenda sa mga pasyente na:
- May mababang antas ng PSA
- Hindi nakararanas ng mga sintomas
- May maliit na tumor na hindi inaasahang tutubo
- At may tumor na nakakulong sa prostate
Operasyon
Isa sa mga pinakakaraniwang opsyon sa panggamot na magagamit, lalo na para sa maagang stage ng prostate cancer, ay ang operasyon. Partikular na ang radical prostatectomy. Ito ay proseso ng pag-alis ng buong prostate at mga nakapaligid na tisyu. Maaari ding alisin ang mga apektadong lymph node.
Tandaan: Maaaring magrekomenda ang doktor ng radical prostatectomy sa mga later stage ng cancer. Karamihan ng mga kaso, ang pasyente ay tumatanggap ng radiation therapy pagkatapos ng kanilang operasyon.
Radiation therapy
Ang radiotherapy ay isa pang karaniwang diskarte sa gamot para sa prostate cancer. Sa pamamaraang ito, gagamit ang doktor ng high-energy radiation upang patayin ang mga selula ng cancer.
Mayroong dalawang pangunahing uri ng radiotherapy:
Panlabas na radiation
Ito ay gumagamit ng radiation-emitting machine na nagta-target ng mga selula ng cancer mula sa labas ng katawan. Ang pamamaraang ito ay tinatawag ding external-beam radiation therapy.
Sa panahon ng pamamaraan, hihiga ka sa isang mesa habang ang makina ay gumagalaw sa iyong katawan. Karaniwan, kakailanganin mong magkaroon ng therapy na ito sa loob ng ilang araw sa isang linggo sa loob ng ilang linggo.
Panloob na radiation
Ang radioactive na materyal ay nakalagay sa catheter, buto, karayom, o kawad. Pagkatapos ay inilalagay malapit o direkta sa tumor. Tinatawag din itong implant radiation therapy o brachytherapy.
Tandaan: Maaaring magrekomenda ang doktor ng radiation therapy sa iba’t ibang stage ng prostate cancer, kadalasang may operasyon o hormone therapy.
Hormone Therapy
Ayon sa mga eksperto, ang male sex hormones (androgens) ay maaaring maging sanhi ng pag-unlad ng prostate cancer. Sa kadahilanang ito, maaaring magrekomenda ang doktor ng hormone therapy. Ito ay nag-aalis ng mga androgen o humaharang sa kanilang pagkilos. Sa partikular, ito ay tinatawag na androgen-deprivation therapy.
Ang ilan sa mga sangkap na magagamit para sa gamot sa prostate cancer ay:
- Abiraterone acetate, pumipigil sa mga selula ng cancer sa paggawa ng androgens.
- Anti-androgens, humaharang sa mga aksyon ng androgens.
- Mga gamot na pumipigil sa mga adrenal gland sa paggawa ng mga male sex hormone.
Tandaan: Maaaring magrekomenda ang doktor ng hormone therapy sa anumang stage ng prostate cancer.
Chemotherapy
Gumagamit ang chemotherapy ng mga gamot upang patayin ang mga selula ng cancer o pigilan ang mga ito sa paglaki. Maaaring ibigay ng doktor ang mga oral na gamot o sa pamamagitan ng injection sa kalamnan o ugat.
Tandaan: Sa pangkalahatan, hindi inirerekomenda ng mga doktor ang chemotherapy para sa stage 1, 2, at 3 cancer. Ang mga pasyente na may prostate cancer ay karaniwang nagsisimula ng chemotherapy kapag ang kanilang cancer ay nasa stage 4 na o kumalat na sa labas ng prostate gland.
Cryotherapy
Bukod sa mga napag-usapan natin, maaaring pumili ang doktor ng ibang gamot para sa prostate cancer na tinatawag na cryotherapy.
Ang mga lalaking hindi maaaring sumailalim sa operasyon o tumanggap ng radiation therapy ay maaaring cryotherapy ang maging rekomendasyon. Ito ang proseso ng pagyeyelo ng mga selula ng cancer, kabilang ang prostate. Maaari din itong irekomenda ng mga doktor sa bumalik na prostate cancer.
Tandaan: Hindi ito karaniwang pinipiling gamot sa prostate cancer.
Tandaan
Matuto pa tungkol sa Prostate Cancer dito.