Ang isa sa mga pinaka-karaniwang paraan para sa paggamot ng aneurysm ay ang brain aneurysm coiling. Isa itong mabisang paraan para siguruhin na hindi puputok ang mga aneurysm, at makakatulong din itong maiwasan ang patuloy na pagdurugo ng ruptured aneurysm. Pagkatapos ng coiling gaano katagal ang paggaling sa brain aneurysm?
Ano ang Brain Aneurysm Coiling?
Ang brain aneurysm coiling ay isang karaniwang pamamaraan na ginagamit upang gamutin ang aneurysm. Ito ay isang medyo bagong proseso na ipinakilala lamang noong ’90s.
Bago ito, ang clipping, na gumagamit ng mga clip upang putulin ang daloy ng dugo, ay ang karaniwang pamamaraan.
Ito rin ay isang minimally invasive na pamamaraan. Ang ibig sabihin nito ay hindi ito nangangailangan ng pagbubukas ng bungo ng pasyente upang gamutin ang aneurysm.
Gayunpaman, ang proseso ay nagsasangkot ng paggamit ng mga coils na gawa sa platinum upang epektibong harangan ang daloy ng dugo, at nagiging sanhi din ng pamumuo ng dugo. Pinipigilan nito ang pagkawasak ng aneurysm, at pinipigilan din ang anumang pagdurugo.
Mahalagang gumamit ng mga platinum coils, dahil ang platinum ay isang nonreactive na metal. Nangangahulugan ito na hindi ito nagko-corrode o kinakalawang kung ilalagay sa loob ng katawan.
Para sa procedure na ito, ang mga surgeon ay gumagamit ng isang maliit na catheter, at pinatataas nila ito sa isang arterya sa singit, o kung minsan sa braso. Gumagamit ang mga surgeon ng fluoroscopy, o isang espesyal na uri ng x-ray, upang gabayan ang catheter pataas sa arterya ng tao. Ang surgeon ay maingat na minamaniobra ang catheter sa pamamagitan ng arterya hanggang sa utak ng pasyente, kung saan matatagpuan ang aneurysm.
Kapag naroon na, ang surgeon ay gumagamit ng mas maliit na catheter na may mga coils na nakakabit dito. Kapag ang surgeon ay sigurado na ang catheter ay nasa aneurysm na, ang mga coils ay inilalagay sa loob. Depende sa kung gaano kalaki ang aneurysm, maaaring kailanganin ng higit sa isang coil.
Ang procedure na ito ay may napakapositibong success rate, at karamihan sa mga pasyente ay hindi nakakaranas ng mga problema pagkatapos ng coiling. Posibleng mabigo ang isang coiling procedure, ngunit ito ay isang bihirang pangyayari.
Paggaling sa brain aneurysm pagkatapos ng coiling
Ang recovery time pagkatapos ng brain aneurysm coiling ay depende sa ilang bagay. Kabilang dito kung ang aneurysm ay pumutok o hindi at ang pangkalahatang kalusugan ng pasyente.
Dahil minimally invasive ang coiling, mas mabilis ang pagbawi kaysa sa ibang mga procedure.
Ang mga pasyente na hindi pumutok ang aneurysm ay makakauwi sa susunod na araw kung minsan, pagkatapos magpalipas ng gabi sa ICU. Ngunit para sa mga pasyente na may ruptured aneurysm, ang mga pasyente ay maaaring manatili sa ICU sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo.
Ano ang dapat gawin ng mga pasyente pagkatapos ng operasyon?
May ilang mga bagay na kailangang tandaan ng mga pasyente pagkatapos ng brain aneurysm coiling.
Makakatulong ang mga ito na palakasin ang kanilang paggaling, pati na rin tiyakin na magiging matagumpay ang pamamaraan. Narito ang ilan sa mga paalala na ito:
Pisikal na Aktibidad
Pagkatapos ng procedure, ang mga pasyente ay pinapayuhan na iwasan ang anumang mabigat na pisikal na aktibidad sa loob ng hindi bababa sa 3 araw. Kasama na rin dito ang pag-akyat sa hagdan.
Gayunpaman, ang pagtayo, paglalakad, at paggawa ng mga magaan na aktibidad sa paligid ng tahanan ay okay lang. Dapat ding iwasan ang pagmamaneho maliban kung pinayagan ng surgeon na nagsagawa ng procedure.
Diet
Pinapayuhan ang mga pasyente na huwag uminom ng anumang alak. Dahil ito ay nagpapanipis ng dugo at maaaring magdulot ng pagdurugo.
Sa pagkain, ang mga pasyente ay maaaring bumalik sa pagkain ng kanilang karaniwang diet sa loob ng ilang araw. Gayunpaman, magandang ideya na tumuon sa pagkain ng mas maraming prutas at gulay. Ipinapayo din ang mga low-fat na pagkain para sa mga pasyenteng nagpapagaling mula sa brain aneurysm coiling.
Gamot
Maaaring payuhan ang mga pasyente na nagpapagaling sa brain aneurysm na huwag munang uminom ng ilan sa kanilang mga gamot. Karaniwang kasama sa mga ito ang blood-thinning medications tulad ng aspirin, dahil maaaring makagambala ang mga ito sa recovery process.
Siguraduhing makipag-usap tungkol dito sa iyong doktor, at sundin nang mabuti ang kanilang payo.
Mga sitwasyong pang-emergency
Normal na makaranas ng kaunting pananakit at bahagyang pagdurugo pagkatapos ng operasyon, ngunit hindi normal ang labis na pananakit at patuloy na pagdurugo. Kung mangyari ito, humingi kaagad ng medikal na atensyon.
Ganoon din ang gagawin kung nakakaranas ka ng anumang mga sintomas ng aneurysm, o kung masama ang pakiramdam mo.