backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

Alamin: Sanhi ng Delirium at Confusion

Narebyung medikal ni Nicole Aliling, MD · Neurology · Centre Médicale Internationale


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

    Alamin: Sanhi ng Delirium at Confusion

    Ang delirium, o deliryo, gaya ng karaniwang tawag sa Pilipinas, ay isang kondisyon na maaaring narinig na ng mga tao, ngunit hindi pamilyar. Dito, tatalakayin natin kung ano ang nagiging sanhi ng delirium at confusion, pati na rin ang mga sintomas ng kondisyong ito.

    Ano ang Sanhi ng Delirium at Confusion?

    Karaniwang naririnig sa Pilipinas ang katagang “nagde-deliryo” o pagiging delirious. Karaniwang ibig sabihin nito na ang isang tao ay nalilito, o wala sa tamang estado ng pag-iisip.

    Sa puntong medikal, ang ibig sabihin ng delirium ay ang isang tao ay nagdurusa sa isang malubhang kaguluhan sa pag-iisip. Maaaring makita ang isang tao na confused o nalilito sa kanyang paligid. Kadalasan, ang isang taong dumaranas ng delirium ay walang ideya kung kung anong nangyayari sa kanyang paligid.  

    Ang isang mahalagang pagkakaiba ay ang delirium ay hindi isang sakit. Nangangahulugan ito na ang isang taong dumaranas ng delirium ay maaaring may isa pang problemang nagdudulot ng pagbabago sa kalagayan niya sa pag-iisip.

    Sa mga matatanda, ang delirium ay minsan ay napagkakamalang dementia o Alzheimer’s disease. Gayunpaman, ang isang malaking pagkakaiba ay ang delirium ay kadalasang nangyayari nang mabilis. Karaniwan din itong reversible habang ang dementia ay hindi. Tumatagal lamang ng ilang oras o araw para magkaroon ng kapansin-pansing senyales ng delirium ang isang tao. Sa kabilang banda, ang dementia ay maaaring tumagal ng mga buwan o taon bago mapansin ang mga sintomas.

    Para sa mga sanhi nito, may ilang mga bagay na responsable para sa delirium at confusion. Narito ang ilan sa mga ito:

    Alcohol o drug withdrawal

    Isa sa mga karaniwang sanhi ng delirium ay kapag ang isang taong lulong sa droga o alak ay biglang huminto. Ito ay maaaring maging sanhi ng isang reaksyon, na humahantong sa delirium.

    Ang dahilan sa likod nito ay ang kanilang katawan ay nasanay na sa droga at alak, na ang pagtigil nito ay biglang nagdudulot ng masamang reaksyon. Bilang resulta, ang isang taong dumadaan sa withdrawal ay maaaring makaranas ng mga seizure, at delirium. Ito ay maaaring tumagal sa buong oras na ang kanilang katawan ay nasa withdrawals.

    Lalong lalo na, ang mga taong nakakaranas ng alcohol withdrawals ay mas-prone sa delirium.

    Malubhang Medikal na Kondisyon

    Sa ilang mga kaso, ang mga seryosong kondisyong medikal tulad ng atake sa puso, stroke, sakit sa atay, o maging ang malubhang pagkahulog ay maaaring magdulot ng delirium. Ito ay dahil kung minsan ang mga kondisyong ito ay maaaring magdulot ng pagbaba sa paggana ng utak.  

    Dahil dito, ang isang tao ay maaaring makaranas ng delirium at confusion kung ang kanilang kondisyon ay malubha.

    Mababang sodium levels

    Ang pagkakaroon ng mababang level ng sodium, o hyponatremia, ay maaari ding magdulot ng delirium. Kapag ang isang tao ay may hyponatremia, ang dagdag na tubig sa katawan ay nagsisimulang makapasok sa mga selula, kaya ang mga ito ay namamaga.

    Nangangahulugan din ito na ang ating mga brain cell o neuron ay nagsisimula nang bumukol dahil sa hyponatremia. Bilang resulta, itinutulak ng utak ang bungo, at maaaring magdulot ng malubhang pinsala.

    Ang delirium ay isa lamang sa mga posibleng epekto ng hyponatremia. Ang mga taong may hyponatremia ay maaaring ma-coma, o mamatay kung ang kanilang kondisyon ay hindi ginagamot nang maayos.

    Lagnat, lalo na sa mga bata

    Maaari ring makaranas ng delirium ang mga bata kung sila ay may mataas na lagnat. Ang mga lagnat ay nangyayari bilang natural na tugon ng immune system sa tuwing nagkakasakit ang isang tao. Kapag may mataas na temperatura, nangangahulugan na sinusubukan ng katawan na patayin ang anumang impeksyon na nagpapasakit sa isang tao. 

    Gayunpaman, kapag ang temperatura ng katawan ay tumataas, maaari ring maapektuhan ang utak. Ito ay maaaring humantong sa mga kaso na ang isang taong may mataas na lagnat ay dumaranas ng confusion, hallucination, at delirium.

    Karaniwan, ang ganitong uri ng delirium ay pansamantala, at dapat na mawala kapag ang tao ay gumaling. 

    Kulang sa tulog

    Kailangan ng ating katawan ang sapat na tulog bawat araw. Dapat tayong magkaroon ng 7 hanggang 9 na oras ng tuloy-tuloy na pagtulog bawat gabi.

    Gayunpaman, kung ang isang tao ay kulang sa tulog, pwede itong maging sanhi ng delirium at confusion. Ang dahilan nito ay kailangan din ng ating utak na mag-break at magpahinga. Kung tayo ay gising nang matagal, tulad ng higit sa tatlong gabing walang tulog, maaaring makaranas ng delirium, o maging hallucinations.

    Pananakit

    Panghuli, ang matinding pananakit ay maaaring magdulot ng delirium. Partikular dito ang mga matatandang pasyente na may dementia na kilalang nakakaranas ng delirium kapag sila ay nasa matinding pananakit.

    Ang mga taong may malubhang karamdaman at may matinding pananakit ay maaari ding makaranas ng delirium. Ito ang dahilan kung bakit ang ilang mga pasyente ay kailangang mapakalma upang makatulong na mapawi ang kanilang anxiety at agitation.

    Key Takeaways

    Dapat palaging seryosohin ang delirium. Kahit na ito ay pansamantalang kondisyon, may mga kaso kung saan ang delirium at confusion ay nagdudulot ng pangmatagalang epekto sa kalusugan para sa mga pasyente. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangan ang agarang paggamot upang matulungan ang mga pasyente na gumaling sa anumang sanhi ng delirium at confusion sa lalong madaling panahon.

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyung medikal ni

    Nicole Aliling, MD

    Neurology · Centre Médicale Internationale


    Isinulat ni Corazon Marpuri · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement