Bago natin alamin ang mga sintomas ng UTI, alamin muna natin kung ano ang kondisyong ito.
Ang urinary tract infection (UTI) ay nangyayari dulot ng pagkakaroon ng bakterya sa urinary system. Hindi karaniwan ang pagkakaroon ng bakterya sa urinary system dahil ito ay nailalabas sa katawan sa pamamagitan ng pag-ihi. Nagkakaroon ng impeksyon kung ang bakterya ay hindi nailabas sa katawan, sanhi upang ang mga ito ay lumaki at kumalat sa ibang organs ng urinary system.
Mga Sintomas Ng UTI
Narito ang mga karaniwang sintomas ng UTI:
- Biglaan at hindi makontrol na pangangailangang umihi
- Madalas na pangangailangang umihi
- Pag-ihi nang mas madalas
- Nahihirapang magsimula sa pag-ihi
- Pananakit at/o burning sensation habang umiihi
- Pagtagas ng ihi
- Madalas na paggising sa gabi upang umihi
- Kakaunting ihi sa kabilang ng hindi makontrol na pangangailangang umihi
- Pagkakaroon ng dugo sa ihi
- Pananakit ng gitnang bahagi ng ibaba ng tiyan
- Ihi na may mabahong amoy
Kabilang sa mga malulubhang sintomas ng UTI ay ang mga sumusunod:
- Pagduduwal
- Pagsusuka
- Lagnat na mayroon o walang panginginig
- Pananakit ng likod
Mga Payo Upang Hindi Maistorbo Ang Pagtulog Sa Gabi Dulot Ng Mga Sintomas Ng UTI:
Ang mga problema at pananakit ng tiyan na may kaugnayan sa pag-ihi ay hadlang upang ang isang tao ay magkaroon ng payapa at hindi naaabalang tulog sa gabi.
Ang iritasyon ng pantog at hindi mabilang na pagpunta sa banyo ay maaaring maging malubhang sanhi ng alalahanin. Narito ang ilang mga payo na dapat sundin upang hindi maistorbo ang pagtulog sa gabi dulot ng mga sintomas ng UTI.
1. Limitahan ang pag-inom ng tubig at iba pang fluids sa gabi
Syempre, mahalagang manatiling hydrated sa buong araw upang maibsan ang mga sintomas ng UTI, subalit hindi sa mahimbing na pagtulog. Kaya, ang sikreto sa payapang pagtulog sa gabi ay ang pag-iwas sa pag-inom ng maraming tubig matapos ang oras ng pagkain.
2. Iwasan ang mga pagkain/fluids na makapagpapalubha sa kondisyon ng pantog
Ito ay lalong mahalaga para sa fluids na nagpapalubha sa kondisyon ng pantog. Kabilang dito ang diuretics (kape at tsaa) kasama ng tsokolate ay mga pagkaing maaanghang.
Ang ilang pang mga halimbawa ay ang kamatis at mga pagkaing gawa sa kamatis, at mga acidic na prutas tulad ng oranges, suha, lemon, at iba pa. Maaari mong bawasan ang pagkain ng mga ito ilang oras bago matulog.
3. Gumawa ng paraan upang mailabas ang lahat ng laman ng pantog bago matulog
Ang pagtulog nang may pakiramdam na hindi kompletong nailabas ang lahat ng laman ng pantog ay maaaring maging dahilan upang magising sa kalagitnaan ng pagtulog. Ito ay nagreresulta ng madalas na pangangailangang pumunta sa banyo. Maaari din itong maging sanhi ng pag-ihi sa kama.
Pumunta muna sa banyo bago matulog at maglaan ng ilang minuto upang mailabas ang lahat ng laman ng pantog. Madalas na ipinapayo ang pag-upo sa inidoro, pagyuko nang kaunti paharap, at ilagay ang iyong mga kamay sa iyong tuhod o hita. Ang posisyong ito ay pinaniniwalang nagbibigay ng pressure sa pantog upang kusang mailabas ang laman nito.
4. Iskedyul ang pagpunta sa banyo tuwing gabi
Gumawa ng alarms kada ilang oras para umihi, upang magkaroon ng payapang tulog sa buong magdamag. Makatutulong ang alarms na ito upang mailabas ang lahat ng laman ng iyong pantog sa regular na pagitan at upang hindi maistorbo ang pagtulog.
