Madalas ka bang mag-diet at mag-ehersisyo subalit hindi ka pa rin pumapayat? Kung “oo” dapat mong malaman ang mga dahilan kung bakit nagaganap ito sa iyong sarili dahil ang pagbaba ng timbang ay nangangailangan ng mahabang proseso. Subalit may mga pagkakataon pa rin na kahit subukan mo ay hindi ka pa rin pumapayat. Basahin ang artikulong ito para malaman ang mga posibleng dahilan kung bakit hindi pumapayat kahit mag-diyeta at ehersisyo ka.
Ang weight-loss plateau ay isang yugto sa pagpapapayat ng isang tao kung saan parang walang pag-unlad na nangyayari. Nakakadismaya na makita ang numero sa weighing scale na hindi gumagalaw kahit sobrang sinusubukan mong magkaroon ng healthy lifestyle. Ngunit sa isang punto, maaaring nararanasan ito ng lahat. Lalo na kung nakakagawa sila ng kaunting pagsasaayos ng plano sa ehersisyo at diyeta.
Ano ang mga Dahilan Kung Bakit Hindi Pumapayat?
Ang mga sumusunod ay maaaring ang dahilan kung bakit hindi pumapayat at parang hindi nababawasan ang iyong timbang.
Stress
Hindi karaniwan na nakikita ang stress bilang isang salarin sa hindi pagbaba ng timbang sa kabila ng maraming negatibong epekto nito sa ating katawan. Sa pagbaba ng timbang, ang stress ay maaaring magresulta sa mas mabagal na metabolismo at pagtaas ng timbang.
Kapag nai-istress ka ang katawan ay naglalabas ng mga stress hormone, cortisol, at betatrophin, na nagpapataas ng taba sa tiyan. Ito ang pangunahing dahilan ng mabagal na metabolismo at labis na pagkain. Ang stress ay maaari ring makaapekto sa kagustuhan ng isang tao na mag-ehersisyo at mag-commit sa kanilang pagbabawas ng timbang.
Tandaan mo na kapag nakararanas ka ng chronic stress, pinakamahusay na kumunsulta sa isang propesyonal para maayos nilang matugunan ang iyong kondisyon.
Kulang sa tulog
Ang kakulangan sa tulog ay isa ring dahilan kung bakit hindi pumapayat kahit nagda-diet at nag-eehersisyo ka. Kapag palagi kang kulang sa tulog, naaapektuhan ang hormones sa katawan. Dahil bumababa ang antas ng leptin habang tumataas naman ang iyong ghrelin. Ang hormone na leptin ay responsable para sa pagsasaayos ng iyong enerhiya at pagtigil sa iyong appetite. Habang ang ghrelin ay isang hunger hormone na nagpapasigla sa iyong appetite at dahilan ng iyong pagnanais upang kumain pa.
Pagkonsumo ng masyadong maraming calories
Kapag nagsimula kang magbawas ng timbang, bumababa ang calorie requirement ng iyong katawan. Ngayon na nagkakaproblema ka sa pagpapababa ng timbang, marahil ay kailangan muling tingnan kung gaano karaming calories ang natutunaw sa isang araw. Ito ay sa pamamagitan ng gaano karaming calories ang iyong nasusunog. Mas mabuti kung sisimulan mong subaybayan ang iyong calorie intake, lalo na kapag kumakain sa labas, para maiwasan ang labis na pagkain.
Pagkawala ng lean muscle mass
Ang malaking amount ng lean muscles ay tumutulong sa katawan na magsunog ng mga calorie nang mas mabilis. Isa itong magandang bagay kung ikaw ay pumapayat. Sa madaling sabi, maaaring dahil sa pagkawala ng lean mass kung bakit hindi pumapayat kahit nagda-diet at ehersisyo ka.
Ang pagkawala ng muscle mass ay nangyayari dahil sa ating pagtanda o kawalan natin ng pagsasagawa ng mga aktibidad. Sa sandaling maabot mo ang edad na 30, maaari kang magsimulang mawalan ng 3% hanggang 5% ng muscle mass bawat dekada. At kung bigla kang huminto sa pag-eehersisyo at wala ka ng oras para maging aktibo, malamang na mawalan ka ng mas maraming kalamnan, na maaaring makaapekto sa’yong timbang.
