Team Chocolate, Team Vanilla, o Team Mint Chip, lahat tayo ay may paboritong flavor ng ice cream. Ang frozen treats at malalamig na inumin ay masasarap na desserts at tumutulong sa atin na magpalamig sa mainit na mga araw. Kaya lang, kung minsan ang pagpapalamig ay maaaring literal na umabot sa ulo natin. Karaniwang nangyayari ang brain freeze, pero ano nga ba ito? Masama ba ang brain freeze o pang-inis lang ito? Alamin natin dito.
Ano ang Brain Freeze?
Marami sa atin ang nakaranas na ng brain freeze bago pa man natin nalaman ang tawag dito. Ang brain freeze ay kilala rin sa iba pang mga pangalan, tulad ng “ice cream headache,” “cold-stimulus headache,” “cold neuralgia,” at “sphenopalatine ganglioneuralgia.”
Ang sensation ay inilalarawan na isang matinding, matalim, o tumitibok na sakit ng ulo sa paligid ng noo at mga sentido. Ito ay sanhi ng pagkain o pag-inom ng malamig na bagay. Tumatagal ang pakiramdam ng halos isang minuto o higit pa pagkatapos ay nawawala.
Kung paano nangyayari ang brain freeze at ang dahilan nito ay hindi lubos na nauunawaan. Gayunpaman, karamihan sa mga siyentipiko ay naniniwala na ang nerves sa palate ng bibig ay sensitibo sa mga pagbabago sa temperatura.
Pero masama ba ang brain freeze? Karaniwang nangyayari ang brain freeze kapag may napakalamig na iniinom o kinakain nang napakabilis. Ang reflex ay maihahambing sa kung paano tayo umuubo kung kumain tayo ng isang bagay nang napakabilis o hindi ito nginunguya. Ang totoo, ito ay isang paraan para sabihan tayo ng ating katawan na huwag magmadali.
Masama ba ang Brain Freeze?
Sa kabutihang palad, ang brain freeze ay hindi mapanganib. Hindi kailangan ng treatment dahil nawawala ang sensation pagkatapos ng ilang minuto o higit pa kapag huminto ka na sa pagkain o pag-inom. Kadalasan, karamihan sa pananakit ng ulo ay hindi mapanganib pero maaaring magpahiwatig ng underlying condition.
Kung nakakaranas ka ng pananakit ng ulo nang mas matagal kaysa karaniwan o kahit pagkatapos ihinto ang malamig na inumin at pagkain, maaaring may pinagbabatayan na problema. Ang patuloy na pananakit ng ulo o migraine ay maaaring ma-trigger ng stress, lagnat, abnormal na pattern ng pagtulog, at maging ang malalakas na ilaw at amoy.