Karaniwang nakakaranas ng sakit ng ulo ang mga tao, lalo na kapag stressed, pagod, at puyat. At kahit na madali naman ang uminom ng over-the-counter na mga gamot, gusto pa rin muna natin ng natural na paraan. Isang opsyon ang massage therapy. Anong mga uri ng masahe para sa sakit ng ulo ang nakakatulong? Alamin dito.
Masahe para sa Sakit ng Ulo: Ligtas ba ito?
Una sa lahat, ligtas ba ang massage therapy kapag nakakaranas ng sakit ng ulo?
Sa kasalukuyan, wala tayong katibayan laban sa kaligtasan ng masahe sa ulo. Kung meron man, maraming mga ulat ang nagsasabi na ang pagmamasahe ng noo, sentido, o anit ay kapakipakinabang. Kung tutuusin, ang massage therapy ay isang lumang paraan. At marami sa atin ang ginagawa ito sa halos anumang masakit na bahagi ng katawan.
Ngunit kahit na karaniwang ligtas ang masahe sa ulo, dahil walang mga gamot na kasama, hindi lamang ito ang dapat asahan para magamot ang sakit ng ulo. Ito ay lalo na kung ang pag-atake ay nangyayari nang matindi at madalas.
Ang pinaka mainam ay kumonsulta sa iyong doktor. Tutulungan ka nilang malaman ang dahilan ng mga pag-atake ng sakit ng ulo. At magrerekomenda ng mga tamang interbensyon.
Mga Posibleng Benepisyo
Maaaring ligtas ang masahe para sa sakit ng ulo, pero epektibo ba ito?
Inilabas ng American Massage Therapy Association ang isang position statement. Sinasabi dito na ang massage therapy ay maaaring maging epektibong paggamot para sa tension headache. O sa “araw-araw” na pananakit ng ulo. Gayunpaman, wala silang binanggit tungkol sa iba pang mga uri, tulad ng migraine at cluster headache.
Bukod sa sakit ng ulo, ang massage therapy ay maaari ring magsulong ng pagkapal ng buhok at mabawasan ang blood pressure.
Mga Uri ng Masahe para sa Sakit ng Ulo
Kung kinikilala ng mga eksperto ang potensyal ng massage therapy upang gamutin ang sakit ng ulo, anong mga uri ng masahe ang epektibo?
Masahe sa anit
Ayon sa pahayag ng American Massage Therapy Association, ang scalp massage o masahe sa anit ay maaaring makatulong na mapabuti ang tension headaches.
Upang magawa ito, maupo ng komportable. Kung gumagamit ka ng oil, takpan ng tuwalya ang mga balikat mo. Gamitin ang mga daliri upang dahan-dahang mag-masahe ng banayad hanggang sa katamtamang diin sa iyong anit. Gawin ang pabilog na galaw sa pagmamasahe at tiyaking masahehin ang lahat ng bahagi. Maaari mong i-massage ang iyong anit nang hindi bababa sa 5 minuto bago banlawan ang oil (kung gumamit ka).