Patuloy na paggawa ng parehong mga pag-eehersisyo
Ang paulit-ulit na pag-eehersisyo ay hindi makatutulong sa pagbabawas ng timbang dahil ang pagsunog ng calories ay magiging mas mahirap kapag ang iyong katawan ay umangkop sa nakagawiang routine. Ito ang dahilan kung bakit ang pagpapalit ng iyong workouts ay isang mahusay na paraan para mapanatili ang iyong motibasyon at upang mabawasan ang iyong timbang. Maaari mong sanayin ang iba’t-ibang grupo ng iyong muscle sa ilang partikular na araw para magdala ng pagkakaiba-iba sa’yong mga pisikal na gawain.
Ano ang Higit na Mahalaga sa Pagbaba ng Timbang: Mag-ehersisyo o Diyeta?
Mga sanhi ng medikal
Kadalasan, ang mga taong nagda-diet at nag-eehersisyo ngunit hindi pumapayat ay dumaranas ng ilang problema sa kalusugan. Ang ilang mga sakit tulad ng Cushing’s Syndrome at hypothyroidism ay nagpapabagal sa metabolismo at ito ay humahantong sa hindi pagbaba ng timbang.
Ang pag-inom ng ilang mga gamot ay maaari ring makaapekto sa pagbabawas ng timbang. Kasama sa mga gamot na ito ay ang mga steroid, SSRI, antidepressant, beta-blocker, antipsychotic at anticonvulsant na gamot, pati na rin ang insulin at iba pang mga gamot para sa diabetes.
Genetics
Maaaring makaapekto ang iyong genes sa kung paano ka magpapayat at magpapataba. Ayon sa Harvard Health ang genes ng ilang tao ay pwedeng makaapekto sa kanilang timbang ng 25% na maaaring umabot hanggang sa 80%.
Dagdag pa rito, siguradong mahihirapan kang magbawas ng timbang kung taglay ang mga sumusunod:
- Parehong sobra sa timbang ang iyong mga magulang o kadugo.
- Ikaw ay sobra sa timbang sa karamihan ng mga taon ng iyong buhay.
- Hindi ka nakakabawas ng timbang sa kabila ng pagtaas ng intensity at dalas ng iyong pag-eehersisyo at paggawa sa isang strict diet.
Pagkawala ng Pasensya
Bakit hindi pumapayat? Ang pagbaba ng timbang ay isang mahabang proseso. Maaaring tumagal ka ng ilang linggo, at ilang buwan bago mo mapansin ang anumang pisikal na pagbabago. Maaari mong mapansin sa timbangan na hindi ito nagpapakita ng anumang pag-unlad at pwedeng hindi mo ito nakikita sa pisikal. Ngunit ang pagdidiyeta at pag-eehersisyo ay gumagawa ng mabuti sa iyong katawan. Lagi mong tandaan na ang pagbabawas ng timbang ay hindi lamang ang sukatan ng kalusugan.
Huwag mo ring kakalimutan na ang iyong pagiging mainipin ay maaaring makaapekto sa’yo ng negatibo sa paghahangad ng pagkakaroon ng healthier lifestyle, kung saan pwede itong mapataas ng lebel ng iyong stress na nararamdaman.
Key Takeaways
Ang malusog na pagbaba ng timbang ay maganda para mapalakas ang iyong kumpiyansa at pagpapahalaga sa sarili. Gayunpaman, kung nahihirapan kang makamit ang layunin, marahil oras na para kumonsulta sa isang propesyonal. Ito ay upang malaman kung bakit hindi pumapayat sa kabila ng diyeta at ehersisyo.
Kapag nahanap mo na ang problema, mas madaling tugunan ang hamon sa iyong fitness journey. Ang pagkonsulta sa isang propesyonal, isang doktor, o isang dietitian ay isang magandang hakbang na makakatulong sa’yo.
Matuto pa tungkol sa Diet at Pagbaba ng Timbang, dito.
[embed-health-tool-bmi]