Ang ringworm, o buni sa Filipino, ay hindi isang uri ng uod ngunit isang skin infection. Alamin dito ang mga sanhi ng buni at iba pang kaalaman tungkol dito.
Ano Ang Buni?
Ang ringworm (tinea corporis) ay isang rash na ang pangunahing sanhi ay fungal infection. Ang rash na ginagawa nito ay pabilog, kaya rin ito tinatawag na ringworm. Iba-iba rin ang tawag sa buni, depende sa kung aling bahagi ng katawan ang nahawa dito.
Ang mga taong mayroong buni ay nakakaranas ng halu-halong mga sintomas, at karamihan ng mga ito ay nakakaapekto sa balat. Heto ang ilang sintomas:
- Pagkakaron ng makaliskis na bilog na rash sa infected na area
- Matinding pangangati
- Mapupulang bumps sa paligid ng rash
- Bilog na rashes na nagpapatong-patong at nakausli ng kaunti
- Nagiging flat at nagkakaroon ng irritation ang balat
Bagama’t hindi naman nakamamatay ang buni, hindi nito ibig sabihin na okay lang na balewalain ang mga sintomas na ito. Ito ay dahil kung hindi ito agad gamutin, posibleng magkaroon ng resistance sa anti-fungal na gamot ang infection, at magiging mas mahirap itong gamutin.
Kung hindi mabisa ang over-the-counter na medication, mabuting kausapin ang iyong doktor upang magpareseta ng gamot na mas mabisa sa buni.
Sanhi Ng Buni
Kung tutuusin, madali lamang malaman kung paano nagkakaroon ng buni ang isang tao dahil iisa lang ang sanhi nito: Posibleng magkaroon ng impeksyon mula sa contact sa ibang tao na may buni o kaya paghawak sa mga kanilang mga gamit na infected na rin ng buni. Mas nagkakaroon ng buni ang mga bata ngunit maaari ring magkaroon nito ang mga matatanda.
Bagama’t madalas na tao sa tao ang pagkahawa ng buni, hindi naman ito ang nag-iisang sanhi ng buni. Ito ay dahil maaari ring magkaroon ng buni ang tao sa iba’t-ibang mga paraan. Kabilang na ang mga ito:
- Hayop sa tao. Ang mga hayop na mayroong buni ay maaaring makahawa ng mga tao. Madalas itong nangyayari lalong-lalo na sa mga alagang hayop sa bahay, o kaya sa mga nag-aalaga rin ng baka na karaniwang nagkakaroon ng buni.
- Bagay sa tao. Hindi kinakailangan ng buni na manatili sa balat ng isang tao o hayop para makahawa. Sa katotohanan, ang paghawak sa suklay, at paggamit ng kumot o kaya kama ng taong may buni ay sapat na upang makahawa ng iba. Ito ang dahilan kung bakit kinakailangang linisin ang gamit ng isang taong may buni upang hindi ito makahawa ng iba.
- Lupa sa tao. Bihira man itong nangyayari, pero posibleng mahawa ng buni ang isang tao kung magkaroon ng contact sa infected na lupa. Ito ay dahil posibleng manatili ang fungi na nagdudulot ng buni sa lupa, at kung mahawakan ito ng isang tao ay may posibilidad na mahawa sila.
Uri Ng Buni
Bukod sa sanhi ng buni, mahalaga ring alamin kung anu-anong mga lugar ang puwedeng magkaron ng buni. Heto ang ilang bahagi ng katawan na madalas magkaroon ng buni:
- Anit: tinea capitis
- Katawan: tinea corporis
- Balbas: tinea barbae
- Paa: tinea pedis, or athlete’s foot
- Singit: tinea cruris, jock itch, o hadhad sa Tagalog
Ano ang sanhi ng buni? Ito ay nagmumula sa tao, hayop, bagay o lugar na may buni. Ang buni ay madalas mahahanap sa mga lugar na mamasa-masa at madilim, kaya’t madalas itong tumutubo sa singit, kilikili, at iba pang bahagi ng katawan. Hindi lang pangangati ang naidudulot ng buni, ngunit paminsan ay kahihiyan na rin para sa mayroon nito. Ang pagkakaroon rin ng buni sa buong katawan ay posibleng sintomas ng iba pang kundisyon, kaya mahalagang magpakonsulta agad sa doktor kung mayroon kang buni sa buong katawan. Matuto pa tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat dito.