backup og meta

Anu-ano ang Komplikasyon sa Gamutan ng Breast Cancer?

Anu-ano ang Komplikasyon sa Gamutan ng Breast Cancer?

Kung ang pag-uusapan ay ang paggaling mula sa breast cancer, magbibigay ang iyong doktor ng pinaka mainam na planong gamutan para sa iyo. Maaaring ito ay kombinasyon ng iba’t ibang medikal na pamamaraan. Maaaring kabilang dito ang gamutan, operasyon, o maging ang chemotherapy. Mahalaga na maunawaan ang mga ito at magtanong tungkol sa planong gamutan upang ganap na maunawaan ang mga banta at komplikasyon sa gamutan ng breast cancer.

Sa kabutihang palad, ang breast cancer ay nagagamot na sakit na may mataas na tsansa ng survival, lalo na kung maagang na-diagnose at nagamot. Gayunpaman, depende sa stage at pathology ng cancer, ang gamutan ay iba-iba sa mga babae.

Narito ang mga senyales na dapat alalahanin:

komplikasyon sa gamutan ng breast cancer

Available na Gamutan sa Breast Cancer

Sa kabutihang palad, mayroong advance na medisina at teknolohiya na nagbibigay ng gamutan na nakasasalba ng buhay para sa mga pasyente na may breast cancer.

Operasyon

Ang operasyon ay ang kadalasang kauna-unahang pamamaraan upang tugunan ang breast cancer. May dalawang uri nito:

  • Mastectomy. Ang mastectomy ay porma ng operasyon kung saan ang kabuuang suso ay tatanggalin. Depende sa pagiging malala ng kondisyon, isa o dalawang suso ang maaaring apektado.
  • Lumpectomy. Mas kaunting lala na porma ng operasyon kung saan ang tumor o ang apektadong bahagi ng suso ay tatanggalin.

Ang ilang mga uri ng komplikasyon sa gamutan ng breast cancer ay kabilang ang:

  • Chest wall hematoma, o pagdurugo sa loob matapos ang operasyon
  • Pamamaga ng dibdib 
  • Scar tissue o peklat
  • Impeksyon sa sugat
  • Pamamaga ng balat na nasa suso at kilikili
  • Pananatili ng fluid
  • Pamamaga ng mga braso dahil sa pagtanggal ng kulani

Matapos ang surgery, ang ilang mga babae ay maaaring makaranas ng depresyon o pagkabalisa, lalo na kung isa o parehong suso ang tinanggal. Lubos na ipinapayo ang therapy.

Bagaman mayroong banta at ilang mga komplikasyon sa gamutan ng breast cancer, higit pa rin ang positibong epekto nito na kawalan ng kanser sa hinaharap.

Chemotherapy

Ang chemotherapy ay karaniwang ipinapayo matapos sumailalim ng pasyente sa operasyon ng breast cancer upang mabawasan ang banta ng pagbalik ng kanser. Ang pagbabalik ng kanser ay karaniwang nakikita na paglago ng sakit, sa pagiging mas malala, at mas malignant kapag naulit.

Kung sasailalim sa chemotherapy na gamutan, maaaring makaranas ng karaniwang side effects tulad ng:

  • Madaling makaramdam ng pagkapagod
  • Madaling magkaroon ng pasa
  • Mataas na banta sa impeksyon
  • Pagkahilo at pagsusuka
  • Pagkalagas ng buhok

Maaaring maapektuhan ang ovaries sa chemotherapy. Mararanasan ang menopausal na sintomas tulad ng panunuyo ng ari, hot flashes, at pagkabaog.

Bagaman maaaring matagumpay ang chemotherapy sa pagpuksa ng cancerous cells, kailangan na maging handa sa mga komplikasyon sa gamutan ng breast cancer tulad ng:

  • Osteoporosis
  • Degenerative joints
  • Pagkapinsala ng puso
  • Mataas na banta ng impeksyon dahil sa mababang bilang ng white blood cells

Radiotherapy

Kilala rin ito sa tawag na radiation therapy. Ito ay gumagamit ng specialized high-energy beam upang i-target ang mga cancerous cells. Ang beam na ito ay may kakayahan na sirain ang DNA ng cells, na magpapahinto sa abilidad nito na magparami. Ito ay epektibong nakapagpapabawas ng pagdami ng cancer cells.

Ang komplikasyon sa gamutan ng breast cancer tulad ng radiotherapy ay kabilang ang mga sumusunod. Maaari itong maging sanhi ng:

  • Pagkaiba ng kulay ng balat o pagkasunog ng balat 
  • Pinsala at sakit sa puso, lalo sa kaliwang bahagi ng tumor sa suso
  • Pulmonya
  • Secondary kanser sa balat, bone at soft tissues

Hormone Therapy

Ang gamutan na ito ay nakapagpapabawas ng dami ng hormone na estrogen sa katawan at hinaharangan ito mula sa pag-trigger ng hormone-receptor-positive breast cancer cells sa suso. Ginagamit ang hormone therapy upang paliitin ang cancer cells at pabagalin ang pagdami nito. Ang pamamaraan na ito ay epektibo lamang sa cells na hormone-receptor-positive para sa breast cancer. Nagagawa ang estrogen sa ovaries para sa mga premenopausal na mga babae at sa fat tissues naman kapag post-menopausal.

Dahil naaapektuhan ng hormone therapy ang lebel ng estrogen sa katawan, maaaring maging sanhi ito ng mga sumusunod:

  • Pagtaas ng tsansa ng osteoporosis
  • Panunuyo ng ari
  • Pagkairita sa ari

Sa bawat lunas, kailangan maging handa na tanggapin ang mga posibleng komplikasyon sa gamutan ng breast cancer.