Epektibo rin ito upang masanay ang iyong pantog na magkaroon ng pangangailangang umihi kada lilipas ng ilang oras at hindi magtagal sa buong gabi.
5. Gumamit ng pads o diapers para sa mga nakatatanda
Ang pagtagas ng ihi ay karaniwang sintomas ng UTI. Madalas itong nakaiistorbo ng pagtulog. Kailangang magpalit ng damit at minsan maging ng kobrekama dahil dito. Ito ay malaking abala sa pagtulog.
Madaling maiiwasan ito sa pamamagitan ng paggamit ng diapers para sa mga nakatatanda na makatutulong upang maiwasan ang pagtagas ng ihi. Ito rin ay nakapagpapagaan ng sitwasyon dahil hindi na kailangan ang madalas na pagpunta sa banyo tuwing gabi.
Ang ibang alternatibo sa diapers para sa mga nakatatanda ay ang absorbent briefs na sadyang ginawa upang makontrol ang pagtagas ng ihi. Siguraduhing magsuot ng cotton underwear na nagbibigay ng sapat na breathing space sa pribadong bahagi ng iyong katawan. Napabababa nito ang tyansa ng paglubha ng mga sintomas ng UTI.
6. Inumin ang mga iniresetang gamot
Maaaring resetahan ka ng yong doktor ng mga gamot upang makontrol ang pag-ihi sa gabi. Madalas na kabilang sa mga gamot na ito ang alpha blockers, anticholinergics, o mirabegron, na nakapagpaparelaks ng pantog.
Ang fesoterodine ay isa ring gamot na napatunayang epektibo sa pagkontrol ng ihi ng sa gabi, kaya’t matitiyak ang masarap na pagtulog.
Maaari ding irekomenda ng iyong doktor ang mga gamot na mabibili nang walang reseta (OTC o over-the-counter) tulad ng Azo-Standard o phenazopyridine. Ang mga ito ay kumokontrol sa spasms ng pantog, sa pananakit, at sa dalas ng pangangailangang umihi.
Ang mga gamot na ito ay maaaring may ilang side effects tulad ng pagiging kulay kahel o pula ng ihi. Gayunpaman, naiibsan ng mga gamot na ito ang mga sintomas ng UTI at hindi nito ginagamot ang iba pang mga medikal na kondisyon.
7. Paggamit ng water pouch na may mainit na tubig
Kung ikaw ay matutulog na, maglagay ng water pouch na may mainit na tubig sa ibabang bahagi ng iyong tiyan. Sa pamamagitan nito, mababawasan ang pananakit ng pantog at ang hindi komportableng pakiramdam.
Gayunpaman, siguraduhing hindi ito direktang ilalagay sa balat upang maiwasang mapaso ang balat. Kung hindi mababantayan habang natutulog sa gabi, ang electronic heating pad ay maaaring magdulot ng sunog.
Kung gusto mong uminom ng pain relievers, kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa pag-inom ng ibuprofen o acetaminophen upang maibsan ang pananakit ng pantog.
8. Bago matulog, maligo gamit ang maligamgam na tubig na may Epsom salt
Ang sitz bath na sinamahan ng isang kurot ng walang amoy na epsom salt sa maligamgam na tubig ay sinasabing epektibo sa pagkontrol ng pananakit ng pantog at iba pang mga sintomas ng UTI.
Gawin ang paliligong ito bago matulog at magbabad sa loob ng halos 10 hanggang 20 minuto upang maibsan ang mga sintomas. Iwasan ang paggamit ng bath salts at bath bombs, sa halip ay gumamit ng epsom salt. Tandaang kumonsulta sa iyong doktor bago ito subukan.
Ang mga payong ito ay maaaring makatulong para sa mga taong nakararanas ng mga sintomas ng UTI sa gabi. Gayunpaman, kung hindi bumuti ang iyong kondisyon, humingi ng medikal na tulong. Gayundin, huwag uminom ng anomang gamot nang hindi kumonkonsulta sa iyong doktor.
Matuto pa tungkol sa Urinary Tract Infections dito.