Maaaring maging isang nakakaalarmang karanasan ang pakiramdam na mayroon kang kumakapal na tissue o bukol sa dibdib, maging sa ibang bahagi ng katawan. Ito ay marahil ang isang hindi maipaliwanag na bukol ay kadalasang tinuturing bilang isang posibleng senyales ng breast cancer.
Ngunit ang pangangapal ba ng tissue o pagkakaroon ng bukol ay awtomatikong bang nangangahulugan na mayroon kang cancer? O baka ito ay senyales ng isa pang hindi gaanong seryosong kondisyon?
Ano Ang Ibig Sabihin Ng Pangangapal o Bukol Sa Dibdib?
Karamihan sa mga kababaihan ay alam naman ang pangangailangan ng regular na pagpapatingin sa doktor para sa anumang pangangapal o pagumbok sa dibdib o sa iba pang lugar. Ang kamalayan nila patungkol dito ang maaaring makatulong sa kanila upang maaagang matuklasan at magamot ang cancer, kung mayroon man.
Gayunpaman, maaari ring itong humantong sa pagkaparanoid o masyadong pag-aalala, dahilan para isipin ang bawat pagbabago na nangyayari sa kanilang katawan.
Bagama’t totoo na ang pagkakaroon ng bukol sa dibdib ay isang dahilan ng pag-aalala, hindi ito awtomatikong nangangahulugan na ito ay cancer.
Ang mga bukol o tumor ay maaaring maging benign o malignant. Ito ay tinuturing na benign kapag hindi ito nakakapinsala. Samantala, ito naman ay malignant kung dapat itong ipagalala ng mga tao.
Sa katunayan, mas madalas kaysa sa hindi, ang mga bukol o pangangapal sa katawan ay karaniwang benign. Gayunpaman, mahalaga pa rin na magpasuri dahil ang tanging paraan upang malaman kung ito ay malignant o hindi ay sa pamamagitan ng biopsy.
Mayroong Iba’t Ibang Mga Sintomas Ang Breast Cancer
Ang isa pang dapat tandaan ng mga kababaihan ay ang mga bukol sa dibdib ay hindi lamang tanda ng breast cancer.
Sa katunayan, posibleng magkaroon ng breast cancer ang isang babae nang hindi nararanasan ang anumang senyales o sintomas. Ang mga sintomas ng cancer ay maaaring mag-iba sa bawat tao. Ito ay nangangahulugan na ang mga kababaihan ay nangangailan ng regular screening upang matiyak na sila ay walang cancer.
Narito ang iba pang posibleng sintomas ng breast cancer:
- Tenderness o pananakit malapit sa mga utong, o sa dibdib
- Pamamaga sa kilikili
- Malinaw o madugong discharge na nagmumula sa utong
- Pagbabago sa hugis, laki, o kulay ng utong
- Biglaang pagbabago sa hugis ng dibdib
Posible para sa mga kababaihan na maranasan muna ang mga sintomas na ito bago makaramdam ng anumang pangangapal o bukol sa dibdib, maging sa ibang pang parte.
Ito ang dahilan kung bakit hindi dapat isawalang-bahala ang anumang kakaibang pagbabago na nangyayari sa iyong katawan.
Kailan Ka Dapat Mag-Alala?
Isa pang bumabagabag sa isipan ng mga tao ay kung kailan dapat silang magsimulang mangamba tungkol sa sintomas ng cancer.
Ito ay marahil madaling matakot o mabalisa ang isang tao kung mapapansin niya ang biglaang pagbabago sa katawan. Bukod pa rito, pinadali ng internet para sa mga tao na suriin ang kanilang mga sintomas at magself-diagnose. Sa napakaraming magkakaparehang mga sintomas sa pagitan ng mga sakit, maaaring maniwala ang isang taong may simpleng sipon na mayroon silang cancer.
Tandaan, kung may napansin kang kakaiba sa iyong katawan, lalo na kung ito ay isang pangangapal o bukol sa dibdib, kahit sa iba pang lugar, kumunsulta na agad sa iyong doktor tungkol dito.
Ang iyong kondisyon ay maaaring canser o hindi, kaya walang silbi na mag-alala nang labis tungkol dito nang maaga. Ngunit pinakamainam pa rin na huwag isantabi ang anumang mga sintomas na iyong nararanasan.
Regular Na Magpatingin Para Sa Cancer
Ang isang bagay na dapat mong malaman tungkol sa canser ay kung gaano kahalaga ang early detection. Laging pinaalahanan na ang pagpapasuri sa lalong madaling panahon ang pinakamainam na gawin.
Bilang karagdagan, ang mga kababaihan na 50 taong gulang, o mga kababaihan na may history ng breast cancer sa pamilya ay dapat makakuha ng regular na screening. Ang pagsasagawa ng mammogram tuwing 2 taon ay makatutulong sa pagtuklas at paggamot ng cancer bago ito lumala.
Mahalaga ang pagsusuri sa cancer dahil sinusuri nito ang mga sintomas na maaaring hindi napapansin ng karamihan sa mga tao.
Halimbawa, ang isang mammogram ay maaaring magbigay sa mga doktor ng inside view sa mga suso. Nagbibigay-daan ito sa kanila na makita kung mayroong anumang hindi pangkaraniwang paglaki o bukol na maaaring maging dahilan ng pag-aalala.
Sa ilang mga kaso, maaaring hindi sapat ang isang mammogram upang ipakita kung ang isang bukol ay benign o malignant dahil maaaring magkamukha ang mga ito.
Sa mga ganitong sitwasyon, maaaring kailanganin ang isang biopsy upang suriin kung ito ay cancer o hindi.
Kung walang regular na screening, ang mga sintomas na ito ay maaaring hindi matukoy hanggang sa lumaki o kumalat ang cancer.
Ano Ang Mga Hakbang Upang Mabawasan Ang Panganib Ng Breast Cancer?
Narito ang ilang mga hakbang na maaari gawin ng mga kababaihan upang mapababa ang panganib ng breast cancer:
- Siguraduhing regular na magpa-screen lalo na kung mayroon kang kamag-anak na may breast cancer.
- Magsagawa ng breast self-check upang suriin kung may mga bukol sa iyong mga suso.
- Subukang limitahan ang iyong pag-inom ng alak.
- Kung ikaw ay naninigarilyo, pinakamahusay na ihinto ito sa lalong madaling panahon.
- Mag-ehersisyo nang hindi bababa sa 30 minuto bawat araw.
- Maaaring magpataas ng panganib ang menopausal hormone therapy. Kung kaya, nararapat na kausapin mo ang iyong doktor kung kinakailangan mong sumailalim sa naturang paggamot
- Subukang panatilihin ang malusog na timbang dahil maaari nitong mapababa ang iyong panganib ng cancer.
- Ang ilang mga gamot, tulad ng mga estrogen blocker ay maaaring makatulong na mapababa ang iyong panganib ng breast cancer.
- Sa ilang mga kaso, ang preventive surgery ay maaaring makatulong na maiwasan ang cancer, lalo na para sa mga babaeng may family history o genetic predisposition.
Pagdating sa posibilidad ng cancer, ang mahalagang bagay na dapat mong matandaan ay manatiling kalmado, at makipag-ugnayan sa iyong doktor kung may napansin kang kakaiba.
Sa mga advancements sa modernong medisina ngayon, ang breast cancer survival rates ay mataas naman.
Gayunpaman, ito ay magiging posible lamang sa early detection at paggamot.
Alamin ang iba pa tungkol sa Cancer dito.