Karaniwan ang pagkakaroon ng mapula at makating pantal lalo na kapag may kagat tayo ng insekto. Gayunpaman, maaari ding indikasyon ito ng pagkakaroon ng buni na isang klase ng impeksyon sa balat. Sa artikulong ito, alamin kung ano ang gamot sa buni at papaano ito gagamutin nang mabilis.
Ano Ang Ringworm Infection o Buni?
Sa kabila ng katawagan nito sa ingles na “ringworm,” wala itong kinalaman sa anumang uri ng uod o bulate. Sa halip, ito ay sanhi ng dermatophytes na isang uri ng fungi.
Upang malaman kung mayroon kang ringworm infection o buni, kailangan mong tingnan ang iyong balat kung mayroong pulang mga batik o pantal. Karaniwang bilog o hugis singsing ang pantal, makaliskis at may nakaangat o kurbadang hugis ang palibot nito. Maaaring makati ang buni, ngunit may mga kaso rin namang hindi.
Saan mo maaaring makita ang mga pantal na ito? Ayon sa mga doktor, puwede mo itong makita saan mang bahagi ng iyong katawan gaya ng:
- Gitnang bahagi ng katawan, mga braso, at binti
- Mga paa (mas kilala sa tawag na athlete’s foot)
- Mga kuko sa kamay at paa
- Singit (na sanhi ng jock itch)
- Anit
- Mukha
Gamot Sa Buni
Una, mahalagang malaman na mabilis kumalat ang impeksyong ito. Maaari itong kumalat sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan o makahawa sa ibang tao sa pamamagitan ng physical contact. Narito ang ilang halimbawang sitwasyon kung saan maaari itong makahawa:
- Kinamot mo ang iyong buni at inihawak sa ibang bahagi ng katawan
- Hinawakan mo ang iyong buni at saka ka humawak sa ibang tao
Posible ring makahawa ng fungi na ito sa pamamagitan ng mga kontaminadong gamit gaya ng medyas, sapatos, tuwalya, at damit. Kaya naman, iwasan ang pagpapahiram ng mga damit at gamit.
1. Gumamit Ng Topical Treatment
Ano ang gamit sa buni na mabilis at epektibo? Ang pinakamabilis na paraan ay sa pamamagitan ng gamot. Maaaring magbigay ang iyong doktor ng antifungal cream o lotion na puwede mong direktang ipahid sa apektadong bahagi ng iyong katawan.
Kadalasan, dalawang beses mong kailangang pahiran ng cream o lotion ang buni sa isang araw — isang beses sa umaga at isa sa gabi. Bagaman magsisimulang mawala ang mga pantal pagkaraan ng ilang araw na tuloy-tuloy na pagpapahid nito, maaaring ipayo ng iyong doktor na ipagpatuloy pa ang paggamit sa loob ng isang buwan upang matiyak na hindi na babalik ang impeksyon.
Inirerekomenda ng mga doktor na kailangang ipahid ang cream o lotion hanggang lagpas sa paligid ng pantal. Ayon sa mga eksperto, sa oras na makita mong nawawala na ang mga pantal, hindi na ito makapanghahawa pa.
Paalala: Sa pagpapahid ng topical treatment, gumamit ng cotton balls (bulak) o tissue. Paraan ito upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon sa iba pang bahagi ng iyong katawan.
2. Linisin At Patuyuin Nang Mabuti Ang Buni
Isa pang mahalagang paraan upang gamutin ang buni nang mabilis ay sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis at tuyo nito. Nabubuhay ang fungi sa mainit-init at mamasang (moist) lugar.
Linisin ang buni gamit ang sabon at tubig, saka patuyuin nang mabuti.
Isa pang mahalagang paalala: Gumamit ng hiwalay na tuwalya para sa iyong buni. Huwag gamitin ang tuwalyang ginagamit din sa ibang bahagi ng katawan.
Dagdag pa, labhan ang tuwalyang ginamit sa buni sa mainit at masabong tubig bago gamitin ulit.
3. Panatilihing Tuyo Ang Apektadong Lugar Na May Buni
Baka maisip mo na kailangang takpan ang iyong buni upang hindi mo mahawakan o makamot nang hindi sinasadya at maikalat pa ito.
Gayunpaman, sinasabi ng mga eksperto na upang mas mabilis itong magamot, kailangang panatilihin itong tuyo at hayaang “makahinga.” Ang paggamit ng mga benda o pantakip sa buni ay nagiging dahilan ng pamamasa (moist) na lalong bumubuhay sa fungi. Ibig sabihin, pinababagal ng pamamasa ang paggaling ng buni.
Isa pang paraan upang mapanatiling tuyo ang parteng may impeksyon ay sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagsusuot ng mga damit, sapatos, o medyas na madali kang pagpawisan. Kung nag-wo-work out ka, maligo, patuyuing mabuti ang katawan (lalo na ang bahaging may pantal), at magpalit ng bagong damit.