Bagaman iniisip ng ilan na mas delikado ang sobrang katabaan o pagiging obese kaysa sa pagiging underweight, ang totoo, pareho itong may mga banta sa kalusugan. Kaya naman, kung ikaw ay underweight, dapat mong sikapin na magpataas ng timbang para maabot mo ang normal na BMI range. Batay sa pananaliksik, ang healthy na pagdaragdag ng timbang ay 1-2 pounds sa bawat linggo; pero paano mo iyon magagawa? Anong mga pagkain ang dapat mong kainin at totoo bang kailangan mong uminom ng mga vitamins para tumaba?
Kailangan Mo Bang Uminom ng mga Vitamins Para Tumaba?
Kung nahihirapan kang magpataba at nanghingi na ng mga payo galing sa maraming tao, baka narinig mo na ang payong uminom ka ng vitamins para “tumaba.” Pero totoo ba ito?
Batay sa mga pananaliksik, ang sagot ay hindi; ang mga bitamina ay hindi naman talaga nagiging dahilan ng pagtaba. Hindi sa pamamagitan lamang ng mga ito. Ang mga taong tumaba nang sila ay uminom ng mga bitamina, batay na rin sa mga pananaliksik, ay maaaring may maling pag-unawa sa kabuoan ng kanilang lifestyle at diet.
Halimbawa, ang iba ay umiinom ng multivitamins dahil ramdam nila na may mga kulang na micronutrients sa kanilang kinakain. Para mapunan ito, umiinom sila ng mga supplements. Gayundin naman, posible rin na kahit umiinom sila ng mga supplements, ang mga taong ito ay hindi naman gumagawa ng mga hakbang para sa mas malusog na pangangatawan. Ang mga hindi tamang pagpiling ito ay maaaring magdulot ng pagtaba o hindi pagkabawas ng timbang.
Gayunpaman, hindi maling sabihin na may mga bitamina na tunay na nakatutulong sa pagpapataba lalo na kung sasamahan ng tamang pagkain. Ang pag-inom ng mga multivitamins ay pwedeng makapagpataas ng tyansa na makuha ng iyong katawan ang mga sustansyang kailangan nito para sa maayos na pagkilos.
Ano ang Tamang Vitamins Para Tumaba?
Habang ang mga bitamina ay maaaring makatulong sa katawan para sa maayos na pagkilos, ang dalawang ito ay ang mga bitamina para sa pagpapataba:
- Mga Bitaminang B. Maraming mga tao na may kakulangan sa Vitamin B ang pwedeng magkaroon ng mga eating disorders na pwedeng makahadlang sa kanilang pagpapataba. Karagdagan pa, ang mga bitaminang B ay nakatutulong para sa pagto-tone ng mga muscle. Bukod dito, ang ibang bitaminang B pa nga ay nakatutulong para sa pagko-convert ng carbohydrates para maging enerhiya, na isang mahalagang bahagi ng metabolismo. Ang kakulangan sa bitaminang B1 (Thiamine) ay pwedeng maging dahilan ng pagpayat. Ang kakulangan naman sa B9 at B12 ay pwedeng maging dahilan ng pagkakaroon ng anemia, isang kondisyon na pwedeng maging dahilan ng pagkawala ng gana sa pagkain na siya namang magiging dahilan ng pagpayat.
- Bitamina C. Ang Vitamin C ay aktibong nagpapalakas ng ating immune system kaya napo-protektahan tayo nito mula sa iba’t ibang mga sakit na nagiging dahilan ng pagpayat. Sinasabi pa nga ng mga doktor na isa sa mga sintomas ng kakulangan sa Bitamina C ay ang pagpayat.
Mga Pagkaing Dapat mong Kainin upang Tumaba
Bukod sa paghahanap ng mga vitamins para tumaba, mainam na magpokus sa iyong kinakain at nutrisyon. Narito ang mga mungkahing pagkain na makatutulong sa iyo para sa pagpapataba:
Red Meat
Ang mga red meat ay mayaman sa leucine, isang amino acid na isa sa mga bitaminang nakatutulong para sa pagpapataba. Ito ay dahilan ang leucine ay nakatutulong sa mucle protein synthesis. Karagdagan pa, ang red meat ay mayaman sa creatine. Ang mga muscle-building supplements na mabibili ay mapapansing may sangkap na creatine.
Salmon at Natural na Mamantikang Isda
Gaya ng red meat, ang salmon at ang mga natural na mamantikang isda ay may mataas na protina. Sa katunayan, mayroon ang mga ito na omega-3 fatty acids na nagbibigay-proteksyon laban sa iba’t ibang mga karamdaman. Ilan sa mga karaniwang natural na mamantikang isda ay ang mackerel, herring, trout, at sardinas.
Keso, Gatas, at Yogurt
Tiyak na matutuwa kang malaman na kung gusto mong tumaba, makatutulong sa iyo ang keso. Hindi lang ito basta mataas sa protina, ang keso ay may mataas na calorie content at masarap. Ang mga pinakamainam na kesong iyong kainin ay ang feta, mozzarella, cream cheese, at kesong mula sa kambing.
Ang gatas at yogurt, gaya ng cheese, ay may mataas din na protina. Mayroon itong carbohydrates, calcium, fats, at iba pang mahahalagang vitamins para tumaba at minerals din. Para sa yogurt, piliin ay yung full-fat na uri nito.
Buong Itlog
Nagtataka ka ba kung bakit ang mga body-builder ay mahilig sa buong itlog? Ito ay nag-uumapaw ang mga ito sa masustansyang protina at mga fats na mahalaga para sa pagpapataba. Isa pa, maaari itong ihalo sa iba’t ibang mga putahe.
Kanin at Tinapay na Whole Grain
Para sa mga taong walang gana sa pagkain, ang kanin ay isang magandang opsyon dahil pwede itong isama sa mga masasarap na ulam. Mataas ang calories na makukuha rito at masustansya rin. Ang mga tinapay naman na whole grain, ay mayaman sa starch na nakatutulong sa pagpapataba. Karagdagang benepisyo pa nito ay mataas ito sa fiber, na mainam sa pagtunaw ng pagkain.
Mani at Peanut Butter
Sa pagpapataba, kailangan na ang bawat kinakain ay masustansya, kailangan din ng meryenda. Ang mani at peanut butter ay mainam na pang-meryenda. Ang mga ito ay masustansya, mataas sa calories, at pwede kainin nang hiwalay o isama sa mga smoothy at yogurt.
Avocado
Mainam ang avocado sa pagpapataba dahil marami itong sustansya gaya ng omega-3 fatty acids, fiber, mga vitamins para tumaba, at mga mineral. Higit pa rito, mataas ito sa calorie.
Mga Pagkaing Dapat mong Iwasan para Tumaba
Kahit na ikaw ay nagpapataba, hindi pa rin tama na kumain nang kumain ng mga hindi masusustansyang pagkain. Ang mga mga ito ay ang mga pagkain na walang calorie (gaya ng mga junk food) at iyong mga mataas sa saturated at trans fat. Oo, sinasabi ng mga eksperto na pwede namang mag-“cheat” sa iyong diet sa pamamagitan ng pagkain ng mga cake, tinapay, at ice cream paminsan-minsan pero ang maramihang pagkain ng mga ito o ng ibang mga pagkaing matatamis ay hindi pa rin hinihikayat.
Karagdagang Tips para sa Pagpapataba
- Kumain ng lima hanggang anim na small meals kaysa sa dalawa hanggang tatlong large meals.
- Uminom ng mga masusustansyang inumin gaya ng mga smoothy na gawa sa mga prutas at gulay.
- Pag-isipan ang oras ng pag-inom. May mga taong nawawalan ng gana sa pagkain dahil umiinom sila bago kumain. I-try na uminom habang o pagkatapos kumain.
- Lagyan ang mga putahe ng mga pagkaing puno ng sustansya at may mataas na calorie content gaya ng keso, binating itlog, o gatas na fat-free.
Tandaan
Naghahanap ka pa rin ba ng bitamina para sa pagpapataba? Kung oo, sikaping mas maging maingat sa iyong mga kinakain. Habang mas kumakain ka ng masusustansyang pagkain, mas marami kang makukuhang bitamin at minerals na kakailanganin mo hindi lang para tumaba kundi pati na rin para mas maging malusog.
Isinalin sa Filipino ni Marie Kristel Corpin
[embed-health-tool-bmr]