Ang gamutan ng breast cancer ay maaaring magpahaba ng buhay ng pasyente at makatulong na mapagtagumpayan ang breast cancer. Gayunpaman, kahit na ano ang lunas, maaaring mangyari ang komplikasyon at side effects. Sa ganitong mga sitwasyon, kailangan na kumonsulta ng mga pasyente sa doktor at gawin ang kinakailangan upang mabawasan ang banta ng pagkakaroon ng mas malalang problema.

Pagpaplano sa Iyong Gamutan

Sa pagpaplano na sumailalim sa gamutan, konsultahin ang iyong doktor. Unawain ang mga advantages, banta, at posibleng mga komplikasyon sa gamutan ng breast cancer. Mainam na manaliksik upang maglista ng mga tanong na maaaring itanong sa iyong doktor sa iyong sunod na appointment.

Iba-iba ang plano sa gamutan sa bawat kaso, depende ito sa uri ng cancer, stage, at pagiging malala ng iyong medikal na kondisyon.

Narito ang ilang mga tanong na maaaring itanong:

  • Ano ang mga options ko?
  • Bakit ito ang pinakamainam na plano na gamutan para sa akin?
  • Maaari mo bang ipaliwanag ang pagkakaiba ng phases/hakbang ng plano sa gamutan na ito?
  • Kung ako ay sasailalim sa gamutan na ito, ano ang mga banta?
  • Ano ang mga posibleng side effects at posibleng komplikasyon sa gamutan ng breast cancer?
  • Tataas ba ang aking survival rate sa pamamagitan ng gamutan na ito sa halip na iba?
  • Ano ang banta ng pagbabalik nito?
  • Paano maaapektuhan ng gamutan na ito ang aking pangmatagalang plano? Mapapahaba ba o mapapabuti nito ang kalidad ng aking buhay?

Kung natapos mo na ang listahan, maaari mo rin mapag-isipan ulit ang ilan sa mga plano at prayoridad mo sa iyong buhay. Sabihin ito sa iyong doktor. Maaaring kabilang dito ang pagkakaroon ng sariling pamilya sa hinaharap, na nagnanais ng breast reconstruction surgery at iba pa. Maaaring isulat ito ng doktor at ikonsidera ang mga ito sa pagsasagawa ng pinakamainam na planong gamutan para sa iyo.

Humingi ng Ikalawang Opinyon

Bago magdesisyon na sumailalim sa gamutan, maaari ka ring humingi ng ikalawang opinyon. Maaari kang humingi ng tulong sa iba pang doktor o espesyalista para sa diagnosis at ibang plano sa gamutan. Maaari silang magbigay ng kanilang ekspertong opinyon sa mga banta at komplikasyon sa gamutan ng breast cancer.

Sa pagkuha ng ikalawang opinyon, maaari kang:

  • Mas maging maalam tungkol sa iyong kondisyon
  • Matuto tungkol sa mga posibleng plano sa gamutan na available
  • Magpasya kung ang plano sa gamutan ay mainam para sa iyo kaysa sa ibang gamutan
  • Kumpirmahin ang pangunahing diagnosis ng iyong doktor at plano sa gamutan

Suporta sa Mental na Kalusugan

Karagdagan sa pagkonsulta sa espesyalista sa suso, maaari mo ring ikonsidera ang paghingi ng tulong sa espesyalista sa mental na kalusugan. Ang lunas sa breast cancer ay hindi lang nakaaapekto sa pisikal ngunit sa emosyonal at sikolohikal na pagkatao.

Ayon sa pag-aaral, ang depresyon ay maaaring makaapekto sa survival rate ng isang babae. Ang mortality rate ay 39 na beses na mas mataas sa mga pasyente na diagnosed ng major depression. Habang 26 na beses na mas mataas sa mga pasyente na may sintomas ng depresyon.

Isa pang pag-aaral ang binigyang-diin ang kahalagahan ng sikolohikal na suporta at interbensyon. Ang mga pasyente ng breast cancer na nakilahok sa group session na nagbibigay ng gabay sa paano mababawasan ang stress at nakapagpapabuti ng mood ay nagpakita ng 45% na pagbaba ng banta ng pagbabalik ng cancer at 56% naman na mas mababa na banta ng pagkamatay sa cancer.

Mahalagang Tandaan

Ang breast cancer ay nagagamot na sakit na maaaring tugunan ng maraming mga pagpipilian na gamutan, ngunit kailangan na maging handa para sa mga posibleng komplikasyon sa gamutan ng breast cancer.

Upang magkaroon ng mas maayos na kinalabasan, mainam na konsultahin ang iyong doktor at maging proactive sa pag-unawa ng iyong mga gamutan. Ang pagkakaroon ng pinaka mainam na medikal na interbensyon maging ang sikolohikal na suporta ay magpapabuti ng kalidad ng buhay at mababawasan ang banta ng pagbabalik ng breast cancer.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Babae rito.

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot. 

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Treatment and Side Effects, https://www.breastcancer.org/treatment, Accessed June 10, 2020

Depression as a predictor of disease progression and mortality in cancer patients, https://acsjournals.onlinelibrary.wiley.com/doi/full/10.1002/cncr.24561, Accessed June 10, 2020

Psychologic Intervention Improves Survival for Breast Cancer Patients: A Randomized Clinical Trial, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2661422/?tool=pubmed, Accessed June 10, 2020

Kasalukuyang Version

08/07/2022

Isinulat ni Jerra Mae Dacara

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Mga Sintomas ng Stage 2 Breast Cancer at Prognosis

Ano ang Lumpectomy? Heto ang Dapat Mong Malaman


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Jerra Mae Dacara · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement